Maraming netizens ang na-impress sa drawing ng PHP1,000 polymer bill dahil makatotohanan ang itsura nito kaya nag-viral kamakailan.
Likha ito ng 3D artist na si Jonathan “Ethan” Librando, 27, taga-Real, Quezon.
Bilang 3D artist, hyperrealistic din ang mga obra ni Ethan kaya nakabibilib.
Mapapa-second look ka talaga dahil sa unang tingin ay aakalain mong totoo ang mga obra niya.
At ang nakakabilib talaga, walang formal training si Ethan sa pag-drawing.
Read: Photo o painting? Obra ng pintor na natuto mula sa Google at YouTube, sobrang realistic

Ang kanyang subjects ay mga simpleng bagay na karaniwang nakikita sa paligid tulad ng saging, sardinas na nasa platito, niyuping soft drink can, bote ng beer, piniritong itlog, at marami pang iba.
Ginagamitan lamang ito ni Ethan ng color pencils. At dahil nag-viral, dumadami na ang kliyente ngayon ni Ethan at kinukuha siya for commissioned works.
Aniya, malaking tulong ang naibibigay nito sa kanyang pamilya. Si Ethan ay nawalan ng trabaho noong pandemya.
“Sa ngayon po marami na po gusto magpagawa, sir. Karamihan po OFWs,” mensahe ni Ethan sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Kinumpirma rin niyang malaki ang naitulong ng pag-viral niya hindi lang sa kabuhayan kundi pati na rin sa kanyang pamilya.
“Sobra, lalo po sa estado po ng buhay namin ngayon,” ani Ethan.
“Dumating din po ako sa matinding depression. Ako po yung panganay. Tapos pa broken family na rin.
“Tapos ansaya ko po nong nakasama ko ulit [mga] magulang ko. Tapos sabay pa silang na-interview.”
Read: Jinkee Pacquiao, celebrities stunned by this painter from Occidental Mindoro

PASSION FOR DRAWING
Ang kuwento ni Ethan ay testamento na kung mahal mo ang ginagawa mo ay babalik ito sa iyo.
“Bata pa lang kase ako kinakahiligan ko na yung pagguguhit,” paliwanag ni Ethan sa interview ni Noli de Castro para sa KBYN ng TV Patrol.
“Yung mga notebook ko po, yung mga likod po noon puro drawing [ng] mga anime po.”
Dahil nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya, sinimulan ni Ethan ang pagguhit na kanyang hilig.
Papel at color pencils ang kanyang mga kagamitan.
“Nag-focus lang po ako na mapaganda yung mga gawa ko. Atsaka gusto ko rin po talaga ng mga realism na obra.”
![]()
Detalyado ang mga guhit ni Ethan kahit minsan ay bumibigay na rin ang kanyang color pencils.
Sabi niya, “Ito pong pencils, ito po talaga ang medium ko po, e. Napakahirap po talagang ilapat sa papel yung dulo kasi madalas napuputol po, e, wala po akong mga special pen.”
Ang kanyang mga obra ay naghahalaga ng mula PHP500 hanggang PHP1,000 depende sa laki.
“Kailangan mahal mo ang ginagawa mo,” sabi niya pa.
Sabi pa ni Ethan, ang patience at practice ang kailangan sa kanyang ginagawa.

