Diretsahang inamin ni Jeric Gonzales na kung tatanungin niya ang sarili, may pakiramdam siyang sila na ng kanyang girlfriend na si Rabiya Mateo ang magkakatuluyan.
"I believe so, I believe so, na kami na.
"Kasi very compatible kami, e, sa ugali, sa mga gusto, sa dream.
"Dream talaga naming yumaman talaga. Yung makapag-build up ng mga business, a career that will last.
"Yung mga ganung bagay na pareho naming wini-wish, at sabay naming tinutupad," pahayag ni Jeric nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa barrio fiesta ng San Isidro-San Roque, sa Cabiao, Nueva Ecija, noong Sabado, May 6, 2023.
Dahil ganun na ang kanyang nararamdaman, hindi kaya mapadali ang pagyaya niya kay Rabiya na magpakasal?
Pagtanggi ng 30-year-old actor, "Hindi pa, hindi. Medyo matagal pa.
"Sayang naman yung chance, yung opportunity. Ako, like ngayon, bago pa lang na maganda yung career ko.
"Last year was a good year sa films, sa shows. Nakasama ko sina Bea, si Alden. Ngayon, another megaserye.
"Samantalahin ko muna ang pagkakataon ko."
Inilunsad si Jeric sa pelikula sa pamamagitan ng Broken Blooms, kung saan nagawagi siyang best actor sa ilang international film festival: Harlem International Film Festival sa U.S., Mokho International Film Festival at Tagore International Film Festival sa India, at Montelupo International Film Festival sa Italy.
Sa television naman ay napanood si Jeric sa Philippine adaptation ng hit Koreanovela series na Start-Up, kung saan nakasama niya sina Bea Alonzo at Alden Richards, at sa katatapos lang na Mga Lihim Ni Urduja.
Read: Rabiya Mateo ready to settle down with boyfriend Jeric Gonzales
TRUE LOVE
Ayon pa kay Jeric, "true love" ang nararamdaman niya para sa dating Miss Universe Philippines titleholder sa kabila ng mga pinagdadaanan ng kanilang relasyon.
Aniya, "Masasabi kong true love kasi, kahit ang dami-dami naming pinagdaanan, ang daming naging problema, naaayos naman.
"Nagiging inspiration namin ang isa't isa.
"Pero katulad ng ibang relasyon talaga, kahit naging sa showbiz kami, at lalo nang nasa showbiz kami, mas mahirap.
"Ang daming nai-involve, ang daming nagiging problema, issues, yung issues sa bawat isa, marami pinanggagalingan.
"So, yun, nagkakaproblema talaga yung relasyon namin.
"Pero at the end, yung love talaga, kung gusto naming ayusin, kami talaga ang nagkakaintindihan.
"Yung communicaton and understanding, yun talaga ang mahalaga."
Normal naman daw sa isang relasyon na nagkakaroon ng problema.
Ano ang pinakamalaking isyu na pinagdaanan nila, at paano ito nakaapekto sa kanilang pagmamahalan?
"Yung best problem? Ano, siguro, I had issues in the past. She had issues din.
"So, di maiwasan na may maririnig siya sa ibang tao, mga ganun. Dun nagkakaroon ng problema.
"Kasi ang showbiz, maliit lang ang mundo, kaya ang daming nagsasabi ng kanya-kanyang opinyon.
"Ang sa amin lang, kailangang kami lang ang magkaintindihan, ang mag-usap."
Dagdag pa ni Jeric, "Trust issues? Wala na, wala na sa amin. Inayos na namin. We're okay."
Ang maganda pa nga raw sa kanila, bagamat may iba silang priorities sa buhay, pinapanatili nila ang kanilang quality time together.
Saad ng Kapuso actor, "Yun nga yung gusto ko, kasi may priority rin naman siya sa family niya, yung obligation.
"Alam naman natin ang kuwento ni Rabiya, na nanggaling talaga sila sa wala, kaya yung mother niya, at kapatid niya, pinaparanas niya talaga ang mga hindi naranasan before.
"Binilhan niya ng bahay yung mother niya, binibilhan niya kung ano talaga ang gusto, Dati, wala talaga silang pambili.
"Natutuwa naman ako dun na inuuna niya yun.
"Ako naman, for myself and for my family, ano, bunso naman na kasi ako, e, wala na akong sinusustentuhan o ano, nagsi-save na lang ako.
"Like, bumibili ako ng mga lupa, and invest sa business."
Kahit papaano raw ay naiisip na rin ni Jeric ang magkaroon ng sariling pamilya.
Aniya, "Somehow naiisip ko na rin.
"Unang-una yung pressure ay nandun sa parents ko na, 'Ano ba, kelan ka na ba mag-aasawa?' Yung ganun.
"May edad na rin daw ako. At yung friends, nakikita mong ikinakasal na.
"Pero sa akin naman kasi, ang 30 ay hindi na ang ideal [age for marriage]. Meron nga diyan nakikita ko, 35 na.
"Siguro nga, mga 33 o 35, ganun."
Sa huling bahagi ng panayam ng PEP.ph kay Jeric ay naisipan nitong magbigay ng mensahe para sa kanyang kasintahan.
Sabi ni Jeric: "Thank you for coming into my life. Kasi this is the first time na nagkaroon ako ng very supportive girlfriend, very caring, and very smart.
"Alam mo yun, isang role model para sa ating lahat, kasi bukod sa pagiging Miss Universe [Philippines], in real life, Miss Universe talaga siya, kasi super ideal talaga ang lahat ng principles niya sa buhay. And I admire her for that.
"I love you."
