"Economic sabotage" ang paratang ni Regina Pryor laban sa kanyang ex-husband na si Dolphy Quizon Jr.
Si Dolphy Jr., na isang dating artista, ay anak ng yumaong Comedy King na si Dolphy.
Maraming taon na ang nakalilipas buhat nang i-upload sa YouTube ang video ng testimonya ng pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos at pagbabagong-buhay ng anak ng Comedy King.
Pero naapektuhan daw nang husto si Regina dahil bukod sa siya ang nagmumukhang masama, matindi ang epekto sa trabaho niya ng mga sinasabi ng kanyang dating karelasyon.
“Economic sabotage kasi nasisira ang karakter ko sa mga testimony niya. Nagkakaroon ng disrespect sa akin sa work ko kapag napapanood ang video ng kanyang testimonya.
“Ang sa akin lang, mag-testimony siya hangga’t gusto niya, huwag lang niya akong siraan.
"Kasi ang kasiraan ko, kasiraan ng mga anak niya at kasiraan din niya," hinaing ni Regina sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Lunes, March 13, 2023.
Nag-ugat ang sama ng loob ni Regina dahil sa mga testimonya ni Dolphy Jr., na napapanood sa iba’t ibang social media platforms, na para sa kanya ay paninira sa pagkatao niya kaya nakararanas siya ng mga panghuhusga.
Ibinabahagi ni Dolphy Jr. sa harap ng maraming mga tao na hindi nito makalilimutan ang petsang "Disyembre 1997" dahil ito raw ang araw na binisita siya ni Regina sa kulungan para ipagtapat na may iba nang mahal ang kanyang asawa.
Bahagi ng paglalahad ni Dolphy Jr. sa kanyang testimonya: “Nagulat po ako nang magsalita siya.
"Sabi niya, ‘Hindi na ako makakadalaw sa yo. Hindi na ako makakapag-antay sa laya mo.’ Sabi niya, ‘Mag-aasawa na ako.’
“Ako po talaga ay napayuko ako. Sabi ko, 'Diyos ko, bakit po ganoon? Kung kailan ako nakakilala sa Inyo, saka pa dumating ito sa buhay ko?’
“Masakit man po sa akin pero mabilis kong nasagot ang wife ko. Sabi ko, ‘Sige, kung saan ka maging maayos, huwag mo na lang pabayaan ang mga anak ko.’
“Ang naawa po ako, sa anak kong panganay na lalake, kasi hindi alam ng mommy niya, November 1997, naunang dumalaw ang anak ko.
“November pa lang, dumadalaw na sa akin, nagsusumbong. Sabi niya, ‘Daddy, si Mommy, may lalake sa bahay.’
“Pulis daw po. Colonel daw po yung lalake.
“Hindi po ako nagpapahalata sa anak ko kasi ayoko pong maapektuhan yung pag-aaral ng bata.”
Labing-walong taong nakulong si Dolphy Jr. sa Taguig City Jail, Pasig City Jail, at sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City dahil sa kasong panununog o arson with multiple homicide sa tahanan ni Viva big boss Vic del Rosario at Mina Aragon sa Greenhills, San Juan, noong March 30, 1980.
Anim na katao ang namatay sa nasabing insidente.
Matapos ang sampung taong pagdinig sa kaso, nahatulan ng korte si Dolphy Jr. ng habambuhay na pagkakakulong kahit iginiit niyang inosente siya sa kasalanang ibinibintang sa kanya.
Noong September 28, 1998, ganap na naging malaya si Dolphy Jr. dahil sa presidential pardon na ipinagkaloob sa kanya ni former Philippine President Joseph Estrada, na kilalang kaibigan at kasamahan sa industriya ng ama niyang si Dolphy.
Si Dolphy Jr. ay isa na ngayong ganap na pastor sa Jesus is Lord Church ni Bro. Eddie Villanueva.
REGINA PRYOR DEFENDS SELF AGAINST DOLPHY JR.
Ongoing na noon ang kaso ni Dolphy Jr. nang makilala niya si Regina, na kinukumbinsi noon ng newspaper columnist na si Ruther Batuigas para mag-artista.
Lahad ni Regina, “I was about to be introduced by Ruther Batuigas [sa isang pelikula], pero nang makilala ko siya [Dolphy Jr.], hindi na niya ako pinayagang mag-artista.
"Sixteen years old ako noon, he was 23.
“May kaso na siya noon. May bodyguard pa nga siya. Akala ko nga big time siya dahil may bodyguard, yun pala jailguard.
“We have four kids, sina Rocco, Thirdy, Richmond, at Ruffa.”
Si Regina ay 58 years old na sa kasalukuyan.
Hindi itinanggi ni Regina ang testimonya ni Dolphy Jr. tungkol sa kanyang pakikipagrelasyon noon sa isang pulis na naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Paliwanag niya, kailangan niyang buhayin ang apat nilang anak ni Dolphy Jr.
Saad niya, “Hindi niya ginampanan ang kanyang mga obligasyon. Labing-walong taon siyang nakulong kaya naghanap ako ng makakatuwang sa buhay para maitaguyod ang mga bata.
“Kung inayos niya lang ang buhay namin, hindi sana kami humantong sa ganoon.
“From that time, si Colonel na ang umako sa mga responsibilidad niya [Dolphy Jr.] dahil paglabas mula sa kulungan, nag-asawa na siya ng iba.
“Namatay si Colonel noong 2010."
Himutok pa ni Regina, "Matagal na yang mga testimony niya. Nanahimik ako dahil noong una, walang effect sa moral ko dahil sa YouTube lang siya napapanood.
“But now, it’s all over Facebook and TikTok, na pati ang kabuhayan ko at karakter ko, naaapektuhan na. Economic sabotage na ang nangyayari.
“Okay lang na mag-testimony siya, pero huwag naman yung sinisiraan niya ang tao na umako sa kanyang mga responsibilidad.
“Pinag-Japan pa niya ako. Hindi naman siya ang nag-abroad.
"Nung nasa Japan ako, nagpapadala ako ng pera. Yun pala, may iba na siyang ka-live-in.
“Ang sakit lang na ang side niya lang ang naririnig at napapanood ng mga tao, yung side ko, wala.
“Dagdag-bawas nga yung mga kuwento niya. Siyempre, puro pabor sa kanya.
“I know, I made some bad decisions in the past, pero it doesn’t mean na masama akong tao.
“Tao lang ako na nagkakamali rin, pero huwag naman akong pasamain sa paningin ng mga tao.”
Ipinagtapat ni Regina na pumasok sa isip nitong ilapit ang problema niya sa public-service program ni Senator Raffy Tulfo dahil sa mga sustento sa kanilang apat na anak na hindi ibinibigay ni Dolphy Jr. Pero may umawat umano sa kanya.
"Til now, yung sa annulment namin na executory na kailangan niyang i-reimburse ang monthly allowance na P10,000 ng mga anak namin from 1998 to 2016, wala! Sana makuha namin yon.
“Nabanggit ko [sa isang kamag-anak ni Dolphy Jr.] na gustung-gusto ko nang magpa-Tulfo. Pero sabi niya [Dolphy Jr.], huwag dahil meron naman daw.
“Kailan pa? Kapag nagkakapera siya [Dolphy Jr.], hindi naman niya naibibigay ang para sa mga bata. Kawawa ang mga anak ko.
“Noong 2016 pa ang desisyon ng court, pero wala pa rin. Ipapa-sheriff ko sana, palipat-lipat naman ng tirahan.
“Noong March 7, birthday ni Ruffa, as usual, promise na naman. May support siya na P5,000 na dapat P10,000.
“Marami siya na nabebentang lupa ni Daddy Dolphy pero hindi niya nabibigyan yung mga bata,” lahad ni Regina.
Sa kabila nito, umaasa si Regina na tutuparin at susundin ni Dolphy Jr. ang ipinag-utos ng korte tungkol sa sustento na dapat ibigay sa kanilang mga anak.
Bukas ang PEP.ph sa panig ni Dolphy Jr. kaugnay ng naging pahayag ni Regina Pryor sa artikulong ito.