Taun-taon, sa tuwing sumasapit ang petsang Marso 4, hindi nakakalimutan ni Meldrid del Moro na gunitain ang anibersaryo ng kamatayan ng kanyang anak na si Vanessa Mae Ann Uri.
Mas kilala si Vanessa Mae sa screen name nitong Halina Perez.
Si Halina ay ang sexy star na nag-umpisa ang showbiz career noong 2000. Nang biglang natapos ang career nito, mahigit sa labindalawa ang bilang ng mga pelikulang nagawa ni Halina.
Kabilang dito ang Alipin ng Tukso (2000), Hinog Sa Pilit: Sobra Sa Tamis (2002), Ligaya... Pantasya ng Bayan (2002), Alyas Bomba Queen (2002), Dalaginding (2002), Kasiping (2002), at Kirot Sa Dibdib (2004).


Read: Shocking showbiz deaths: so sudden, so soon (Part 2)
“Kaya pala masama ang pakiramdam ko kahapon pa, sobrang sad ko dahil death anniversary mo ngayon. Hindi napapawi ang lungkot ko sa pagkawala mo, anak. Mahal kita, “ pahayag ni Meldrid sa araw ng anibersaryo ng pagpanaw ni Halina.
Isa itong malungkot na pahiwatig na hindi na siya makatatakas mula sa sakit ng kalooban na idinulot ng maagang pagkawala ng kanyang pinakamamahal na anak.

Meldrid del Moro with young Halina
Ngayong Sabado, March 4, 2023, ang ika-labinsiyam (19) na taon ng kamatayan ni Halina.
Dalawampu’t dalawang (22) taon lamang si Halina nang bawian ng buhay sa aksidenteng nangyari sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur, noong madaling-araw ng Marso 4, 2004.
Bumangga ang van na sinasakyan ni Halina at ng limang kasama nito sa truck na nakasalubong nila sa isang zigzag na kalsada.
Kasama sa namatay sa aksidente ang manager ni Halina na si Isaac Munio.
Nakaligtas naman ang kanilang mga kasama, kabilang ang aspiring aktres na si Danna Garcel at ang freelance production assistant na si Melon Antonio aka Byuti Veloso.

Danna Garcel (left) and Byuti Veloso (right)
Sa panayam noon kay Danna, ikinuwento niyang siya lamang ang gising sa mga pasahero ng van nang mangyari ang malagim na trahedya.
Humihinga pa si Halina nang kunin ito ng mga sumaklolo mula sa nawasak na sasakyan. Pero tuluyan na siyang binawian ng buhay nang dalhin sa Tagkawayan District Hospital sa Tagkawayan, Quezon, dahil sa nabali niyang leeg.
Itinuturing ni Melon, o Byuti, ang Marso 4 bilang kaarawan ng pangalawang buhay niya dahil isa siya sa mga himalang nakaligtas mula sa aksidente na isang masamang panaginip para sa kanya.
Kasama si Byuti sa entourage ni Halina nang maimbitahan ito sa motorcade at ribbon cutting para sa pagbubukas ng sangay ng isang photo shop sa Albay, Legazpi City.

The last photo of Halina Perez
BYUTI VELOSO REMEMBERS HALINA PEREZ
Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kay Byuti, sinabi niyang wala siyang napansin na pangitain na magpapaalam na si Halina sa mundo sa panahon na magkasama sila sa Albay.
“Wala kaming pinag-usapan. Basta nagmamadali lang siyang umuwi noon dahil hinihintay siya ng boyfriend niya,” ani Byuti, na kinilabutan at nanindig ang balahibo dahil parang nagpaparamdam umano si Halina sa kanya habang nagkukuwento siya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinagtapat ni Byuti ang madalas na pagpaparamdam ni Halina kaya umiiyak na lamang siya.
“Hindi ko ito sinasabi, ngayon lang. Maraming beses siyang nagpaparamdam. Tinatawag niya ako.
“Umiiyak ako na mag-isa tapos kinakausap ko siya,” rebelasyon ni Byuti.
Tumanggi si Byuti na ibahagi ang mga litrato nila ni Halina na magkasama noong nabubuhay pa ang sexy star.
“Huwag na po,” pakiusap ni Byuti nang itanong ng Cabinet Files kung maaaring magbahagi siya ng mga larawan nila ni Halina.
“Nasa album ko po [ang mga litrato] pero hindi ko na makita. Huwag na po, kawawa rin naman siya.”
Ang maging mabuti sa kapwa ang isa sa maraming aral na importanteng natutuhan ni Byuti mula sa aksidenteng nangyari.
Gaya ni Halina, natutulog si Byuti nang mabangga ng truck ang van na kanilang sinasakyan pero buo ang kanyang paniniwalang namatay rin siya noon dahil sa nasaksihan at naramdaman niya.
“Namatay na ako that time. Nabuhay lang ako, bumalik lang ang kaluluwa ko.
“Nakita ko, umaakyat ako na parang iniihip ako paitaas ng hangin, pero black ang lahat sa paligid ko,” rebelasyon ni Byuti.
Nagkaroon na lamang daw siya ng malay sa Tagkawayan District Hospital na pinagdalhan sa kanya. Nanlumo at madalas na umiiyak noon si Byuti nang sabihin sa kanyang namatay si Halina, na tinatawag niya sa pangalang "Pokwang."
“Pokwang ang tawag namin sa kanya. Wala pa si Pokwang [comedienne] sa showbiz noon.
“Simpleng tao lang si Pokwang. Mababaw lang ang kaligayahan niya. Bigyan mo lang siya ng Indian mango, tuwang-tuwa na.”
Ayon kay Byuti, inilihim sa kanya ang pagkawala ni Halina para hindi siya maapektuhan nang husto habang nagpapagaling mula sa mga sugat na tinamo niya.
“Nailibing na si Pokwang nang malaman ko na wala na siya. Hindi nila sinabi sa akin. Hindi ko alam na wala na sila [ng manager niya]. Para akong nanaginip lang.
“Fifteen days ako sa Tagkawayan Hospital, tapos inilipat nila ako sa Lucena Doctors Hospital dahil kulang ang kagamitan nila. Sumabog ang bituka ko kaya binuksan ang tiyan ko.
“Tapos inilipat ako sa 4th floor ng Philippine General Hospital at dito na ako nagpagaling,” malungkot na rekoleksyon ni Byuti sa nakaraan.
Wala nang komunikasyon si Byuti kay Danna pero ang kanyang huling balita, may-asawa na ang aspiring actress na kasama niyang nakaligtas sa sakuna.
“Nang magkita kami ni Danna, umiiyak siya. Niyakap niya ako. Siya lang kasi ang gising nang mangyari noon ang aksidente,” lahad ni Byuti.
Nasubukan na raw ni Byuti na balikan at daanan ang lugar na pinangyarihan ng aksidenteng kumitil sa buhay ni Halina pero nanginig ang kanyang buong katawan dahil bumalik ang masakit na alaala.
“Dumaan ako doon. Parang ayaw ko maniwala na nabuhay pa ako at parang ayokong tingnan. Nanginginig ako .Ang feeling ko, parang multo na rin ako.”
Nakalibing ang mga labi ni Halina sa Sta. Maria Catholic Cemetery sa Sta. Maria, Laguna, ang bayan na kanyang sinilangan.

Hindi man siya nakapunta noon sa burol at libing ni Halina dahil sa matagal na pananatili niya sa ospital, nadalaw na ni Byuti ang puntod ng kanyang namayapang kaibigan.