Hindi na-bump off ang It’s Showtime sa TV5, kundi end of contract na ng ABS-CBN noontime show sa Kapatid Network sa June 30, 2023.
Ito ang nilinaw nina Tito Sotto, Joey de Leon, at ang pamunuan ng TV5 kaugnay ng isyu.
Read:
- MVP on choosing between It’s Showtime and TVJ: “It was just a purely business decision.”
- Vic Sotto on Eat Bulaga! trademark: "Kukunin lang ng kung sinu-sino? Aba! Hindi puwede."
Ang bagong noontime show nina Tito, Vic Sotto, Joey—aka TVJ—ang ipapalit at ipalalabas sa noontime block ng TV5 simula sa July 1.
Naglabas na rin ng official statement ang It’s Showtime na hindi na mapapanood ang Kapamilya noontime show sa TV5, pero magsisimula naman silang umere sa GTV, ang free-to-air TV station na pagmamay-ari ng GMA-7, sa July 1.
Sa press conference ng TVJ kasama ang legit Dabarkads nitong June 20, 2023, kinunan ng reaction ang TVJ sa partnership nila sa TV5 na nagresulta para ma-bump off umano ang It’s Showtime.
Pagkaklaro ni Tito, “With due respect to TV5, I don’t think the phrase ‘bumped off’ should be used.
“Di naman sila na-bump off, e. Natapos na yung kontrata nila. So, in fairness to TV5, walang naba-bump off. Matatapos yung kontrata, yun ang pagkakaalam namin.”
Kinatigan ito ni Joey, “Una, hindi na-bump off. Mangyayari at mangyayari yan.”
Pagkatapos ay nag-react pa si Joey sa inilabas na official statement ng It’s Showtime kaugnay sa pag-ere nila sa GTV.
“Actually, may mga press release na nga sila, sila rin daw gumagawa ng record… dahil nakaapat na istasyon kami,” sabi ni Joey.
Ang Eat Bulaga! ng TVJ ay umere noon sa RPN-9, ABS-CBN, gayundin sa GMA-7, at ngayon nga ay TV5.
Pagpapatuloy ni Joey ukol sa statement ng It’s Showtime, “Ganundin sila, kaya lang shorter time sila.
“Ang panlaban nila, 15 years ata lang or 12. Kami daw, 44.
“In other words, sabi nung anak ko nga, si Jako, ‘Niyanig niyo ang telebisyon. Matagal niyo nang ginagawang magpayanig, ginugulo niyo. Kayo ang pinakamalakas na earthquake, lahat ng sumunod aftershock na lang iyan.’
Dagdag ni Joey, “Ibig sabihin, nabuhay [ang TV industry]… Kami, oo, alive tayong lahat, pero mas alive kami sa [TV] 5.
“Alive ang TV ngayon. Biro niyo, nabuhay lahat, e. Lahat nagulantang, lahat nayanig. Masaya... kaya masaya. Good.
“Dapat nga magpasalamat sa amin yung ibang TV shows, di ba, nabuhay sila, e.
“Ang daming nabuhay!” natatawag pahayag ni Joey. ”Nagkahanapbuhay, alam mo na...”
Sinundot din ng tanong kung gaano katagal ang kontrata ng TVJ sa TV5.
May halong birong sagot ni Vic: “Five hundred years.”
TV5 REACTS TO 'IT’S SHOWTIME' deal
Samantala, nagbigay rin ng reaksiyon ang TV5 management tungkol sa partnership nito with TVJ Productions, ang production company na itinayo nina Tito, Vic, at Joey.
Ayon kay Jane Jimenez-Basas, president and chief executive officer ng MediaQuest Holdings, Inc. & Cignal TV, Inc., mas invested sila ngayon sa upcoming noontime show ng TVJ sa Kapatid network.
Ang MediaQuest ang media conglomerate at owner ng TV5 at Cignal TV. Lahat ito ay pagmamay-ari ni Manny V. Pangilinan, chairman of the board ng PLDT, Inc.
Ani Basas, “I guess the difference is that the relationship with It’s Showtime, and that contract is set to expire by the end of June, is a blocktime relationship.
“This time around, we are co-owners, co-investors in TVJ Productions.”
Patuloy ni Basas kung bakit mas invested sila sa upcoming noontime show ng TVCJ, “Kasi produkto na namin, di ba? So, it just really makes sense from a business standpoint to put it in the timeslot that is best for it.”
Read: Tito Sotto says transfer to TV5 not a done deal; other options on the table
Sinegundahan din ni Basas ang statement ng It’s Showtime na inalok nila ang 4:30 p.m. slot ng TV5 para sa replay ng It’s Showtime, subalit tinanggihan ito ng Kapamilya management.
Gayunpaman, sinabi ni Basas na patuloy ang collaboration nila with the Kapamilya Channel para sa iba pa nilang programa na umeere pa rin sa TV5, partikular sa primetime block.
