Hindi alintana ang init ng panahon sa pagsisimiula ng kauna-unahang edisyon ng Summer Metro Manila Film Festival (MMFF).
Kasabay ng Linggo ng Palaspas, ginanap ang Parade of Stars ngayong April 2, 2023, kung saan nasilayan nang malapitan ng fans ang mga iniidolo nilang artista na tampok sa walong entries na magsasalpukan ngayong 1st Summer MMFF.
Sakay ng makukulay na karosa, binaybay ng mga artista ang kahabaan ng Commonwealth Avenue mula Villa Beatriz hanggang sa magtapos sila sa Quezon Memorial Circle.
Ang naturang parada ay hudyat ng pagsisimula ng summer edition ng MMFF na naudlot noong 2020 dahil sa pandemya.
Daan din ito para i-promote ng mga artista ang kani-kanilang pelikula na mapapanood sa mga sinehan simula April 8, 2023 hanggang April 18, 2023.
Read: 1st Summer Metro Manila Film Festival official entries announced
Pasado alas kuwatro ng hapon, nagsimula ang Parade of Stars.
Bukod sa mga bida ng iba't ibang pelikula, spotted din sa karosa ang mga natatanging direktor nila.
YUNG LIBRO SA NAPANOOD KO
Nangunguna sa parada ang bookshelf-inspired float ng Yung Libro Sa Napanood Ko.
Sakay ng karosang ito ang mga bidang sina Bela Padilla, Yoo Min-gon, at Boboy Garrovillo.

Kapansin-pansin sa float na ito na nakasulat sa bawat libro ang titulo ng pelikulang pinagbidahan ng lead actress at direktor na si Bela.
Ilan sa mga ito ay ang Miracle in Cell No. 7, 10000 Hours, Luck at First Sight; 100 Tula Para Kay Stella, Spell Bound, The Day After Valentine's, On Vodka, Beers and Regrets, Camp Sawi, at Meet Me in St. Gallen.

ABOUT US BUT NOT ABOUT US
Pumapangalawa sa parada ang karosa ng pelikulang About Us But Not About Us.

Sakay nito ang lead stars ng pelikula na sina Romnick Sarmenta at Elijah Canlas, at direktor nilang si Jun Robles Lana.
Ipinadama rin ng cast ang summer feels nang batiin at kumaway sila sa nag-aabang na fans habang hawak ang toy bubble guns.

Ani Elijah, isang "thrilling na maraming twist" ang kanilang pelikula.
Dagdag pa niya, "Kung naghahanap po kayo ng something a Filipino movie na hindi niyo pa napapanood before, isang thrilling na maraming twist, sana po mapanood niyo yung entry namin."
HERE COMES THE GROOM
Agaw-eksena ang float ng Here Comes The Groom.
Damang-dama kasi ang summer dahil sa pink flamingo design ng kanilang karosa sakay sina Enchong Dee, Keempee de Leon, Maris Racal, Kaladkaren, Miles Ocampo, Awra Briguella, Xilhouete, Fino Herrera, Nico Antonio, Iyah Mina, at direktor nilang si Chris Martinez.

Itinodo na rin nila ang summer feels dahil sa mga suot nina Awra, Kaladkaren, at Xilhoutte. Naka-topless naman sina Nico at Fino na nagpahiyaw sa mga tao.

LOVE YOU LONG TIME
Napapalibutan ng iba't ibang makukulay na bulalak na galing pa umano sa Summer Capital of the Philippines na Baguio City ang karosa ng Love You Long Time.

Sakay nito ang mga bidang sina Carlo Aquino at Eisel Serrano.
Bago magsimula ang parada, inanyayahan nina Carlo at Eisel ang publiko na suportahan ang kanilang pelikula at lahat ng kalahok sa 1st Summer MMFF.
Saad ni Carlo, "Sobrang init, sana po yung welcome niyo sa amin ay ganoon din yung welcome niyo sa lahat ng pelikula ng first-ever Summer Metro Manila Film Festival."
Sabi naman ni Eisel, "Maraming-maraming salamat po sa pagsuporta sa amin. Suportahan niyo po ang eight na pelikula ngayong April 8, of course Love You Long Time."

SINGLE BELLS
Jeepney-inspired naman ang karosa ng pelikulang Single Bells.

Sakay nito ang mga bidang sina Alex Gonzaga, Angeline Quinto, at Aljur Abrenica.
Ayon kay Alex, ang pelikula nila ay para sa mga single, jowang-jowa, nasaktan, at nagmahal. Mula ito sa direksiyon ni Fifth Solomon.

APAG
Vintage house-inspired naman ang karosa ng pelikulang Apag.
Sakay nito sina Coco Martin, Gladys Reyes, Jaclyn Jose, Lito Lapid, Mark Lapid, at direktor nilang si Brillante Mendoza.

Ayon kay Gladys, siguradong magugustuhan ng mga Pilipino ang kanilang pelikula dahil sa kakaibang kuwento nito.
Sabi niya, "Apag, ang ibig sabihin hapag kainan kaya hindi lang po namin kayo bubusugin sa masasarap na pagkain ng Pampanga kundi sa amin pong kuwento na aming ihahandog sa inyo na with unexpected twist."

KAHIT MAPUTI NA ANG BUHOK KO: THE MUSIC OF REY VALERA
Jukebox design naman ang karosa ng Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera. Napapalibutan ito ng iba't ibang musical instruments kagaya ng gitara at piano.

Sakay nito sina RK Bagatsing, Meg Imperial, Shira Tweg, Dennis Padilla, Eric Nicholas, at direktor na si Joven M. Tan.

UNRAVEL: A SWISS SIDE STORY
Kakaiba rin ang karosa ng pelikulang Unravel: A Swiss Side Love Story.
Kinunan ang buong istorya ng pelikulang ito sa bansang Switzerland kung kaya't makikita rin sa kanilang karosa ang bandila ng Switzerland.

Sakay nito ang mga bidang sina Gerald Anderson at Kylie Padilla, at direktor nilang si RC delos Reyes.

