Ngayong tapos na ang termino niya bilang city councilor, ready na ulit bumalik sa showbiz ang '90s showbiz heartthrob na si Matthew Mendoza.
After nine years ng kanyang pagiging public servant sa Puerto Princesa, Palawan, nagdesisyon si Matthew na magpahinga muna sa politika at balikan ang mundo na unang niyang minahal—ang showbiz.
Sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa pamamagitan ng Facebook Messenger noong April 25, 2023, sinabi ni Matthew ang dahilan ng kanyang muling pagsabak sa pag-arte.
Saad niya, "I was a commercial model and in showbiz for 18 years, from 1994 up to 2012. I stopped accepting projects for TV and film when I won during the 2013 elections. I ranked number one in Puerto Princesa.
“Ang daming magagandang projects na ibinibigay sa akin that time, pero hindi ko na ma-accept dahil magiging conflict sa work ko as councilor. Yung iilan na projects na ginawa ko during my term, tinanggap ko kapag may free days ako on weekends."
Read: Matthew Mendoza reveals giving up role in Indio to focus on political plans in Puerto Princesa
Pagpapatuloy ni Matthew, "I guess it's time na bumalik ako sa mundong ito. I played the role of a real-life politician for almost ten years, siguro sapat na iyon.
"I've already proven to my constituents in Puerto Princesa na maaasahan nila ako as a public servant. Naging prioirty ko sila kapag may mga problema, especially noong magkaroon ng COVID-19 pandemic."

MISSING SHOWBIZ
Naging maganda at maayos ang political career ni Matthew sa Palawan.
Una siyang nahalal bilang city councilor ng Puerto Princesa noong 2013.
Muli siyang nanalo for a second term noong 2016, kasabay sa pag-elect sa kanya sa Philippine Councilors League bilang PRO for Luzon Island.
Sa kanyang pagwawagi for a third term noong 2019, na-elect naman siyang vice-president for Luzon Island ng Philippine Councilors League.
During his term ay naging chairman ng committee on tourism si Matthew. Bumalik na raw ang sigla ng Puerto Princesa pagkatapos ng tatlong taong pandemya.
Hindi raw maitanggi ni Matthew na na-miss din niya ang showbiz.
"When my term as city councilor ended noong June 31, 2022, doon na ako nag-isip-isip na balikan ulit ang showbiz kasi wala nang magiging conflict sa schedules ko," pahayag niya.
"Believe ito or not, I do miss acting, and marami din sa mga constituents natin ang nagtatanong kung kailan nila ako mapapanood ulit sa isang teleserye.
"Sila pa ang nagpu-push sa akin na mag-showbiz ulit at sinabi pa nila na, 'Tapos na ang term mo bilang konsehal, puwede ka uli sa showbiz.'"
Ultimo ang pamilya ni Matthew ay gusto na rin siyang maging aktibo sa showbiz ulit.
"I have a very supportive family. My wife Angie, she's been with me through thick and thin. Kung ano ang maging desisyon ko sa career ko, she's always there at alam niya na they will always be my priority. I've always been a family man.
"My kids—Bea [23], Kyla [20], and Luke [17], malalaki na sila and they love whatever I'm into. Noong malaman nila na artista pala ako before, they want me to tell them stories about my time in showbiz noong '90s. They are very interested in what my life was before being a politician.
"Kaya kahit na naging busy tayo before as a city councilor, hindi nawawala yung bonding time ko with my family. We usually go out for a family outing sa beach or we travel abroad.
“When the pandemic happened in 2020, doon ko mas nakasama ang mga bata sa bahay because of the lockdown. Mas nakilala ko sila and naging bonding namin ay magluto at maglinis ng buong bahay.
"Before the pandemic, nababalanse ko naman yung time ko with work and family. It was hard at first pero nakasanayan ko na rin yung tinatawag na time management.
“When I'm at work, all my focus is there, but the weekends are for my wife and kids. Bumabawi ako sa kanila by cooking their favorite meals. Magre-request sila ng gusto nilang kainin at iluluto ko yun for them," pagbabahagi ng actor-turned-politician.
MATTHEW'S SHOWBIZ CAREER
Huling napanood si Matthew sa teleseryeng Wildflower ng ABS-CBN noong 2018.
Bago iyon ay lumabas siya sa Destined To Be Yours (GMA-7, 2017), Kapag Puso'y Masugatan (ABS-CBN, 2013), Angelito: Batang Ama (ABS-CBN, 2012), Sinner Or Saint (GMA-7, 2011), Alakdana (GMA-7, 2011), Imortal (ABS-CBN, 2010), Dyosa (ABS-CBN, 2008), at Daisy Siyete (GMA-7, 2008).
Aware naman si Matthew na marami nang nabago sa showbiz. Taun-taon ay may mga bagong artista at direktor na pumapasok sa showbiz. Mabuti na lang daw at updated siya sa mga pangyayari sa showbiz.
"Kahit nag lie-low ako sa showbiz for a few years, patuloy ko pa rin nasusubaybayan ang showbiz sa TV or through social media.
“Active naman tayo sa Facebook, which is my only social media platform. Kahit wala pa tayong Instagram or Twitter, updated tayo sa mga happenings sa showbiz. Kaya pamilyar ako sa mga bagong artista ngayon at pati na dun sa mga kasabayan ko noon who are doing father and mother roles now. Ilang beses na rin akong gumanap na tatay sa mga teleserye kaya nakaka-relate tayo."
Kabilang si Matthew sa hunks noong ‘90s. Naging pantasya siya ng mga babae at maging gays dahil sa mga pelikula niyang Dyesebel (1996) at Sabado Nights (1996). Naging pin-up boy rin siya noon dahil sa ilang sexy and topless photo shoots.

Ang mga kasabay niya noon sa showbiz na sina Jay Manalo, Jao Mapa, Mark Anthony Fernandez, at Joko Diaz ay tumatanggap ng sexy roles na pinapalabas sa streaming platform na VIvamax. Nakikita ba niya ang sarili na nakikipag-sex scene sa edad niya ngayon?
"Wow, at 51, siguro I would stick to the roles na kaya kong gawin," sagot ni Matthew.
"I remember noong contract star pa ako ng Viva Films back in 1996, they were building me up as a sexy leading man. It was okay for me to wear swimming trunks, mag-topless and do occasional love scenes. Basta hindi siya bastos tingnan because ayokong may masabing hindi maganda ang family ko.
“May limitations na ako noon pa. Tsaka hindi ako bagay sa mga sexy movies, e. I will leave those roles sa mga actors na kayang gawin iyon.
"I'm more sa mga roles na tatay or any famous character in Philippine history. Puwede ko rin naman subukan ang maging kontrabida para maiba lang."
THROWBACK
Para sa isang throwback, tinanong ng PEP.ph si Matthew kung ano ang nami-miss niya sa kanyang pagiging artista noong '90s.
"Well, I was lured into showbiz after doing TV commercials, most especially yung Close-Up toothpaste. Lahat yata na naging Close-Up Boy ay nagiging artista like Gabby Concepcion and Robin da Roza," pagbabalik-tanaw niya.
Karamihan ng mga proyekto ni Matthew noong '90s ay pelikula dahil "hindi pa uso noon yung mga teleserye."
Bukod sa Dyesebel at Sabado Nights, napanood din siya sa mga pelikulang Ikaw Naman Ang Iiyak, Nag-iisang Ikaw, Bridesmaids, Nang Iniwan Mo Ako, Pusong Mamon, Nag-aapoy Na Laman, at Mapagbigay.
Ilan naman sa mga ginawa niyang teleserye ay ang Familia Zaragoza (ABS-CBN), Sa Puso Ko Iingatan Ka (ABS-CBN), at Di Ba't Ikaw (GMA-7).
Sabi pa ni Matthew, "Naalala ko na during that time, ibang-iba ang set-up sa taping especially sa mga equipments, like cameras and lights. Di pa siya high-tech like now. Tapos wala pa yung mga aircon tents.
"Kapag may shooting kami, sama-sama kaming lahat sa isang waiting area or doon ka magpapahinga or matutulog sa sasakyan mo. Ngayon, mas convenient na sa mga artista ang mag-taping because mas komportable na sila sa set.
"But the '90s was an unforgettable decade for me because I was able to work with the best people in the industry."
Naging direktor ni Matthew sina Joel Lamangan, Don Escudero, Jose Javier Reyes, Romy Suzara, Ike Jarlego Jr., at Emmanuel Borlaza.
Naging leading ladies naman niya sina Sharon Cuneta, Charlene Gonzalez, Dawn Zulueta, Ina Raymundo, Mikee Cojuangco, Ara Mina, at Lorna Tolentino.
Nakatrabaho rin niya ang mga magagaling na artista gaya nina Albert Martinez, Eric Quizon, Keempee de Leon, Gary Estrada, Jaclyn Jose, Ruby Moreno, Sheryl Cruz, at Chinggoy Alonzo.
Ayon kay Matthew, “Nakakapanghinayang lang na I wasn’t able to work with the veteran stars na wala na ngayon like sina Fernando Poe Jr., Susan Roces, Eddie Garcia, Dolphy, Nida Blanca. I wished na nakasama ako sa mga movies na nandoon sila.
"Even the likes of Nora Aunor, Vilma Santos, and Christopher de Leon, never ko pa sila nakatrabaho.
"Kaya hopefully, sa pagiging active ko ulit sa showbiz, I get to work not just with the new actors today, but with the senior stars as well.”
