Ang road accidents ang ika-13 dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino noong 2022, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon naman sa United Nations, isang tao ang namamatay kada 24 segundo dahil sa road accidents worldwide.
Kabilang sa mga datos na ito ang ilang Pinoy celebrities na binawian ng buhay dahil sa pagkakasangkot nila sa vehicular accidents.
Binalikan ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang ilan sa mga artistang pumanaw dahil sa aksidente sa daan.
EDDIE PEREGRINA
Ang mga matatapat na tagahanga ng Original Jukebox King na si Eddie Peregrina ang nakaalala na kahapon, April 30, 2023, ang ika-46 anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Binawian ng buhay si Eddie sa Polymedic Hospital (VRP Medical Center na ang pangalan ngayon) sa Mandaluyong City, noong April 30, 1977, mahigit isang buwan matapos mabangga ang kanyang sasakyan sa isang trailer truck sa underpass ng EDSA-Shaw Boulevard.
Siya ay 32.

Sikat na sikat na singer-actor si Eddie noong kapanahunan nito kaya malaking balita sa Philippine showbiz ang kanyang pagpanaw dahil sa internal hemorrhage.
Nakalibing sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ang mga labi ni Eddie. Nakasulat sa kanyang lapida ang mga salitang "Alaala Ng Pag-Ibig," na pamagat ng isa sa mga kanta niya.
Sina Nora Aunor at Vilma Santos ang ilan sa mga nakapareha ni Eddie sa telebisyon at pelikula noong namamayagpag ang kanyang singing at acting career.

VIC PACIA
Ang aktor na si Vic Pacia ay namayapa dahil nabangga ang sasakyan nito sa Calamba, Laguna, noong November 16, 1973. Siya ay 39.
Aktibong-aktibo si Vic sa showbiz nang bawian siya ng buhay.
Dahil ang radyo ang mabilis na pangunahing source o pinagmumulan noon ng mga balita, nakatutok ang lahat sa radyo para malaman ang kumpletong detalye tungkol sa pagkawala ng TV host-actor, na dating napanood sa Oras Ng Ligaya at sa mga pelikula ni Fernando Poe Jr.

CLAUDIA ZOBEL
Vehicular accident din ang ikinamatay ni Claudia Zobel noong February 10, 1984.
Si Claudia ang bold actress na inilunsad ng Regal Films noong June 1983 sa Shame, ang blockbuster film na nagpataob sa To Love Again, ang pelikula nina Sharon Cuneta at Miguel Rodriguez.

Isinugod si Claudia sa Makati Medical Center nang mabangga ang kanyang northbound car sa southbound vehicle na nasa opposite lane ng EDSA sa harap ng Mantrade sa Pasong Tamo, Makati City.
Madaling-araw ng Biyernes nang mangyari ang aksidente.
Ang aktor na si Al Tantay ang isa sa mga tumulong at nagdala kay Claudia sa ospital. Walang kamalay-malay si Al na si Claudia ang kanyang tinulungan at nalaman na lamang niya ang katotohanan nang kilalanin o i-identify ang aktres ng mga kaibigan nito.
Ang mga tauhan ng Makati Medical Center ang nagdeklarang nasawi si Claudia na ikinabigla ng sambayanang Pilipino dahil pumanaw siya sa murang edad na 19.
LINO BROCKA
Isang malagim na trahedya ang sinapit ng acclaimed director na si Lino Brocka.
Binawian ng buhay si Brocka nang bumangga ang sinasakyan niyang kotse sa isang sementadong poste ng kuryente sa East Avenue, Quezon City, noong May 22, 1991. Pumanaw ang direktor sa edad na 52.
Ang nagmamaneho ng sasakyan ay ang aktor at protégé ni Brocka na si William Lorenzo. Galing sila noon sa Spindle Music Lounge sa Tomas Morato, Quezon City, kung saan pinanood nila ang show ng singer-actress na si Malu Barry.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, iniwasan ni William ang isang tricycle na biglang lumitaw sa kanilang dadaanan, pero nakita naman nila ang dalawang tao na tumatawid. Sinubukan daw ni William na iwasan ang mga pedestrian kaya bumangga ang sasakyan sa poste.
Dead on arrival si Brocka nang isugod sa East Avenue Medical Center, habang nasa critical condition naman si William, na kalaunan, ay idineklarang ligtas sa panganib.

Si Brocka ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensiya at importanteng direktor sa Philippine cinema.
Kabilang sa mga obra niya ay ang Wanted: Perfect Mother (1970), Santiago! (1970), Stardoom (1971), Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1975), Maynila Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975), Ang Tatay Kong Nanay (1978), Gumising Ka Maruja (1978), Rubia Servios (1978), Ina Kapatid Anak (1979), Ina Ka Ng Anak Mo (1979), at Bona (1980).
Siya rin ang nagdirek ng Caught In The Act (1981), Cain at Abel (1982), Bayan Ko: Kapit Sa Patalim (1984), Miguelito: Batang Rebelde (1985), Maging Akin Ka Lamang (1987), Pasan Ko Ang Daigdig (1987), Macho Dancer (1988), Orapronobis (1989), Babangon Ako't Dudurugin Kita (1989), at Gumapang Ka Sa Lusak (1990).
Ginawaran siya ng posthumous National Artist for Film noong 1997.
JAY ILAGAN
Motorcycle accident ang kumitil sa buhay ng award-winning actor na si Jay Ilagan noong February 4, 1992. Siya ay 37.
Walang suot na helmet si Jay na sakay ng kanyang motorsiklo nang mabangga ito ng minamanehong sasakyan ng isang lasing na nakikipagtalo sa girlfriend.
Nabundol ng kotse ang likuran ng motorsiklo ni Jay kaya tumilapon ito at nabagok ang ulo, na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nangyari ang aksidente sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.

Ipinagluksa ng Philippine movie at television industry ang malungkot na katapusan ni Jay, na isang malaking kawalan dahil sa mga kontribusyon niya bilang mahusay na aktor.
Nagsimula bilang isang matinee idol, si Jay ay kinilala bilang isa sa pinakamahusay na aktor sa bansa.
Ilan sa mga tumatak niyang pelikula ay ang mga sumusunod: Minsa'y Isang Gamu-gamo (1976), Aguila (1980), Kasal? (1980), Kakabakaba Ka Ba? (1980), Brutal (1980), Kisapmata (1981), Bad Bananas Sa Puting Tabing (1983), Soltero (1984), Sister Stella L (1984), Bituing Walang Ningning (1985), Sana'y Wala Nang Wakas (1986), at Maging Akin Ka Lamang (1987).
JON HERNANDEZ
Hindi na masyadong aktibo bilang artista si Jon Hernandez nang mamatay ito, sa edad na 24, noong November 7, 1993.
Bumangga ang kanyang sasakyan sa isang concrete obstruction sa madilim na bahagi ng North Luzon Expressway.
Si Jon ay anak ng veteran actress na si Alicia Alonzo at ng aktor na si Ross Rival, na mula sa kilalang Salvador clan at ama ng aktres na si Maja Salvador.
Nag-umpisa ang acting career ni Jon bilang child star at naging miyembro siya ng youth-oriented program na That’s Entertainment.
Headline noon ng mga pahayagan at news programs ang kanyang pagkawala.

RIC SEGRETO
Sakay rin ng motorsiklo si Ric Segreto noong September 6, 1998 nang mahagip siya ng isang jeep.
Tumilapon si Ric mula sa kanyang motorsiklo, at tumama siya sa mga nakausling bakal sa EDSA-Buendia flyover sa Makati City na noong time na yun ay ginagawa pa lamang. Ang freak accident ang ikinamatay ng singer.
Ilan sa mga pinasikat na kanta ni Ric ay ang "Give Me A Chance," "Don't Know What To Say," "Loving you," at "Kahit Konting Pagtingin," na napakikinggan pa rin hanggang ngayon sa mga AM at FM station dahil madalas na pinatutugtog ng mga DJ.

HALINA PEREZ
Dalawampu’t dalawang (22) taon lamang si Halina Perez nang bawian ito ng buhay sa aksidenteng nangyari sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur, noong madaling-araw ng Marso 4, 2004.
Bumangga ang van na sinasakyan ni Halina at ng limang kasama nito sa truck na nakasalubong nila sa isang zigzag na kalsada.
Sinabi ng mga eyewitness na humihinga pa si Halina nang iligtas at kunin ito ng mga sumaklolo mula sa nawasak na sasakyan.
Pero tuluyan nang nalagutan siya ng hininga nang dalhin sa Tagkawayan District Hospital sa Tagkawayan, Quezon, dahil nabali ang kanyang leeg.

AJ PEREZ
Noong April 17, 2023, ginunita ng matatapat na tagahanga ni AJ Perez ang ika-labindalawang anibersaryo ng kamatayan ng kanilang iniidolong aktor.
Sakay si AJ ng service van ng ABS-CBN, at nanggaling sila ng kanyang mga kasama sa isang show sa Dagupan nang mangyari ang malagim na aksidente sa MacArthur Highway sa Barangay San Julian, Moncada, Tarlac, noong April 17, 2011.
Bumangga ang sasakyan nina AJ sa kasalubong na provincial passenger bus dahil sinubukan ng driver ng kanilang service van na mag-overtake sa trailer truck na nasa unahan nila.
Idineklara si AJ na dead on arrival sa Rayos-Valentin Hospital, Paniqui, Tarlac na nagdulot ng labis na pagdadalamhati sa lahat ng mga nagmamahal sa kanya.
Read: Star Magic talent AJ Perez, 18, is dead

Sa maikling panahong inilagi ni AJ sa mundo at sa showbiz ay tumatak sa kanyang mga tagahanga ang ilan sa mga proyektong ginawa niya sa ilalim ng bakuran ng ABS-CBN.
Nagsimula ang kanyang showbiz career noong 2006, sa murang edad na 13.
Kabilang sa mga naging proyekto niya ay ang mga telseryeng Lobo (2008) at Sabel (2010-2011), at mga pelikulang Kasal, Kasali, Kasalo (2006), Bahay Kubo: A Pinoy Mano Po (2007), BFF: Best Freiends Forever (2009), Ang Tanging Pamilya: A Merry Go Round (2009), at Mamarazzi (2010).
Huli siyang napanood sa episode ng Maalaala Mo Kaya na pinamagatang "Tsinelas." Ipinalabas ito dalawang linggo matapos siyang bawian ng buhay, noong April 30, 2011.
ANDREI SISON
Naglaho ang pasimula pa lamang sanang showbiz career ng Sparkle GMA Artist Center na si Andrei Sison nang bawian siya ng buhay sa isang vehicular accident.
Isa siya sa apat na pasahero ng sasakyan na bumangga sa poste, puno, at concrete signage ng isang subdivision noong Biyernes ng madaling-araw, March 24, 2023, sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Dahil sa aksidente, tatlo sa mga kabataang pasahero ang namatay, kabilang si Andrei. Ang tanging nakaligtas ay ang kasamahan ni Andrei sa Sparkle Teens na si Josh Ford.
Si Andrei ay apo ng balladeer na si Marco Sison.
