Inilaglag nga ba ni Paul Soriano ang lehitimong entertainment press para ibigay ang exclusive interview ni Vanessa Hudgens sa misis niyang si Toni Gonzaga?
Sa kaisa-isang Manila mediacon ng visiting Hollywood star, nagkaroon ng malaking aberya nang ipatigil ni Paul ang solo interviews ng media outlets na noo'y naghihintay na sa venue.
Mangyari pa, ang mga ito'y pormal na inimbitahan ng official PR Team ni Paul. Sa kaso ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), natanggap ang imbitasyon may tatlong linggo bago mag-mediacon. Sa loob ng panahong iyon, dalawang beses ipinangako ng PR Team na magkakaroon ng panahon ang piling press na makasama si Vanessa—sa general presscon, o sa round table, o sa one-on-one.
Sa kaso ng PEP.ph, isang one-on-one, at ipinasama na rin ang PEP video team.
Dahil walang dahilang ibinigay si Paul, at dahil hindi naman nito inaakong siya ang nagpatapyas ng nakalinyang mga interbyu, naging tampulan siya ng espekulasyon. Pinakamaingay rito ang teoryang binakuran ni Paul si Vanessa para maisalang ang Hollywood star sa ToniTalks, ang YouTube channel ng misis ni Paul na si Toni Gonzaga.
Kinagabihan ng mediacon, March 31, si Toni na rin ang nagpatunay na magkasama nga sila ni Vanessa. Ito'y matapos mag-post ni Toni sa Instagram ng litrato niya kasama ang Hollywood singer-actress. Parehong naka-all-black outfit, may excited na caption dito si Toni: "The Philippines loves you @vanessahudgens! What a blessing it is to meet a unique and beautiful soul!"
Nang mga sandaling iyon, wala pa ring linaw kung meron o wala silang interview. Maaaring nagkita lamang ang dalawa at nagpa-selfie; maaaring nag-goodbye lang si Toni dahil yun na rin ang araw ng alis ni Vanessa pabalik ng Amerika.
Hanggang sa may apat na sources na nagkumpirma sa PEP.ph na may nangyari ngang interview: Totoong isinalang si Vanessa kay Toni para sa ToniTalks. Mangyari pa, ayaw nilang magpapangalan.
Naganap daw ang interbyu noon ding March 31, sa mismong araw na kanselahin ni Paul ang one-on-one interviews ng local press dala ng kakulangan ng oras ng visiting star; sa pagitan ng "4:30 to 6:30 p.m.," o tatlong oras matapos ibitin ni Paul sa ere ang local press sa Manila mediacon.
"Todo ang set-up," sabi ng isa sa apat na sources. "As in, isang room na malaki with all the camera and lights."
Ang venue ay isang suite sa Shangri-La Hotel sa BGC, ilang building lang ang layo mula sa Manila House Private Club, ang venue ng mediacon.
Komento ng isa pang source, planado ang interview, hindi ito nagbaka-sakali lamang.
Mukhang ang pinakamaingay na teorya ang siyang napatunayang tama.
WHAT THE PR KNOWS
Nagkaroon ng eksklusibong panayam ang PEP.ph sa Chief PR na namahala sa mediacon.
Sa palitan ng e-mail ng PEP.ph News Editor na si Rachelle Siazon at PUBLICITYASIA Lead Publicist na si Joyce Ramirez, noong April 8, Holy Saturday, nilinaw ng PEP.ph ang dahilan ng pagkakatigpas ng one-on-one interviews ng entertainment press kay Vanessa.
Tanong ng PEP.ph kay Joyce: "We gathered that Vanessa did a one-on-one interview with Toni Gonzaga, Paul's wife. Did Paul kill the solo interviews to make time for Toni Talks?"
Kinumpirma ni Joyce na natuloy ang interview ni Vanessa sa ToniTalks, at nangyari raw ito ilang oras bago bumiyahe ang Hollywood actress pabalik ng Amerika.
Hindi sinagot ni Joyce kung ang interview ni Toni ang dahilan ng pagpapatigil ni Paul sa face-to-face interviews.
Ayon din kay Joyce, hindi niya mismo nasaksihan ang interbyu ni Toni kay Vanessa.
"Nasa labas lang po kami ng hallway at naghihintay," paglilinaw nito. "In fact, after Vanessa’s interview I entered the suite to say hello to Toni."
Sa loob ng hotel suite, nabati raw ni Joyce si Toni, pero nang tila hindi nagrehistro ang mukha nito sa TV host-actress, umatras na raw ito.
Paglalarawan ni Joyce sa engkuwentro nila ni Toni: "Kaso, parang hindi niya ako namukhaan. She looked blank and clueless.
"Ayaw ko naman po mapahiya, kaya umalis na ako at hindi na nanood ng shoot."
Siniguro na lang daw ni Joyce na makapagpaalam siya kay Vanessa pagkatapos ng interbyu ni Toni.
"I waited for Vanessa to finish and said goodbye to her. She hugged me and thanked me for everything."
Read: WHAT PEP KNOWS: Paul Soriano in the center of controversy at Vanessa Hudgens' presscon
Read: PR boss Joyce Ramirez breaks silence on Vanessa Hudgens' Manila presscon
IS TONITALKS INCLUDED IN VANESSA'S ORIGINAL ITINERARY?
Tanong pa ng PEP kay Joyce: Was ToniTalks part of the agreement with Vanessa's manager? Kasama ba o hindi ang ToniTalks sa original itinerary ni Vanessa nung araw ng Manila mediacon?
Dito ay walang sagot si Joyce.
Pero sa nakuha ng PEP.ph na statement ni Joyce tungkol sa kasunduan ng U.S. Team ni Vanessa at ng TEN17P, kapansin-pansing wala ang ToniTalks sa itinerary ng press appearances ng Hollywood star.
Hindi malinaw kung, sa kalaunan, ay naipaalam ng TEN17P sa U.S. Team ang interview ni Toni kay Vanessa.
Ang malinaw na nasa kontrata, ani Joyce, ay may "30 minutes" para sa general presscon ni Vanessa kasama ang local press at may dagdag na "90 minutes" si Vanessa para sa solo at group interviews.
Ngunit saksi ang PEP.ph na wala pang isang oras ang mediacon ay gusto nang ipatigil ni Paul ang interviews. Nagsimula ang programa ng 11:33 a.m., ngunit 12:15 p.m. pa lang ay pinapa-abort na ni Paul ang buong event.
May saksi namang nagsabi sa PEP.ph na nag-usap sina Joyce at Paul sa holding area, na hiwalay sa lugar ng press. Sinabi raw ni Joyce na hindi isyu ang solo interviews dahil may oras nang nakalaan para rito. Sinabi pa raw ng PR sa producer: "Let's talk about it later. Relax. Don't panic." Ngunit dumating ang puntong inis daw na sinabi ni Paul: "F*** off the press. They should adjust to me. Because I am the most powerful!"
Sunod na tanong ng PEP.ph ay kung may postmortem na sila Joyce at Paul tungkol sa mediacon.
Sagot ni Joyce (published as e-mailed): "Wala pa po kaming post-mortem. Ang nag-post-mortem lang ay ako at ang US team.
"It’s Holy Week and I am currently in Seoul, South Korea for other projects.
"After po nito ay palipad ako ulit patungong ibang bansa. Tutok po kasi ako nonstop sa international work and I have back-to-back projects."
VANESSA'S LAWYER ON UNAUTHORIZED VIDEOS
Malaman naman ang pahayag ni Joyce tungkol sa utos ng U.S. Team ni Vanessa na i-monitor ang "unauthorized videos" na kuha sa Hollywood star.
Kasama raw dito ang anumang interview o feature o stolen footage na hindi napagkayarian sa kontrata.
Paliwanag ni Joyce sa PEP.ph, masusing dumaan sa U.S. Team ang itinerary para sa video appearances ng aktres, at may kontrata kaugnay dito.
Noong April 4, 2023, nakatanggap daw si Joyce ng sulat mula sa legal firm ni Vanessa, ang Ziffren Brittenham LLP, na nagpapaalala tungkol sa unauthorized videos.
Inatasan daw si Joyce ng U.S. Team na magbigay ng "gentle reminder" sa TEN17P na "'no further footage or other materials may be released without prior approval."
Sabi ni Joyce sa e-mail sa PEP.ph (published as is): "In fact, sinulatan ako ng US lawyers ni Vanessa asking me to remind the local production of the material usage at yung mga nagkalat ng unauthorized videos na wala sa kontrata.
"Maayos naman po itong na-settle between TEN17P and the US."
Naalarma raw kasi ang law firm sa ilang videos ng Hollywood star na kumalat sa Internet. Iyon daw ang katangi-tanging isyung binanggit ng U.S. Team.
Ayon kay Joyce, tumulong din daw ang TEN17P sa pagri-report at pagpapabura ng ganitong videos.
MAIN PLAYERS OF THIS TALE
VANESSA HUDGENS. Si Vanessa ay kilalang star sa Amerika. Dahil may talent, masipag, at determinado, marami siyang entabladong nagagalawan.
Tumuntong siya ng Broadway para sa musical na Gigi (2015), lumabas sa NBC series na Powerless (2017), nag-star sa Netflix romance movie na The Knight Before Christmas (2019), at naging judge sa TV reality show na So You Think You Can Dance, Seasons 14 at 15.
Ayon sa imdb.com, sa edad na otso ay sumasali na si Vanessa sa stage plays, at pagtuntong ng 16 ay nabigyan ng break sa High School Musical, isang family-friendly movie na naging hit, at ginawan ng dalawang sequel na pinagbidahan pa rin ni Vanessa.
Patuloy ang pamamayagpag ng career ni Vanessa.
Ilan sa mga sikat na artistang nakatambal niya ay sina Golden Globe at Tony winner Andrew Garfield (Tick, Tick...Boom!), Danish drama-action superstar Mads Mikkelsen (Polar), Academy award winner Nicolas Cage (The Frozen Ground), at heartthrob Zac Efron (High School Musical).
Pasok sa Hollywood celebrity world ang buhay ni Vanessa. Limang taon silang na-link ni Zac Efron noong mga panahong ginagawa nila ang High School Musical. Walong taon silang mag-boyfriend ni Austin Butler, noong hindi pa kilala ito ng mundo bilang Elvis; at engaged siya ngayon kay Cole Tucker, American Baseball League professional shortstop.
Sa tirahan naman, si Vanessa ay may modern, farmhouse-style spread sa Studio City sa Los Angeles, na may view ng San Fernando Valley. Nagkakahalaga ito ng $7.5M, ayon sa dirt.com.
Ipinanganak sa Salinas, California, ang 34-year-old star ay may Filipina mother at American-Irish father. Ang ama ni Vanessa—yumao ito noong 2016—ay isang firefighter sa California. Unang dalaw ni Vanessa ito sa Pilipinas, at nanatili siya rito mula Marso 25 hanggang Marso 31, kasama ang ina.
Naging business at pleasure ang kanyang dalaw dahil pumirma si Vanessa ng kontrata sa TEN17P, isang Filipino company, para gumawa ng film documentary. Ang konsepto: Vanessa's search for roots, na magtatampok sa ganda ng bansa ng kanyang ina, si Gina Guangco Hudgens.
Si Paul Soriano ang may-ari ng TEN17P. Siya rin ang director-producer ng film documentary ni Vanessa, na wala pang title habang hindi pa naaaprub ng U.S. Team ni Vanessa ang final cut. Ang floating title nito ay The Awakening.
Tulad ng inaasahan, siksik ang six-day stay ni Vanessa sa Pilipinas.
Lalo na ang last day, nung 31st, na punung-puno—ng natatanging mediacon ni Vanessa sa Pilipinas; ng shoot sa Manila House para sa documentary, kasama na ang footage ng pagkanta niya ng "Dahil sa Iyo"; ng shoot sa Baluarte sa Intramuros para pa rin sa documentary; ng interview sa BGC Shangri-La Hotel para sa ipinasok na ToniTalks; at ng paglipad niya pabalik sa Los Angeles, ang kanyang homebase.
Detalyado ang latag ng kanyang itinerary at deliverables, na halos lahat naman ay natupad.
Liban sa isa: ang naka-iskedyul na one-on-one, face to face, solo interviews ng singer-actress sa piling media, kasama na ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), Manila Standard, at CNN Philippines.
Ayon kay Joyce Ramirez, na siyang tumulong para makuha si Vanessa for the project, si Paul ang nag-foot ng bill ng mediacon at si Paul din ang nag-utos na itigil na lahat.
PAUL SORIANO. Si Paul ay direktor ng di kulang sa pitong pelikula sa edad na 41. Pang-mainstream viewing ang kanyang Siargao (Erich Gonzales, Jericho Rosales), na prinodyus ng TEN17P; ang First Love (Aga Muhlach, Bea Alonzo) at Kid Kulafu (Buboy Villar), na co-production ng TEN17P at Star Cinema. Pang-indie audience naman ang kanyang Mañanita, Dukot, at Thelma.
Ang Thelma (2011) ay nagbigay ng Best Actress award kay Maja Salvador mula sa Gawad Urian; at ng Best Screenplay (Froi Medina, Paul Soriano), Best Cinematography (Odyssey Flores), at Best Director awards mula sa Film Academy of the Philippines.
Ang Siargao (2017) ay nagbigay ng Best Director award kay Paul mula sa Metro Manila Film Festival, na nagbigay din ng awards para sa Best Cinematography (Oddysey Flores), Best Editing (Mark Victor), Best Sound (Mark Locsin, Mikko Quizon, Jayson Conanan, Kathrine Ariane Salinas), at Best Original Theme Song (Hale). Napanalunan din ni Jasmine Curtis Smith ang Best Supporting Actress para sa Siargao.
Bread and butter naman ni Paul ang pagdirek ng TV commercials, na madalas ay mas lucrative kaysa sa pagdidirek ng pelikula.
Ngunit sa ngayon, mas naririnig ang tungkol sa film projects ng TEN17P, ang production company na co-owned ni Paul at ng kaibigang si Mark Victor. Sa inanunsiyo nilang parating na collab, makakasama raw ni Paul sina Kevin Kwan (writer, Crazy Rich Asians) at Lawrence Bender (producer, Good Will Hunting, Django, Inglourious Basterds, Kill Bill).
Madalas masabing artistahin si Paul. Maamo ang mukha, mestizo, magandang lalaki, puwede siya sa harap ng camera, gaya ng lolo niyang si Nestor de Villa, isang icon ng Philippine movies. Liban sa kanyang showbiz pedigree, lalong nakilala si Paul nang makasal ito kay Toni Gonzaga, isang bonafide star.
TONI GONZAGA. Si Toni ay leading lady ng maraming rom-coms ng Star Cinema. Kinabog niya ang box office sa pinagbidahang My Amnesia Girl (kasama si John Lloyd Cruz) at Starting Over (kasama si Piolo Pascual). Sa figures na nirelease ng Star Cinema, kumita ang My Amnesia Girl ng P144.82M (2010) at ang Starting Over ng P400M (2014).
Nang lumaon ay nag-prodyus na rin siya ng pelikula sa ilalim ng TinCan Productions, tulad ng Mary, Marry Me (Toni, Alex Gonzaga, Sam Milby), Exorsis (Alex at Toni Gonzaga), The Entitled (Alex Gonzaga, JC de Vera), at Single Bells (Alex Gonzaga, Angeline Quinto) na entry ngayon sa Summer MMFF.
Sa tagal ng 16 years, si Toni ay naging resident host ng Pinoy Big Brother (PBB). Umalis siya sa PBB sabay ng pag-alis sa ABS-CBN noong Pebrero 9, 2022. Lumipat ng ALLTV ng bilyonaryong si Manny Villar, nag-host si Toni ng Toni, isang talk show, na itinigil ng network kasabay ng pagtigil ng lahat ng shows ng istasyon, noong Pebrero 2023.
Sa ngayon ay nakikita si Toni sa ToniTalks, isang YouTube channel.
toni's youtube channel
Big deal ba ang pagkakaroon ng YouTube channel?
Ang sagot: Big deal.
Sa pananaliksik ni PEP.ph Video Editor Rommel Llanes, lumalabas na malayo na ang narating ng digital channel ni Toni na nagsimula nung January 14, 2019.
Sa kasalukuyan, ito ay may 6.62 million subscribers, 209 video uploads, at nasa 464,883,003 ang total video views.
One-on-one interviews ang karamihang laman ng talk show ni Toni. Ang ilang kilalang personalidad na lumabas sa kanyang channel ay si Pangulong Bongbong Marcos, na ninong ni Toni at Paul sa kasal; dating Vice-President Leni Robredo; ang mag-asawang doktor na Vicky Belo at Hayden Kho; at ang highest-earning Filipino YouTuber ng 2022 na si Raffy Tulfo.
Ilan sa pinakamataas na views na nakuha ni Toni ay nang sumalang ang internet celebrities na sina Herlene Budol, Zeinab Harake, Jelai Andres, at Toni Fowler.
Ayon sa Social Blade, isang social media analytics website, ang channel ni Toni ay may estimated monthly earnings na $1.6K to $25.1K; at estimated yearly earnings na $18.9K - $301.8K.
Sa exchange rate na P55.37 sa bawat $1, ito ay lumalabas na estimated monthly earnings ng P88.5K - P1.4M; at estimated yearly earnings ng P1M - P16.7KM.
Hindi nga lang masasabing laging eksakto ang mga numero ng Social Blade.
Ayon sa artikulong inilabas ng Huffpost tungkol sa Social Blade: "Social Blade estimates earnings for each YouTube channel based on the money generated for every thousand ad views. These estimates aren't exact. Instead, they create a minimum and maximum amount that a channel could be earning; in some cases, the range can be huge.”
Pabagu-bago rin ang range ng kita sa YouTube depende sa panahon, season, o dami ng nanonood.
Sa artikulong inilabas noong Agosto 2020 ng maya.ph—isang digital banking app website—binabayaran ng YouTube ang local partners nito ng $0.10 to $0.30 per view.
Si Toni ay considered na YouTube local partner.
Kung susundin ang Social Blade figures, ang numbers ng ToniTalks nitong 30 araw na nagdaan ay 6.28M page views. Ang ganyang page views ay masasabing nagbigay sa panahong iyon ng estimated income kay Toni na P88.5K - P1.4M.
Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
More hot stories on PEP.ph:
