Inamin ng Korean TV host-comedian na si Ryan Bang na inalok siya noon ng South Korean Entertainment agency na SM Entertainment na magkaroon ng career sa South Korea.
Ngunit matapos daw ang pag-iisip at diskusyon kasama ang kanyang pamilya, napagdesisyunan niyang tanggihan ito at manatili sa bansang unang nagbigay ng oportunidad at nagpasikat sa kanya — ang Pilipinas.
Ang SM Entertainment ay tahanan ng kilalang K-pop groups at stars katulad ng Girls’ Generation, SHINee, Super Junior, Red Velvet, EXO, NCT, aespa, at si BoA.
Ito ay ibinahagi ni Ryan nang makapanayam siya ni ABS-CBN head of TV Production Laurenti Dyogi na mapapanood sa YouTube channel ng Star Magic.
Ayon sa It's Showtime host, malaki ang nagbago sa kanyang buhay matapos siyang madiskubre ng ABS-CBN.
Nagsimula ang showbiz career ni Ryan sa Pilipinas nang maging official housemate siya sa reality show ng Kapamilya Network na Pinoy Big Brother (PBB), noong 2010, kung saan tinanghal siya bilang second big placer.
Saad ni Ryan kay Direk Lauren, "Iniba mo talaga Direk yung buhay ko.
"Kasi kung hindi mo ko kinuha sa PBB, siguro bumalik na ako sa Korea o baka isang trabahador lang ako sa isang company.
"Pero noong pinili niyo po ako, nagtiwala po kayo sa akin, kaya ngayon kahit papaano ginagalingan ko po para hindi nila sabihin sa iyo na mali yung pinili mo."
Aminado rin si Direk Lauren na hanga siya sa pagiging mabait, masipag, at loyal ni Ryan sa ABS-CBN at Star Magic.
Kahit nagkaroon daw sila ng problema sa prangkisa ay hindi sila iniwan ni Ryan at pinili nitong manatili sa kanilang pangangalaga.
Tanong sa kanya ni Direk Lauren, "Hindi mo iniwan ang Pilipinas. Puwede naman na from here [Philippines] magpatuloy ka sa Korea. Bakit hindi ka bumalik? Like Sandara [Park], you could have opted to go back to South Korea?”
Sa puntong ito, ikinuwento ni Ryan ang offer sa kanya noon ng SM Entertainment na tinanggihan niya.
Pagbubunyag niya, "Noong close pa kami ni Ate Dara [Sandara Park], pinakausap sa akin dati yung company niya.
"Tapos may kumukuha sa akin [para mag-five years] training.
"Na-meet ko yung Mr. Lee Soo-man, yung pinaka-head ng SM Entertainment, gusto talaga nila ako 100 percent doon.
"Nagpunta pa ako sa SM Town, nag-one-on-one interview pa kami.
"Interested talaga sila na [kunin ako] pang-TV, pangkomedyante, at pang-host."
Ilang beses daw pinag-isipan ni Ryan kung tatanggapin niya ang alok sa kanya.
Lahad niya, "Wala pa sa puso ko na i-grab ko ang chance ng SM.
"Sabi ng mga magulang ko naman noong nasa Korea pa ako, 'Bahala ka, desisyon mo yan.'
"So, parang nagdalawang-isip ako.
"Yun ang offer naman [kasi] nila, bawal ako pumunta ng Philippines.
"Kailangan bawat galaw ko, bawal, kaso sobrang makulit talaga ako.
"Sa Korea kasi, grabe, mahigpit, parang walang freedom.
"E, grabe ang ugali ko, ang personality ko ay pang-Pilipino talaga ako, so nag-decide na ako na mag-stay dito."
OTHER OFFERS TO RYAN BANG
Sa kabila ng pagtanggi ni Ryan sa offer sa kanya ng SM Entertainment, nagbukas naman daw ito ng mas maraming oportunidad sa kanya para kunin siyang guest sa iba't ibang shows sa South Korea.
Aniya, "Dahil doon, nag-guest ako sa iba’t ibang mga show.
"Nag-translator ako kay Senator [Manny] Pacquiao sa Infinity Challenge.
"Nag-guest ako sa mga documentary at sa mga travel show.
“Ngayon, merong nag-o-offer sa akin ng mga teleserye na parang sidekick.
“Hindi nga ako nagpaalam sa iyo nun, Direk [Lauren], kaya ako nag-braces, kasi gusto ng mga director doon ay perfect ang ngipin bago ako isalang sa mga movie nila.
"May kumukuha sa akin na movie, teleserye, e, nag-pandemic bigla. So, yung mga ganoon, tatanggapin ko."
Read: Manny Pacquiao to guest in South Korean variety shows "Running Man" and "Knowing Bros"
Read: Running Man cast amazed by Manny Pacquiao's PHP2.3 billion Forbes Park mansion
Pero paglilinaw ng Kapamilya star, tanggapin man niya ang alok sa kanya sa South Korea ay mananatili siyang loyal sa Pilipinas.
"Guest-guest lang yon. Pero gusto ko talaga nakatira dito [Pilipinas].
"Masaya ako dito, masarap sa puso na parang feel at home na ako dito.
"[Pakiramdam ko] safe ako, wala akong takot."
Bukod sa pagiging interpreter ng ilang Korean stars na bumibisita sa Pilipinas, gaya sa concert ng Running Man cast kamakailan, kasalukuyang mainstay si Ryan sa Kapamilya noontime show na It's Showtime.
Read: Ryan Bang on “Magpasikat” win: “Akalain niyo champion ako?!”
