Nilinaw ng Soul Diva na si Jaya na hindi siya anti-transgender, o in general ay tumutuligsa sa LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community.
Ngayong madaling-araw ng Miyerkules, April 5, 2023 (oras sa Pilipinas), ni-repost ni Jaya ang pagtatanong ng actor-director na si John "Sweet" Lapus sa Twitter.
Nakasaad sa tweet ni John: “Mga anak sino daw yung singer na panay ang like ng mga anti trans tweets dito?”
Sa comments section, ilang followers at kaibigan ni John ang direktang tumukoy sa pangalan ni Jaya.




Ang isa ay direkta pang tinag ang account ng singer.

Malinaw na nakarating ito kay Jaya at kaagad nagpaliwanag tungkol sa isyu.
In-address mismo ni Jaya kay John ang kanyang paliwanag.
Ayon kay Jaya, may sinusundan siya sa Twitter na isang grupo ng LGBT, ang Gays Against Groomers, na lumalaban sa pagpapalaki sa mga bata sa Amerika kung saan hinuhubog at ipinapasailalim sa surgery na hindi alam ng kanilang mga magulang, gayong hindi raw umiinom o bawal magpa-tattoo ng mga kabataang ito.
Si Jaya ay nakabase na ngayon sa Washington, D. C. sa Amerika.

Ayon pa sa singer, sana raw ay tanungin muna siya bago husgahan ang kanyang paniniwala.
Buong mensahe ni Jaya: “John I am not anti trans but if you will follow @againstgrmrs they are a group of lgbt that is against grooming young children here in America to get surgery without consulting with their parents and these kids can’t even drink alcohol or get a tattoo.
“Sana you guys can ask me what is going on before assuming what I believe and am tweeting. Mas ok if magtanong muna. Wala kayo dito so you are not aware of our daily lives here.”
Itinuturing si Jaya na isa sa gay icons sa bansa at madalas ini-impersonate ng gay impersonators.
Si John naman ay isa sa prominenteng gay personality sa Philippine showbiz, at ngayon ay isa na ring direktor.
Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kunan ng reaksiyon si John kaugnay ng tweet ni John, ngunit tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
