Hindi napigilang maging emosyunal ng singer na si Lani Misalucha nang alalahanin ang matinding dagok na dumating sa buhay nila ng mister na si Noli Misalucha.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda noong Lunes, April 3, 2023, ibinahagi ni Lani ang mga pinagdaanan nila na may kaugnayan sa kanilang kalusugan.
Lahad ng Asia’s Nightingale, “First, it was 2020, it was August, he [Noli] had a heart attack.
“Nagka-heart attack muna siya ng August, so to make it sure, nag-triple bypass siya.
“Lumipas ang August, naging September, tapos first week of October bacterial meningitis naman kaming dalawa."
Dahil dito, parehas silang na-confine sa ospital at kapwa naapektuhan ang kanilang mga pandinig.
Saad ni Lani, “Ang bacterial meningitis ay hindi biro, maaaring mag-cost ito ng iyong buhay kapag hindi ito naagapan.
“Iyong nasa ospital pa lang kami na hindi ko naiintindihan kung ano yung nangyayari kasi parang malabo yung pandinig ko, yun pala ganun din si Noli.
“Ayun na pala yung pinaka-sequela ng particular na bacteria na yon.”
Ang "sequela" ay ang epekto ng dating sakit o pinsala.
Kuwento pa ni Lani, nang dalhin sila ng kanyang asawa sa ospital ay nararamdaman na nila ang epekto ng sakit, kabilang na ang paglabo ng kanilang paningin, pagkawala ng balanse at pandinig.
"So, you can imagine for a singer like me, mawawalan ng pandinig, e, parang napakahirap nun, di ba?”
Sundot na tanong sa kanya ng host na si Boy Abunda, “So, you went through medication, treatment, and therapy?”
“Yes,” sagot ng singer.
Pagpapatuloy niya, “Noong nasa ICU kami, ayun yung ginawa.
“Pinatay nila yung bacteria through medicine and all that, and then binigyan kami ng steroids para bumaba yung swelling sa brain namin.”
Dumating pa raw sa puntong na-comatose ng ilang araw ang kanyang mister.
“Si Noli, actually, nagkaroon pa siya ng hemorrhage, na-coma pa siya. Hindi siya gumigising at all.
“Ayun yung mga naging health scares na nangyari sa buhay namin,” lahad ni Lani.
THREAT TO HER SINGING CAREER
Sa kalagitnaan ng kanyang pagkukuwento ay biglang naging emosyunal si Lani nang alalahanin kung paano nakaapekto sa kanyang pagkanta ang medical condition niya.
Sabi niya, “Napakaterible ng pakiramdam na, 'Paano ako kakanta na yung sarili kong boses hindi ko na naririnig?'
“Sabi ko noong time na bumalik ako sa All Out Sundays, nakapag-taping na ako ng The Clash nun, alam mo yung feeling na yung pandinig mo parang tinatakpan yung bibig mo.
“Lahat ng tao mayroon kang naririnig na sounds pero hindi mo naiintindihan yung sinasabi nila.”
Sa puntong iyon nagsimula nagsimulang kuwestiyunin ni Lani ang sarili.
Pagbabalik-tanaw niya, “Noong time na yon [sabi ko], 'Paano ako kakanta kung ganito lang?'
“Noong kumanta na nga ako doon sa Chrismas concert ng The Clash, hindi ko alam na sintunado pala ako, na hindi ko na-hit yung mga notes ko.
“Lahat ng naririnig ko sintunado, and I even told myself after singing na, 'Kung ganito rin lang, bakit pa ako kakanta?'
“Sinong audience ang gustong makarinig ng sintunado?”
May pagkakataon din umano na kinuwestiyon ni Lani ang Diyos sa kinahaharap niyang pagsubok.
“Ito na nga lang yung binigay sa akin ng Panginoong Diyos na gift [tapos] mawawala pa.
“Wala akong [reklamo] dun na ito naman yung ibinigay sa akin, take it anytime from me.
"Pero siyempre, hindi mo maiiwasan in the beginning na, 'Bakit naman ganun, singer ako, e. Binigay Mo nga sa akin itong singing talent na ito, itong boses na ito, tapos gagawin Mo akong bingi. Paano na ako kakanta?'”
Paano siya kumakanta ngayon?
Sagot ni Lani, “Sa totoo lang, hindi na katulad noong dati, medyo nahihirapan na ako.
“Kasi noong dati marami akong little nuances, mga dynamics here and there.
“Minsan hindi ko na siya nagagawa kasi nga hindi ko na siya naririnig.”
Read: Lani Misalucha back to performing live; still struggling with singing due to hearing loss
Bumalik man o hindi ang kanyang dating pandinig, ipapasa-Diyos na lang daw ito ni Lani.
“It doesn't really matter if my hearing is going to come back. It doesn't matter anymore, really.
“Because this was given to me, makaka-complain pa ba ako?
"There are just a lot of other amazing and beautiful things happening in our life, bakit pa ako mag-complain?
“Kasi sa totoo lang, hindi mo naman malalaman kung ano yung mga darating sa buhay mo.
“Minsan kahit yung pinaka-least expected mo na bagay, e, ayun pa yung darating,” pahayag ni Lani.
Read: Lani Misalucha, tuloy ang pagkanta sa kabila ng pagkawala ng pandinig
Nang tanungin kung magaling na ba siya ngayon, sagot ni Lani: “Hindi ko masabi na better.
“Siguro masasabi ko na lang na, we’ve gotten used to our situation."
Read: Lani Misalucha cracks up netizens with her "nagmamadaling matapos ang 2021" version of Jingle Bells
