Naipakilala na nang personal ng Kapuso hunk na si Derrick Monasterio ang rumored girlfriend niyang si Elle Villanueva sa kanyang inang si Tina Monasterio.
Nangyari ito ilang linggo matapos dumating ang ina ni Derrick mula sa ilang buwang bakasyon sa Amerika.
Sa ekslusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kina Derrick at Elle, inusisa namin ang aktor kung ang naging reaksiyon ng kanyang ina nang ipakilala nito rito ang dalaga.
Naganap ang interbyu sa sa residential house ni Vice Mayor LA Ruanto ng Infanta, Quezon, noong Sabado, April 22, 2023.
Lahad ng 27-year-old actor, "Well, first time na ganun ka-warm si Mama sa... sa mga past ko kasi before, hindi siya ganun ka-warm. Pero sa kanya [Elle], warm siya.
"Kasi, siguro ay nakikita naman niya yung growth ko nung nakakasama ko siya. Nakita niya na nagbabago ako, nagma-mature.
"Yun naman e. Kapag nakikita ng isang ina na yung anak niya nagbabago, susuportahan niya talaga."
Maganda naman daw kasi ang impression ni Tina kay Elle.
Ano naman ang masasabi ni Elle sa mga pahayag ni Derrick?
"Ang haba ng hair!" natatawa niyang sabi.
Kasunod nito ay ikinuwento ni Elle nang huli silang mag-bonding ng ina ni Derrick.
"Recently, umalis kami together with his family.
"Nag-dinner kami sa BGC. So, kuwentu-kuwentuhan.
"Then, I find Tita so fun. Very fun mom siya.
"And yun, nag-wine lang kami."
Wala naman daw binanggit si Tina tungkol sa fears ng isang magulang dahil ayon kay Derrick, nasa tamang age na rin naman sila.
Read: Derrick Monasterio reveals what made him fall for Elle Villanueva
NO-LABEL RELATIONSHIP
Pinaninindigan ng dalawa na wala pa ring label kung anuman ang relasyon nila ngayon. Wala pa silang kinukumpirma kung officially ay silang dalawa na.
Ani Derrick, "Ang status namin, wala kaming mga label.
"Hindi kami nagpapa-pressure sa society na kailangang... sa amin kasi, hindi importante yun, e.
"Yung importante sa amin, yung ipinapakita namin sa isa't isa. Yung love namin for each other.. Hindi sa amin importante yung labels."
Para sa isang babae, okay lang ba kay Elle ang ganung klaseng set-up? Yung hindi niya maipagsigawan sa buong mundo na boyfriend niya si Derrick?
Pahayag ng 27-year-old actress, "Actually, yes.
"Ang importante naman ay genuine sa akin yung tao, and honest siya. We have an open communication.
"So, yung labels, it's actually just labels. That's for me, ha?
"Pero kung sasagutin ko siya, kung boyfriend ko na, ayaw kong madaliin ang sarili ko.
"Ayaw ko ring imadali yung relationship kasi, sayang naman."
Hindi ba yun masakit sa kanila na parang wala silang pinanghahawakan sa isa't isa?
Sagot ni Derrick, "Hindi. Hindi naman. Kasi, alam ko naman yung ibinibigay niya sa akin."
Hindi ito sinagot ni Elle. Ibig bang sabihin nito ay bukas sila sa ibang taong magkakagusto sa kanila?
Pahayag ng Kapuso actress, "Hindi na. Parang we are exclusively dating.
"We're taking it slow, para hindi siya kumplikado."
Read: Derrick Monasterio at Elle Villanueva, enjoy sa "no label" relationship
Saang level na ba ang kanilang relasyon?
Sagot ni Derrick, "Well, ever since naman, naging malinaw na sa amin ang lahat.
"Ever since na nagkaroon na kami ng exclusivity, malalim na kaagad ang pinagsamahan namin. Malalim na kaagad yung intindihan.
"So, andun sila lagi sa peak. Nasa peak kami sa kung ano man ang meron kami.
"Hindi na bumababa yun kasi hindi kami nag-aaway, hindi nagkakaroon ng misunderstandings.
"Talagang very open kami to change for each other. Iniisip namin lagi para sa isa't isa."
Sabi naman ni Elle, "I like kung nasaan man kami ngayon.
"Sobrang gusto ko siya kasi, honestly, yung relationship namin ngayon, ngayon ko lang siya naranasan na ganun ka-mature, ganun ka-open to the extent na honest kami sa isa't isa without, alam mo yun, nagbabangayan, nag-aaway.
"Kaya naming pag-usapan ang lahat ng bagay.
"And then, I think nai-inspire talaga namin ang isa't isa. Naggu-grow kami together.
"Walang negative factor na naklikita, and if ever man meron, naayos kaagad namin."
Sa susunod na Sabado, April 29, ay muling mapapanood sina Derrick at Elle bilang love team sa isang episode ng Magpakailanman.
