Pumanaw ang award-winning actor na si John Regala dahil sa cardiac arrest, na bunga ng kumplikasyon ng kanyang karamdaman, ngayong Sabado ng umaga, June 3, 2023.
Binawian ng buhay si John sa New Era Hospital. Siya ay 55.
Kinumpirma ng pamangkin ng John na si Nene Lour Billones Bendijo sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ang pagpanaw ng aktor.
“Actually po, kahapon, June 2, bumigay na siya tapos ilang minutes, bumalik o nabuhay siya uli.
"Sabi ng doktor, 'Wala na talaga kaya hindi magtatagal, mawawala rin si Tito niyo,'" ang pahayag ni Nene na pamangkin ni John sa pinsan.
Dagdag pa niya, “Nakakaawa na rin po si Tito. Parang nahihirapan na rin siya. Pabalik-balik po siya sa ospital saka matagal na siyang hindi nakakapagsalita. Kapag kinakausap siya, patangu-tango na lang si Tito.
“Na-confine po siya sa ospital noong March, tapos April at noong May, dinala uli siya sa ospital.”
Dalawang anak na lalaki raw ang naulila ni John.
“May anak siya sa first wife niya, nasa Amerika, tapos may adopted son si Tito, thirty years old na siya.
“Inaayos pa po ang burol niya kaya wala pang detalye. Mamaya ko pa po malalaman,” sabi ni Nene sa PEP.ph.
Si John ay isinilang noong September 12, 1967.
Anak ng mga dating artista na sina Mel Francisco at Ruby Regala na kapwa pumanaw na rin.
Ang veteran entertainment writer na si Ronald Constantino ang unang manager ni John sa showbiz. Ayon sa kanya, ang Bagets Gang ang unang pelikula ni John noong 1985 hanggang maging miyembro ito ng That’s Entertainment.
Kinilala ang husay ni John bilang aktor nang magkaroon siya ng nominasyon sa best supporting actor category ng Gawad Urian noong 1994 para sa The Fatima Buen Story.
Noong 2011, si John ang nanalong best supporting actor sa 37th Metro Manila Film Festival dahil sa kanyang pagganap sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.
Isa si John sa mga itinuturing na kontrobersiyal na aktor sa Pilipinas dahil sa kanyang makulay at masalimuot na kuwento ng buhay.
Read: John Regala, naglabas ng himutok tungkol sa pamilya at mga kamag-anak