Mapapanood sa GMA-7 series na Hearts On Ice ang unang beses na magsusuot si Ashley Ortega ng two-piece swimsuit sa harap ng kamera.
“Hindi ko rin alam na meron palang pa-two piece,” ang natatawang sinabi ni Ashley nang nakausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mediacon ng Hearts On Ice nitong Biyernes, March 3, 2023, sa GMA Coop Events Place sa Timog, Quezon City.
“Kaya parang biglaan din yung diet ko.
“Pero kanina…ang tagal pala ng exposure ng pa-two piece ni Ponggay,” ang tila nahihiyang pagtukoy ni Ashley sa unang pagpapakita sa trailer ng Hearts On Ice ng eksenang naka-two piece ang kanyang karakter na si Ponggay.
“So, first time po, first time na may pa-daring na ganun.”
Hindi ba nahirapan ang direktor nilang si Dominic Zapata na kumbinsihin siyang magsuot ng two-piece swimsuit sa naturang eksena?
Sagot ni Dominic, na katabi ni Ashley during the mediacon, "Ah hindi, si direk, very supporting. Siya nga may dala nun, e!”
Pagsang-ayon ni Ashley, “Oo. Saka pinag-usapan naman beforehand kung anong klaseng swimsuit yung isusuot and binigyan din naman ako ng heads up.
“Game rin naman ako kasi, siyempre, I’ve been in the industry for so long, saka para di ba, may maturity na rin.”
Aminado si Ashley na may pressure pa rin para sa kanya ang Hearts On Ice kahit na madaling gampanan ang papel niya bilang isang figure skater.
“Nandun rin yung pressure sa akin kasi, siyempre, ang taas ng expectations ng mga tao and sinasabi ko rin kay direk na kinakabahan ako, na airing na.
“Pero he will always tell me na, ‘I got your back, you did a good job.’
“So dasal lang.”
figure skating
Isang professional figure skater si Ashley.
Nagsimula ang kanyang skating career sa edad na three years old, at sumali siya sa mga kumpetisyon in and out of the country hanggang siya ay twelve years old.
Sa mga taong iyon, humakot si Ashley ng halos walumpung medalya sa mga nasalihang kumpetisyon dito at sa Thailand, China, Japan, Malaysia, at iba pang bansa.
At sa walumpung iyon, ang pinaka-tine-treasure ni Ashley na medalya ay ang napanalunan niya sa Thailand.
“Because that was the first country na I competed abroad at saka yung sa Thailand, iyon yung parang pinakamagandang medal na nakuha ko.
“And then memorable din sa akin yung nag-compete ako sa Malaysia kasi parang I brought home eight gold medals that time.”
Ang Pilipinas daw ang nakapag-uwi ng pinakamaraming medalya mula sa Malaysia noong time na yun.
Ano ang pagkakapareho o pagkakaiba nina Ashley at Ponggay bukod sa passion nila sa skating?
“Siguro si Ponggay, pilay,” at tumawa si Ashley. “Hindi, joke lang.
“Ang hirap nga sabihin kung ano yung difference ni Ponggay at saka ni Ashley kasi parang ako lang din si Ponggay, very bright, very positive. Tapos yung parents din, yung mom, si Nanay Libay, strict.”
Si Libay ang ina ni Ponggay sa Hearts On Ice na ginagampanan ng aktres na si Amy Austria.
“Si mommy rin before, when nag-i-skate ako, strict din siya sa akin.
“So siguro yung magkaroon ng parang Xian Lim sa story, wala akong ganun sa totoong buhay, e,” banggit ni Ashley sa kanyang leading man na ikinatili ng mga tao sa mediacon.
“So iyon siguro yung difference namin.”
working with xian lim
At dahil nabanggit na ni Ashley si Xian, kumusta si Xian bilang leading man?
“Naku,” ang tumatawang unang reaskyon ni Ashley sa tanong namin. “Actually nung nalaman kong si Xian Lim yung partner ko, medyo nag-fangirl ako.
“Hindi ko na lang pinahalata sa iyo,” sabay-harap ni Ashley kay Xian na katabi rin niya sa mediacon.
“Kasi hindi pa ako artista noon, napapanood ko na siya. Oo! Tapos nalaman ko siya yung leading man ko, kinilig din ako.
“And then I got to meet him in person, he’s very approachable.
“Tapos ang guwapo niya, ang guwapu-guwapo ni Xian kapag ka-eksena ko siya.
“Very charming and he’s super friendly."
Kuwento pa ni Ashley, nabuo ang pagkakaibigan nila ni Xian sa labas ng set.
Paglalahad ng aktres, "Actually, we created a bond, iba kasi yung environment ng sa set tapos it’s a different environment also kapag nagte-training kami sa skating rink ‘coz it feels like work.
“So it’s more of we really became friends off-cam na hindi yung showbiz-showbiz lang. Because iba yung environment namin sa skating, nagiging friends niya rin yung ibang mga figure skater, so talagang outside world of showbiz."
Sa sobrang close nila ni Xian ngayon, hindi nahihiya si Ashley na humingi ng advice sa kanyang leading man.
Sabi ni Ashley, “And ayan very open, humihingi rin ako ng mga life advice sa kanya kasi alam niyo naman magaling iyan, e, may podcast iyan about life, di ba, saka yun nga POV [point of view] of a guy.
"So ang dami naming mga tsika. So talagang ang saya niya katrabaho.
“And I really, eto, wala itong eme, I really hope na makatrabaho ko ulit siya.”
Ilan sa mga kasama nina Ashley, Amy, at Xian sa Hearts On Ice ay sina Tonton Gutierrez, Lito Pimentel, Cheska Iñigo, Roxie Smith, Skye Chua, Kim Perez, Ruiz Gomez, Rita Avila, Ina Feleo, at marami pang iba.
