May patutsada ang TV host-actor na si Paolo Contis sa mga netizen na nag-report sa social media pages ng bagong Eat Bulaga!.
Noong June 19, 2023, halos magkasunod na naglaho na parang bula ang Facebook page at YouTube channel ng Eat Bulaga Na.
Ang itinuturong dahilan nito ay ang pagre-report ng detractors ng noontime program ng TAPE Inc. sa administrator ng mga nabanggit na social media platforms.
Hindi pa verified ang Facebook page ng Eat Bulaga Na—na mayroong 14,000 followers noong June 13—kaya madali itong isinara ng Facebook administrator dahil sa report o reklamo ng netizens na nananatiling tapat sa mga original host na sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ang "legit Dabarkads."
Read: Facebook at YouTube accounts ng bagong 'Eat Bulaga!' na-takedown matapos i-report ng detractors
Noong June 20, bago magsimula ang Eat Bulaga! ay nagbigay ng reaksiyon ang mga host na sina Paolo, Isko Moreno, at Buboy Villar ukol dito.
Panimulang bati ni Paolo, "Happy Tuesday, Dabarkads! It's Tuesday again, and we choose you every day.
"Exciting ngayon kasi every day napapanood tayo sa TV, sa Facebook..."
Hindi na niya natuloy pa ang kanyang sasabihin nang biglang sumingit si Buboy.
Natatawang sambit ni Buboy, "Teka, hindi na tayo napapanood sa Facebook, reported."
Mabilis na sagot sa kanya ni Paolo, "May nabalitaan ako. Sa Facebook daw maraming newscaster—mga nagre-report at nagtagumpay sila. Congratulations!
“Dahil diyan kayo ang pinaka... ang gagaling niyo!
"Kayo ang pinaka, pero kami, ang gusto lang namin ay magpasaya at mag-enjoy kaya hindi kami susuko."
Read: Tito Sotto on the day TVJ left TAPE: "Parang sila ang may-ari sa amin. Nakakapikon na."
Inanunsiyo rin ni Paolo na kahit reported ang social media pages ng bagong Eat Bulaga! ay pansamantala silang mapapanood sa verified Facebook page niya at ni Isko.
Si Paolo ay may 1.8 million followers sa Facebook, habang si Isko naman ay may 5.5 million followers.
“Mapapanood niyo pa rin ang Eat Bulaga! sa Facebook, sa official Facebook page ni Yorme [Isko] at sa official Facebook page ko.
"May blue check yon, ibig sabihin verified. I-report niyo, i-try niyo kung magtagumpay kayo," hamon ni Paolo.
Agad naman itong sinang-ayunan ni Isko.
Aniya, hindi magiging balakid ang kawalan nila ng social media platforms para makapagbigay sila ng pag-asa at saya sa kanilang mga masugid na tagasubaybay.
Sabi ni Isko, “Usaping hindi susuko, hindi tayo susuko.
"Kumbaga, katulad ng mga Dabarkads natin na nanonood, na sa kani-kanilang buhay ay hindi sumusuko.
“Dahil nandiyan kayo—sa studio, diyan sa TV, sa buong mundo—hindi kami titigil na mapasaya kayo sa maliit naming kaparaanan."
Read: Here's a full guide to the new hosts of revamped Eat Bulaga!
Noong June 5, 2023, ipinakilala ang mga bagong host ng Eat Bulaga! na sina Paolo, Buboy, Betong Sumaya, Cassy, Mavy Legaspi, at Alexa Miro.
Read: Paolo Contis, Betong Sumaya, Buboy Villar are the new 'Eat Bulaga!' hosts
June 10, 2023, naman nang sumalang bilang host si Isko.
