Noong July 18, 2023 ay nag-Facebook live si Willie Revillame at tumanggap ng ilang callers na binigyan niya ng tigli-limang libong piso (P5,000).
Mapapansin ding nakabukas ang LED monitor sa lugar ng kanilang pinagmitingan at kumpleto ang kanyang staff. Tila meron silang importanteng pinag-uusapan.
Sa bandang dulo ay nagsalita si Willie.
Inanunsiyo niyang malapit na malapit na ang pagbabalik ng Wowowin.
Read: Willie Revillame may pahiwatig ng pagbabalik niya sa telebisyon
Pagbabahagi ng TV host, “Ngayon ay Tuesday, 18 of July, ilang tulog na lang ho, babalik na po ang programa niyo.
“Inaayos ko lamang po na makakuha tayo ng mga sponsors. Kinakausap ko lang po ang ilang mga kaibigan na makatulong sa programa.
“Alam mo naman ho na pag walang telebisyon, walang masyadong kita. Walang commercials.
“Humihingi ako ng tulong sa aking mga kaibigan na nangako, di ba? Sana matuloy to para may maibigay kami sa inyo.
“Kahit papano, gagawa kami ng paraan para matuloy.”
Ipinaliwanag din ni Willie na wala silang TV station na lalabasan kundi mapapanood lamanag sila sa YouTube at Facebook.
Aniya, “So, ang gagawin ho natin, gagawa kami ng paraan, magmi-meeting kami… then pag-usapan namin kung ano ang gagawin sa pagbabalik ng Wowowin.
“Uulitin ko po, para malaman ang totoo, wala po kaming channel. Walang Channel 5 o Channel 7 or Channel 2, walang channel na kahit ano.
“Babalik po ako through social media, Facebook at YouTube lang po. Yan yung totoo. On my own, gagawin… itutuloy ko to sa abot-kaya namin.”
Nagsabi na raw siya sa kanyang co-hosts at staff na hindi nila makukuha ang mga dati nilang suweldo.
Aniya, “Even me, wala po akong maging suweldo rito. Gagawin ko lang po ito para maibabalik ang pagbibigay ng saya natin, yung tunay na saya, hindi yung saya na sayawan lang, yun na.
“Yung tunay na saya na nagbibigay ng tulong. Yung tunay na saya na galing sa puso.
“Yung tunay na saya na talagang pinag-isipan namin kung paano makapagbibigay ng tulong at pag-asa.
“Ang programa ay hindi lang sayawan at tawanan. Importante yung malasakit mo sa kapwa mo.
“Nandirito po kaming lahat. It’s the first time na mag-live ako, na kasama ang buong staff namin at co-hosts, para po sa inyo to.
“Oras ng ligaya, oras ng saya, oras na pagbigay ng pag-asa sa inyo po dahil ang Wowowin, kayo ang bida rito.”
Nabuhayan naman ng loob ang maraming netizens dahil sa larawan ni Willie na bumisita sa compound ng PTV-4 sa Quezon City ngayong Martes, July 25, 2023.
Ipinost ang nasabing larawan ng PTV news anchor na si Diane Querrer. Kasama rin sa larawan ang news anchor ding si Aljo Bendijo.
Caption ni Diane, "Kuya Wil visits PTV [PH flag]"
Ang PTV-4 na nga kaya ang magiging tahanan ng Wowowin pagkatapos nitong umere at nawala sa TV5, GMA-7, at ALLTV?
