Aminado ang dating aktres na si Neri Naig at singer na si Bituin Escalante na masugid silang tagahanga ng Broadway star na si Lea Salonga, na ngayo’y kumakaharap sa kontrobersiya patungkol sa isyu ng boundary sa pagitan ng celebrities at fans.
Sa pamamagitan ng magkahiwalay na posts sa kani-kanilang social media account, ibinahagi nina Neri at Bituin ang kanilang karanasan pagdating sa pagpa-fangirl kay Lea.
Ayon kay Neri, asawa ng Parokya Ni Edgar frontman na si Chito Miranda, isa siya sa magpapatunay kung gaano kagiliw si Lea sa fans na gustong magpa-picture sa kanya, basta nasa tamang lugar at sitwasyon.
Kailanman ay hindi rin daw niya ginamit ang koneksiyon o pagkakakilanlan ng mister niyang si Chito para agad makalapit kay Lea lalo na sa dressing room nito.
Mababasa sa caption ng Facebook post ni Neri, kalakip ang photo-op nila ni Lea (published as is), "I LOVE LEA SALONGA.
“Grabe pagka fan ko kay Lea Salonga. Lahat ata ng nakakakilala sa akin personally, maka Lea talaga ako.
“Nung nanood kami ng concert nya at sinama ako ng asawa ko. Nagkaroon kami ng chance na magpapicture sa kanya. Pero hindi kami pumunta sa dressing room nya.
“Naghintay kami sa gilid ng stage, waiting for her na magpalit ng casual attire kase naka gown sya nun.
“Kahit kakilala ni Chito si Ms Lea, never syang nag insist na pumasok kami sa dressing room nya. Or kinulit si Sir Gerard Salonga na papasukin kami sa dressing room ng kapatid nya.”
Kuwento pa ni Neri, nagtiyaga talaga siyang naghintay sa labas dahil ayaw niyang bulabugin si Lea sa dressing room nito.
Hindi naman daw binigo ni Lea ang mga fan niyang naghintay sa kanya. Agad-agad ay pinuntahan daw niya ang mga ito para pagbigyang makapagpa-picture.
Ani Neri, “Naghintay kami kasama ng iba pang gustong magpapicture kay Ms Lea.
“Pagkalabas naman nya, inisa isa nya lahat ng gustong magpapicture sa kanya.
“And hindi lahat ng andun ay artista or producers, lahat ng andun mga fans na nanood ng concert nya na naghihintay ng turn na makapagpapicture sa nag iisang Lea Salonga.”
Sa huli, paalala ni Neri, “Let us all be nice.”
BITUIN ESCALANTE SHOWS SUPPORT TO LEA
Bukod kay Neri, nagpakita rin ng suporta ang singer na si Bituin Escalante kay Lea sa gitna ng isyung kinakaharap ng Broadway star.
Ipinost ni Bituin sa Twitter ang litrato ng kanyang pamilya na nagpa-picture kay Lea noong sila'y nanood ng musical play na Sweeney Todd: The Demom Barber of Fleet Street sa Singapore.
Saad niya, "The very gracious @MsLeaSalonga with our family after a performance of Sweeney Todd in Singapore.
"We did ask permission from production, prior to the show, if there was an opportunity to meet the cast.
"Asking nicely, and within respectful bounds, goes a long way."
Maging si Lea raw ay ganoon din ang ginagawa. Tuwing nanonood daw ito ng local productions ay hindi niya ginagamit ang kanyang pagiging Broadway star para makalapit sa mga cast na sinusuportahan niya.
Pahayag ni Bituin, "Not one to use her privilege either, when she comes out to support local productions, she usually hangs back during post show meet and greets and waits her turn to say hello to the cast.
"Tumatagal lang sa kanya dahil lahat kami fuma-fangirl."
Agad naman itong nireplayan ni Lea.
Aniya, "Uhhhh, that’s house rules. Guests are supposed to wait, and only where we’re allowed to go.
"Not gonna assume familiarity, even with my friends that are working."
LEA SALONGA'S VIRAL VIDEO
Noong July 15, 2023, nagsimulang pag-usapan sa social media ang video na kuha ng grupo ng fans na pumasok sa dressing room ni Lea sa Broadway Theatre, sa New York, kung saan ginaganap ang tinatampukan niyang Broadway musical, ang Here Lies Love.
Pumasok sa dressing room ang nasabing fans para magpa-picture kay Lea, ngunit pinagsabihan ng Pinay international star ang mga ito na huwag agad-agad pumasok sa kanyang dressing room nang walang pahintulot para na rin sa kanyang security.
Depensa naman ng isa sa grupo, co-producer umano siya ng nasabing show kasama ang U.S.-based Pinay actress na si G Tongi.
Tugon ni Lea, "Oh, okay, so that's why you're not on the guest list.”
Sinabihan din ni Lea ang grupo na pumunta na lang sa may exit door ng teatro para doon sila mag-picture-taking dahil halatang hindi siya kumportable sa loob ng dressing room.
Agad na nag-trending ang kuhang video dahil na rin sa salaysay ng uploader, na inihalintulad pa si Lea kay Sharon Cuneta na mas magiliw sa pagtanggap sa kanyang mga tagahanga.
LEA SETS BOUNDARIES
Sa kanyang Twitter kahapon, July 17, nag-post si Lea tungkol sa backstage encounter niya sa Pinoy fans na gustong magpa-picture sa kanya.
Makahulugang mensahe niya: "Just a reminder… I have boundaries. Do not cross them. Thank you."
Sabi pa ni Lea, maging ang mga kasamahan niya sa Broadway musical ay hindi nagpupunta sa kanyang dressing room kahit masasabing mga kaibigan na niya ang mga ito.
Aniya, "Okay, real life demonstration: none of the actors in HLL have been to my dressing room. Not Arielle, Jose, Conrad, Melody, or anyone else. These are already friends and co-workers, and yet they respect my boundaries! So who is anyone else to want to invade my space? Make it make sense!"
Read: Lea Salonga addresses dressing-room incident with Pinoy fans in Broadway
