TRIGGER WARNING: Suicide
Ngayong Miyerkules, May 31, 2023, ang ika-38 anibersaryo ng kamatayan ng sexy star na si Pepsi Paloma.
Pumanaw si Pepsi—Delia Smith sa tunay na buhay—sa edad na 18, noong May 31, 1985.
Isinilang si Pepsi noong July 17, 1966.

Hindi na kilala ng kasalukuyang henerasyon si Pepsi kaya nakapagtatakang hanggang sa mga oras na ito ay popular news siya sa Facebook.
May mahigit sa 100 million ang views ng mga TikTok video tungkol sa kanya, kabilang na ang mga fake news videos, na patunay lamang na marami ang interesado sa kuwento ng buhay niyang puno ng misteryo.
THE PEPSI PALOMA ACCUSATION
Noong June 21, 1982, naging kontrobersiyal at headline ng halos lahat ng mga diyaryo at pinagpistahan nang husto ng publiko ang akusasyon ni Pepsi laban sa Eat Bulaga! hosts na sina Vic Sotto, Joey de Leon, at Richie D'Horsie.
Ayon kay Pepsi minolestiya siya ng tatlo sa Rm. 210 ng Sulo Hotel, sa Quezon City.
Kasama ni Pepsi sa pagrereklamo ang kapwa niya sexy star na si Guada Guarin.
Labinlimang taong gulang lamang noon si Pepsi.
Noong June 2018, muling nabuhay ang isyu tungkol sa pagkamatay ni Pepsi nang pakiusapan ni then Senate President Tito Sotto ang daily broadsheet na Philippine Daily Inquirer na burahin sa website nito ang tungkol sa alleged rape and murder ng '80s sexy star.
Si Tito ay kapatid ni Vic at co-host ng Eat Bulaga!.
Kabilang dito ang mga istoryang may titulong “The Rape of Pepsi Paloma” at “Was Pepsi Paloma murdered?” ng U.S.-based columnist na si Rodel Rodis, at “Tito Sotto denies whitewashing Pepsi Paloma rape case” ni Totel de Jesus.
Paliwanag ni Tito, ang mga artikulong ito ay nakakaapekto sa kanyang reputasyon.
“These kinds of unverified articles have been negatively affecting my reputation for the longest time. My efforts to clarify my side were somewhat ineffectual by reason of the afore-cited articles were shared by your readers to the social media, and those readers who knew nothing about the issue took them as the version of the truth considering that those reports came from a well-trusted company like Inquire.net,” bahagi ng sulat at paliwanag ni Sotto tungkol sa kanyang kahilingan.
Pinagbigyan ng Inquirer ang kahilingan ng TV host-politician.
Read: Pepsi Paloma trends on Twitter amid Tito Sotto's Inquirer.net clampdown
TITO SOTTO & JOEY DE LEON SPEAK OUT
Nagpaunlak si Tito noon ng interbyu sa beteranang broadcaster na si Tina Monzon-Palma para sa ANC tungkol sa isyu ni Pepsi Paloma.
Diretsahang tanong ni Tina sa kanya: “What have been the most difficult challenges for you as a person in your career? Did you think that all of these talk about Pepsi Paloma, about your victim shaming, do they continue to hound you now in your career?”
Sagot ni Tito: “To me, these are disinformation, kasi once the people know what is true and they’ll see it’s not so, I have decided to brush them aside and not pay attention to these type of disinformation. Yun ang original fake news, e."
Sundot na tanong ni Tina: “And that disinformation was elevated when you actually brought in the issue again, asking Inquirer to take it down as an article, did that actually help you or did it settle the noise?”
Tugon ni Tito: “Perhaps, it helped in settling the noise because it’s fake news. What business does it have in a real looked-up newspaper.
“As I said, I no longer pay attention to it. If you didn’t mention it, I would not have been reminded.”
Hindi ito ang unang pagkakataong nagreklamo ang mga host ng Eat Bulaga! tungkol sa diumano’y hindi balanseng paglalabas ng ulat ng media.
Naghayag din ng saloobin si Joey de Leon sa panayam sa kanya ng Who magazine na lumabas noong September 29, 1982, at isinulat ni Cristina del Carmen.
“Martial law should be declared again, so press freedom will be stopped,” sabi ni Joey. [Ang official lifting ng martial law ay noong January 1981.]
Pero si Tito ay diplomatiko sa pahayag nitong walang masama sa pagkakaroon ng free press.
Sa naganap na preliminary arraignment sa Quezon City Fiscal’s Office noong August 30, 1982, nakasuot si Joey ng T-shirt na may nakalagay na "Coke is it T." Tila ito ang paraan niya ng pagsagot sa mabigat na paratang ni Pepsi.
THE PEPSI PALOMA retraction
Noong September 1982, iniurong ni Pepsi ang demanda laban kina Vic, Joey, at Richie.
Ikinagulat ito ng mga sumusubaybay sa kaso, pero pinandigan ito ni Pepsi.
Sa pagharap ng sexy star sa mga reporters, sinabi nitong may mga taong gusto lamang pagkakitaan ang mga sikat na TV hosts sa gawa-gawang istorya.
“Walang pagkakasala ang mga nakademanda," sabi ni Pepsi, "at ako’y pinilit lamang ng mga taong may pagnanais na kumita sa pamamagitan ng maling publisidad.”
Malinaw na sinabi nito sa Tempo, ang sister tabloid ng Manila Bulletin: "I was not raped."

CHARITO SOLIS GOES TO THE MORGUE
Tinapos ni Pepsi ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa apartment na tinitirhan niya sa Sta. Mesa Heights, Quezon City.
Malaking balita noon sa Pilipinas ang kanyang pagpapakamatay dahil umano sa depression.
Ang make-up artist na si E. Dueñas ang isa sa mga nakakita sa walang buhay na katawan ni Pepsi sa morgue dahil isinama siya ng aktres na si Charito Solis.
Naging malapit sa isa’t isa sina Pepsi at Charito nang magkasama sila sa Naked Island (Butil-Ulan), ang pelikulang ipinalabas sa mga sinehan noong June 17, 1984.

Pepsi Paloma and Charito Solis in Naked Island
“Nakatira kami noon nina Pinky Suarez at Jaclyn Jose sa Aurora Boulevard [Quezon City] sa tapat ng bahay noon ni former MTRCB Chair Maria Kalaw Katigbak,” pagbabalik-tanaw ni Dueñas sa nakaraan.
“Si Tita Chato [Charito], nakatira sa Gilmore Avenue. Nang mamatay si Pepsi, dinaanan kami ni Tita Chato sa bahay namin nina Jaclyn at Pinky.
“Napakabait ni Tita Chato. Nanay-nanayan siya ng mga artista.
“Isinama kami ni Tita Chato sa morgue kasi walang magtutubos kay Pepsi sa morgue.
"First time ko na nakita si Pepsi, patay pa, tapos nakabalot pa."
Eighteen years old lamang si Pepsi nang pumanaw ito.

Pumanaw naman si Charito noong January 9, 1998.
HOW DID IT ALL BEGIN FOR PEPSI PALOMA?
Labing-apat na taong gulang lamang si Pepsi nang madiskubre siya ng controversial optometrist at talent manager na si Dr. Rey dela Cruz.
Ang 1981 movie na Brown Emmanuelle, na pinagbidahan ni Myrna Castillo, ang unang pelikula ni Pepsi.
Sa panayam ng Cabinet Files sa dating aktor na si Gil Guerrero, na talent din noon ni Dela Cruz, inilarawan niya si Pepsi bilang "masayahin" at "mabait."
Lahad niya: “Si Pepsi, na-discover ni Rey sa Sariling Atin, dating sikat na beerhouse sa Quiapo. Talagang childish si Pepsi, siyempre bata.
"Masayahin siya, nakakatuwa, at saka mabait si Pepsi, lalo na sa mga kapatid. Pero mukhang pera ang nanay niya."
Read: Pepsi Paloma, buhay pa rin sa alaala ng publiko 35 taon pagkatapos pumanaw
Fellow Softdrink Beauties ni Pepsi si Sarsi Emmanuelle, na sumikat nang husto noong dekada ’80 dahil kinilala ang kanyang husay sa pag-arte.
Naging bahagi rin si Sarsi ng Eat Bulaga! noong hindi pa siya artista. Jennifer Mitchell ang pangalan ni Sarsi, na isang kolehiyala na sumali sa isang dance contest ng Eat Bulaga! at itinanghal na grand champion.
Nakipag-ugnayan kami kay Sarsi noong May 2020 tungkol sa mga alaala nito tungkol kay Pepsi at sa artikulo na aming isusulat.
Mensahe niya sa amin, “I only knew a few things about Pepsi. Ahead siya sa akin. Almost three years na si Pepsi sa showbiz when I came in.
“And in our shoot, just hi and goodbye lang kami. Not really close. Anything about her personal life, wala akong alam. We just simply knew each other.
“I hope you’ll give justice to your report from her death."