Palaisipan kay Matet de Leon ang mga binitiwang salita ng kanyang adoptive mother, ang National Artist na si Nora Aunor, tungkol kay John Rendez.
Kaugnay ito ng speech ni Nora sa kanyang birthday celebration noong May 20, 2023.
Hiniling ni Nora doon na tanggapin at mahalin ng mga anak niya si John.
Sana raw ay magmahalan silang lahat, magkaunawaan, at walang siraan.
Nabanggit pa ni Nora na hindi nagpakita nang husto si John sa birthday party niya dahil naroon ang kanyang pamilya.
May paglilinaw pa ang Superstar na wala silang relasyon ni John, at gusto lang niyang maging malapit ito sa mga anak niya.
Read: Nora Aunor, ipinakiusap sa mga anak na mahalin si John Rendez
Pahayag ni Matet, "Ay, hindi po ako yung kausap niya. Kasi, kagagawa ko lang ng movie with Kuya John, e, nung January. Hindi ko alam kung sino ang kausap ni Mommy. Hahaha!"
Ang tinutukoy ni Matet na pelikulang ginawa niya kasama si John ay ang Tomacruz...Sa Puso Ng Isang Anak, na si Nora mismo ang executive producer. Ang director ay si Eric Tilos Joven.
Kasama sa Tomacruz...Sa Puso Ng Isang Anak ang iba pang anak ng Superstar na sina Ian de leon at Kenneth de Leon. Kabilang din sa pelikula sina Snooky Serna, Bombol Roco, Irma Adlawan, Dexter Doria, at Beverly Salviejo.)
Wala raw isyu si Matet kay John.
Paliwanag pa ni Matet, "Pero nakikita naman niya kami na okay kami ni Kuya John. Okey din ako sa mommy ni Kuya [John], sa mga kapatid niya. Okay naman.
"Hindi ko alam kung gusto lang niyang gumawa ng statement. Pero hindi kaming mga anak niya ang kausap niya."
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Matet sa story conference at contract signing ng pelikulang Unspoken Letters mula sa Utmost Creatives.
MATET: LOTLOT AND IAN ARE ALSO ON GOOD TERMS WITH JOHN
Sa pagkaakalam ni Matet ay wala ring problema ang kapatid niyang si Lotlot de Leon kay John.
"Okay na rin sila ni Ate. Kasi si Ate for the longest time, si Ate Lot kasi, hindi talaga yun nakikita sa bahay ni Mommy. Or kahit saan around Mommy, hindi mo talaga makikita si Ate.
"Pero ngayon, ang ate ko pumupunta sa bahay ng mommy ko. Nandoon si John.
"So, hindi mo puwedeng sabihin na hindi pa rin niya tanggap kasi nandoon ang Ate ko. Pumunta si Ate sa party ni Mommy. So, hindi, e. Tanggap ng lahat."
Sabay biro ni Matet, "Baka nakalimutan lang ni Mommy."
Maging ang kuya niyang si Ian de Leon ay kasundo rin daw si John.
"Opo," diin ni Matet. "Kasi kapag may mga event sa bahay ni Mommy, kasama namin sa isang table si Kuya John. Nag-uusap kami.
"Saka nung nag-Bicol kami, kami rin ang magkakasama. May inuman pang nagaganap sa gabi, sila Kuya [Ian].”
Sa palagay niya, bakit may ganoong statement si Nora?
"Maaaring she feels like na we are not genuine, baka ganoon. Hindi ko po sigurado, ha. But she knows. Kasi nakikita niya kami. Okay kaming lahat."
Hindi naman itinangggi ni Matet na bago nagtapos ang 2022 ay nagkahidwaan sila ni Nora dahil sa tinaguriang "tuyo war."
"Although nung December nga, lumabas ako sa vlog ni Ogie [Diaz] at sinabi ko na ayoko nang makausap si Mommy forever, as in," balik-tanaw ni Matet.
"That time, seryoso ako. Talagang ayoko na.
"Kaya lang, yun nga, e, nag-chat siya sa akin na, 'Kalimutan na natin yun, Anak,' or kung anuman yon."
Siniguro ni Matet na wala na siyang tampo sa ina.
"Matanda na yung nanay ko. So, sa akin, lunukin ko na yung pride ko. Lunukin ko na yung kahihiyan sa sinabi kong hindi ko na siya kakausapin.
"Unahin ko na ang nanay ko kesa mga marites. Unahin ko na ang mommy ko kesa sa mga nang-bash sa akin."
Kumusta siya nung birthday celebration ng kanyang Mama Guy?
"Ay, masaya po," ngiti ni Matet.
Read related stories:
- Matet de Leon on rift with adoptive mother Nora Aunor: "Hindi ko na siya kakausapin ulit."
- Matet de Leon deeply hurt by adoptive mother Nora Aunor's "betrayal": "Ang lakas makaampon nung ginawa nila."
- Matet de Leon reconciles with adoptive mother Nora Aunor
ON NORA AUNOR'S 70TH BIRTHDAY PARTY
Personal daw inimbitahan si Matet ni Nora sa kaarawan nito.
Kuwento ni Matet, "Nag-chat kasi sa akin si Ate Emelyn Marin, yung nurse ba ni Mommy yun? Parang nag-aalaga kay Mommy.
"So, chinat kaming ganoon. Sabi ko, 'Ate Ems, di ako sure. Kasi meron nga akong mga trabaho.'
"But, eto na si Mommy. Siyempre nag-chat si Mommy. Chinat niya yung invitation niya sa akin.
"Sabi ko, 'Anong gagawin ko rito? Si Mommy na ito.' So, nagpunta ako kasama ko yung asawa ko at yung mga anak ko. Masaya naman po."
How true na gusto nang mag-retire sa showbiz ni Nora?
Sagot ni Matet: "Sa akin po, siguro okay na rin. Kasi pagod na po yung mommy ko at wala na rin siyang dapat patunayan sa maraming tao.
"Dahil, I think, nagawa na niya sobra-sobra pa sa kailangan niyang gawin dito sa industriya natin.
"She’s our National Artist at marami pang awards na napanalunan. So, I think kung gusto na ni Mommy na tumigil, she has every right to."
Pero alam din daw ni Matet kung gaano kamahal ng ina ang pag-arte.
"Pero eto nga, meron siyang proyektong bago, you know. Baka mamaya may kasunod pa rin.
"Si Mommy kasi, yun ang ano niya, e, gusto niyang gumawa, gumawa, gumawang maraming pelikula bago siya mag-quit talaga."
Pero sabi rin ni Matet, "Kailangan nang magpahinga ni Mommy. Medyo may edad na ang mommy ko. Seventy na siya."
MATET'S LATEST PROJECT
Si Matet ay gumaganap na sister-in-law ng newbie actress na si Jhassy Busran sa Unspoken Letters. Asawa siya ni Orlando Sol, na kapatid ni Tonton Gutierrez at Gladys Reyes sa pelikula. Tatay nila si Simon Ibarra.
"Parang mabait na hindi yung character ko. Oo, parang two-faced, ganoon,” sabi ni Matet.
Si Gat Alaman ang sumulat at magdidirek ng Unspoken Letters with award-winning directors na sina Paolo Bertola at Andy Andico produced by Utmost Creatives.
Planong isali sa 2023 Metro Manila Film Festival ni Direk Gat ang Unspoken Letters.
"Hopefully, sana po maipasok. Kasi, alam niyo po talaga, hindi usual yung ganitong ganitong project.
"Kailangan natin itong ganitong pelikula para maintindihan ng mga tao na may mental health issues na hindi sila basta dini-disregard. Hindi ganoon, e.
"Marami silang matututunan sa pelikulang to. Sana pumasok sa filmfest. Maganda, e,” pagmamalaki ni Matet.
Kasama rin sa Unspoken Letters sina Gladys Reyes, Glydel Mercado, Kristine Samson, MJ Manuel, Deborah Sun, Daria Ramirez, at John Heindrick.
Ang Unspoken Letters ang ikalawang pelikula ni Matet this year.
Katatapos lang ni Matet ang pelikulang Sweet Escape, na pinagbibidahan ni Arci Muñoz at kinunan pa sa Bohol.
