Masayang binalikan ni Kyline Alcantara, 20, ang mga pinagdaanan nila ng kaibigang si Belle Mariano, 21, bago sila sumikat.
Nagkasama noon ang dalawa bilang child stars sa ABS-CBN, kung saan nabuo ang kanilang malalim na pagkakaibigan.
Si Kyline ay nasa bakuran na ng GMA-7, habang si Belle ay nananatiling nasa ABS-CBN.
Lumipas man ang mga taon at magkaiba na sila ng kinabibilangang networks, nanatili ang kanilang pagkakaibigan.
Unti-unti na ring natutupad ang pangarap nilang makagawa ng pangalan sa mundo ng showbiz.

Sa presscon ng LUV Is: Love at First Read, ang web-based series ng GMA-7 na pinagbibidahan nila ni Mavy Legaspi, natanong si Kyline kung sino sa Kapamilya stars ang nais niyang makatrabaho.
Unang binanggit ni Kyline si Andrea Brillantes.
Nagkatrabaho sina Andrea at Kyline sa Kapamilya afternoon series na Annaliza (2013-2014).
“And, of course, gusto ko rin makatrabaho si Belle,” pahabol ni Kyline.
Dito na ikinuwento ni Kyline kung ano ang mga pinagdaanan nila ni Belle bago sila sumikat.
KYLINE RECALLS SHOWBIZ DREAM WITH BELLE
Ayon kay Kyline, sabay silang nangarap at pareho rin silang nagkaroon ng mga di magandang karanasan noon ni Belle.
Pagbabahagi ni Kyline, “Kasi lumaki ho kami together sa showbiz industry. Sabay kaming na-bully.”
Nasulat noon ang rebelasyon ni Kyline na nakaranas siya ng pambu-bully mula sa isang direktor at young actress noong nasa ABS-CBN pa siya.
May mga karanasan din daw sila ni Belle na silang dalawa lang ang nakakaalam.
Sabi ni Kyline, “Marami siyang nagawa na ako lang ang nakakaalam. Marami akong nagawa na siya lang ang nakakaalam.”
Kumpiyansa ring sinabi ni Kyline na hindi showbiz ang pagkakaibigan nila ni Belle.
“Ang sarap ho sa pakiramdam kasi, siyempre, hindi man ho ganun kaparehas ang mga pinagdaanan namin dati, pero dati, grabe yung supporta namin sa isa't isa…
“Until now pa naman po grabe yung suporta namin sa isa't isa. Grabe yung bond, grabe yung friendship.
“Hindi po siya masasabi na showbiz friendship. Hindi po talaga.
"So, ang sarap ho sa pakiramdam na, at last, unti-unti po naming nakakamit yung pangarap namin…
“Na dati sinasabi namin, ‘A, sana ganyan tayo. Sana ganito tayo,’ kaya ang sarap ho talaga sa pakiramdam.”
Ikinuwento pa ni Kyline ang mga biruan nila noon ni Belle na kunwari ay sisikat sila.
“Meron pa kaming mga biruan dati na, ‘Kakabili ko lang ng kotse.’ Pero nung time na po na yon, wala pa kaming kotse.
“So, totoo nga po talaga na you just need to manifest it. You just need to give it to the universe and, of course, pray for it work, hard for it.”
Huli raw silang nagkita ni Belle noong nakaraang buwan lamang nang dumalo sila sa birthday celebration ni Darren Espanto.
Kuwento ni Kyline, “Nagkagulatan [kami]. Di po namin alam.
“May mga nagawa nang plans, schedule, ng bond… kasi na-miss po namin ang isa't isa.”
Umeere ngayon ang LUV Is: Love at First Read sa GMA-7.
Si Belle naman ay may upcoming teleserye sa ABS-CBN na inaabangan ng kanyang fans.
