Binansagang Zumba King si Ron Antonio, na dating miyembro ng show na That’s Entertainment at ng all-male group na Wiseguys—na sumikat noong mid-90s.
Nakapagtala si Ron sa Guinness Book of World Records noong 2018 ng record-breaking Zumba event na dinaluhan ng halos 14,000 participants sa Pili, Camarines Sur.
Inorganisa sa ilalim ng Zayaw Pilipinas brand ni Ron, kinilala ito ng Guinness bilang biggest Zumba class in history.
Sa mga hindi pa nakakaalam, ang Zumba “is a high-energy workout program that combines cardio and Latin dance."
Bilang Zumba King, nabigyan ng pagkakataon si Ron noong 2018 na maging co-host sa "Zumbarangay" segment ng Eat Bulaga!
READ 84-year-old cancer survivor, palaban sa zumba sa Nueva Ecija

RON ANTONIO'S ZUMBA ACHIEVEMENTS
Bukod rito, may mga awards na nakamit si Ron sa larangan ng Zumba at pagsasayaw, tulad ng pagiging multi-gold medalist sa 2019 World Championships of Performing Arts (WCOPA) na ginanap sa Amerika.
May mga dance album rin si Ron na naging nominado sa Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club. Nariyan ang Zayaw Pilipinas, na nominado bilang Best Dance Recording noong 2016, at Hagod, na nomindo noong 2021.
Si Ron din ang kauna-unahang Pilipino na nakapag-release ng OPM Zumba music album.
At hindi naging hadlang ang pandemic na dulot ng COVID-19 upang huminto si Ron.
Ni-launch niya ang We Dance As One virtual event na dinaluhan ng mga fitness enthusiasts at nagsilbing isang fund-raising initiative para sa kanyang mga kasamahan at colleagues sa dance fitness industry na naapektuhan ng pandemya.
READ Wowie de Guzman: From UMD's lead dancer to Zumba instructor
RON ANTONIO'S ZUMBA EVENTS
At ngayong taong 2023, isang pasabog ni Ron ang Zayaw Saya 2023.
Gaganapin sa Linggo, April 23, mula 1 p.m. to 8 p.m., sa Quezon City Memorial Circle, ang fitness event na ito that “aims to promote healthy lifestyle through a fun Zumba experience with games, dance showcase, concert, and Zayaw party.
Dadaluhan ito ng humigit-kumulang apat na libong fitness enthusiasts.
Ito ang pinakamalaking event ni Ron simula noong nagkaroon ng pandemya.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong April 4, sa isang mall sa Quezon City, nagdetalye si Ron tungkol sa brand niyang Zayaw Pilipinas.
Aniya, “Zayaw is something I created in 2016, kasi Pilipino tayo, e, I’m very nationalistic.
"So sabi ko kailangan ng Pilipinas ng sarili niyang Zumba, kaya ko po naisip yung Zayaw Pilipinas.
“Kasi po Pilipino yun, para sa Pilipino, so I created original music, nagko-compose po ako together with a friend, nag-produce kami, and may sarili din kaming sayaw, mga steps, and very soon magkakaroon din tayo ng Zayaw Pilipinas Instructor.”
RON ANTONIO: FROM SINGING TO DANCING
Dating singer, paano napunta sa mundo ng Zumba si Ron?
Paliwanag niya, “Medyo humina yung singing career ko, so I have to find a new career.
“E, I was into fitness, into group exercise, mahilig akong mag-gym, mahilig din akong sumali sa mga… so ano rin ako, parang Zumba enthusiast, mahilig din akong sumali nung nag-uumpisa ako.
"And from there, naisip ko magtayo ng sarili kong dance studio.
“So in 2012, nag-set up ako ng sarili kong dance studio, and, there, I became an instructor na po.
“To be honest, yung passion ko for dancing siguro bata pa ako mahilig na akong sumayaw, but my first love was really singing.
“Pero may mga memories ako, yung youth group ko before, we would have the chance to do some dance numbers, and I would join. And I would have memories na sobra akong nag-e-enjoy.
“Actually, a little story, bago po ako naging Zumba instructor, sumikat po yung sayaw ng ‘Nobody, Nobody But You’ [Nobody ng Wonder Girls].
"And you know what, bago pa ako na-introduce sa Zumba, I was doing that, I was teaching that choreography to a group of people, not thinking na I will be doing it as a career later on.”
Bukod kay Ron, ang isa pang celebrity Zumba instructor ay ang dating Manoeuvres dancer na si Joshua Zamora at ang misis nitong Sexbomb member na si Jopay Paguia.
Magkakilala ba sila ni Joshua?
“Yes, magkakilala kami.”
Birong-tanong namin kay Ron, sino ang mas magaling sa kanila ni Joshua?
“Let them be the judge,” at tumawa si Ron.
Ano masasabi niyang pagkakaiba nila ni Joshua bilang Zumba instructor?
“Nakasama ko na si Joshua, magaling yun! The big difference is I have my own brand.
"Ito yung Pinoy Zumba na Zayaw Pilipinas, so I have my own music, original music and original moves, dance steps po, so iyon yung difference.”
DANCING TO KEEP FIT
At dahil nasa fitness si Ron, at kamakailan lamang ay napabalita ang pagkakaroon ng stroke ng aktor na si Gardo Versoza dahil umano sa sobrang exercise, hiningan ng PEP.ph si Ron ng opinyon tungkol dito.
“I believe you have to… kailangang i-check mo talaga yung body mo, kasi it doesn’t mean na you’re exercising na you’re healthy. Maybe, you’re over-exercising. So that’s one reason.
"Or maybe kulang sa nutrients yung katawan mo, yung kinakain mong pagkain baka mali and you’re exercising, so that might be the reason.”
Paano niya hihikayatin ang mga tao na never sumayaw, pero gustong maging physically fit sa pamamagitan ng Zumba? Paano niya mae-encourage ang mga ito na hindi sila ma-intimidate?
Ani Ron, hindi “Actually, the nice thing about Zumba or dance fitness or Zayaw is madali lang siya because may nagli-lead sa harapan, so ang gagawin mo lang susunod ka lang.
“So normally, we would start naman from the basics, basic na movement, kung alam naman namin na baguhan yung nag-join, we’ll make it easy for them.
“So ganun lang po, para maka-join sila, of course, we encourage everyone to join para makasunod at makasabay.”
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa 09177039564 or 09177167261 o mag-email sa zayawpilipinasproductions@gmail.com.
Magkakaroon rin si Ron ng international tour simula sa Hunyo, at iikot ang Zayaw Pilipinas sa Canada (Toronto, Montreal, Winnipeg), Europe, Middle East, at Asia through special Zumba performances on board Costa Cruises.
