Memorable ang “lumpiang sariwa” scene nina Marissa Sanchez at Wilbert Ross sa Vivamax movie na Boy Bastos, directed by Victor Villanueva.
Sa bagong digital series ng Puregold na Ang Lalaki Sa Likod ng Profile, directed also by Victor Villanueva, swak ang dynamics nina Marissa at Wilbert bilang mag-ina.
“Parang nagkaroon kami ng rapport, ng chemistry,” sambit ni Marissa nitong Mayo 18, 2023, Huwebes ng hapon, sa World Trade Center.
“Kasi ahhmm doon nag-umpisa lahat. Kasama ko rin si Wilbert sa movie na Working Boys 2: Choose Your Papa.
“Ang role ko sa Working Boys, nanay ni Bob Jbeili, pero nandoon si Wilbert. Kumbaga, parang napapansin ko lang, pag Wilbert Ross, nandoon ako lagi.
“Hindi kami package deal pero nagkakataon lang.”

REBRANDING PROJECT
"Rebranding project" ni Wilbert itong Ang Lalaki Sa Likod ng Profile. Hindi na raw ito maghuhubad at makikipaglampungan sa Vivamax.
Read: Wilbert Ross, umpisa na ng rebranding; titigil na sa paghuhubad sa Vivamax
'“Personally, kahit sinong nanay, di ba… kasi, parang anak ko na si Wilbert,” seryosong lahad ng singer-comedienne.
“Hindi ko rin naman gusto na ganun siya, e. Hindi lang siya — lahat ng Viva artists.
“Parang ako, bilang ina, parang hindi ko naman gusto na ginagawa ng mga artista iyon.
“Kaya lang, sa business side naman ng Viva, maiintindihan mo rin sila. Kasi, yun ang uso, di ba? Ano ba naman ang mundo, makasalanan, wala namang perfect, di ba?
“Ngayon parang siyempre, ahhh… ang Viva, hindi mo naman puwedeng i-judge din na bakit ganoon ang mga ipinapalabas, di ba?
“Pero you can only pray so much na sana, matapos na iyong ganung trending na yung mga artista natin…”
HUGOT NI MARISSA
Naku! May hugot pala siya sa mga mapangahas na proyekto ng Viva kung saan lumalabas siya?!
Tumango si Marissa, “Oo! Una, hindi ko ma-promote, lalo na as a Christian. Kristiyano muna ako bago artista.”
Makukuwestiyon siya na bakit tinatanggap niya ang pagsuporta sa bold and daring projects kung ganoon ang pananalig at paninindigan niya.
Pagmamatuwid ni Marissa, “Hindi mo puwedeng hindi tanggapin, e. Kasi, ito’y pangkabuhayan mo. Hanapbuhay ito, e. Hindi mo puwedeng tanggihan.
“Pero hindi mo naman ma-promote, di ba? Kaya nga ikaw, bilang Kristiyano, magpe-pray ka na lang na sana, dumating iyong time na itong mga naghuhubad, ma-discover din sila as artista talaga, na magaling silang artista.
“At marami na ring nag-take off. Si Rhen Escaño, nag-take off na, di ba? So si Wilbert, nagte-take off na rin. So, yung iba, nagpe-pray ka na sana, mag-take off na rin sila.”
Read: Rhen Escaño gusto nang kumawala sa sexy image: "Ayoko rin po na parang nakakahon ako."
CROSSOVER TO MAINSTREAM
Sa mga baguhang hubadero at hubadera ngayon, sinu-sino in particular ang inaasam o ipinagdarasal niyang maka-crossover sa mainstream showbiz at tumigil sa pagtatalop?
“Marami, marami. Sobrang dami. Ang dami, pag nakikita mo, ‘Sayang ang batang ito, magaling ito,’ sana maka-take off ang career niya,” saad ni Marissa.
More and more ang sumasabak sa hubaran. May tumigil mang isa, sanrekwa ang kahalili niya.
“Kaya nga minsan, nagte-take din sila ng risk na maghubad, kasi they wanted to be in show business, either it’s really their passion, or breadwinner sila, di ba?” sabi ni Marissa.
“Pero ako, iyon ang prayer ko. I’m not blaming Viva, ha? I have no bad words for Viva. Wala akong against na sasabihin sa kanila kundi iyong mag-pray ka lang na sana, matapos na yung trending na ito.
“Di ba, noong araw, ST [sex trip]? Nawala na yun, di ba, bumalik na naman ngayon.”
Gumagawa pa rin naman ng wholesome projects ang Viva.
Mabilis na pag-ayon ng comedienne, “Yes! Dati Seiko ang ano, di ba? Hindi naman Viva, di ba?”
WILBERT-YUKII CHEMISTRY
Ang leading lady ni Wilbert sa retailtainment series na Ang Lalaki Sa Likod ng Profile ay ang Tiktok superstar na si Yukii Takahashi. May chemistry ba sila?
“Ang lakas. Ang lakas! Kasi una, pareho silang masipag. Pareho silang multi-tasker,” tugon ni Marissa.
“Pareho silang magaling, yung may potensiyal talaga to be valid na mga artist talaga.”
Nakitaan din ni Marissa ng galing ang iba pang co-stars sa naturang series na sina Kat Galang, Migs Almendras, Anjo Resurrecion, Moi Morcampo, Star Orjaliza, at TJ Valderrama.
Pagpapatuloy ni Marissa, “Kaya nga sabi ko… hindi mga sikat, ha? Pero grabe, mainstream magsipag-arte! May potensiyal talaga silang maging sikat.
“Kaya sabi ko nga, pag sumikat, huwag naman sanang magbago. Kasi, di ba? Maraming ganun.”
Sa mahigit dalawang dekada niya sa showbiz, marami siyang nakitang baguhan na noong sumikat ay lumaki ang ulo. Nagka-attitude, 'ika nga.
Natatawang hirit ni Marissa, “Huwag na nating pag-usapan yan. Alam na natin yan! Na parang… ‘Ay! Bakeett?!?!’ Di ba? Parang… ‘Hooooyyy!!!’ Di ba?”
Nakita rin naman niya na ang mga ganitong nag-atti ay hindi nagtagal sa industriya? Naglalaho eventually.
“Meron akong nakikita na nagtatagal pa rin. Madami! Madami na hanggang ngayon ay sikat pa rin,” pag-amin ni Marissa.
“Pero may reason lahat, e, kumbakit nandiyan pa sila. Merong reason.”
Labintatlong (13) episodes ang seryeng Ang Lalaki Sa Likod Ng Profile. Matutunghayan ang ikalimang episode nito sa Mayo 20, Sabado ng 7:00 p.m., sa Puregold Channel sa YouTube.
Ito ang ikaapat na digital series ng Puregold.
Nauna sa ang GVBoys nina Jerome Ponce, Nikko Natividad ,at Dave Bornea, sa direksiyon ni Don Cuaresma.
Sinundan ito ng Ang Babae Sa Likod ng Face Mask na pinagbidahan nina Herlene Budol aka Hipon Girl, at Joseph Marco. Ang nagdirek nito ay si Victor Villanueva.
Inihandog din nila ang Tiktok series na 52 Weeks, na tinampukan nina Queenay Mercado at Jian Macapagal, sa direksiyon ni Lemuel Lorca.
