Kabilang ang aktres na si Rhen Escaño sa cast ng upcoming Viva One series na Kung Hindi Lang Tayo Sumuko.
Bida sa serye sina Coleen Garcia at Carlo Aquino. Kasama rin nila sina Ryza Cenon, Kiko Estrada, at Jerome Ponce.
Mapapanood ang Kung Hindi Lang Tayo Sumuko simula sa August 21, 2023, sa streaming site na Viva One.
Romantic drama ang bagong proyektong ito ni Rhen, malayo sa sexy films na ginawa niya recently.
Hindi sikreto ang pagnanais ni Rhen na kumawala sa sexy image at maipakita ang iba pa niyang talento bilang artista.
Read: Rhen Escaño gusto nang kumawala sa sexy image: "Ayoko rin po na parang nakakahon ako."
Very honest si Rhen sa pagsasabing prefer niya ang wholesome projects at ipinaalam niya ito sa Viva management.
Kuwento ni Rhen, "Ako po, talaga sobrang happy ako with my management, as in siguro ilang buwan po akong nagpahinga.
"Well, hindi ko naman po ipagkakaila yun na parang nagnu-no ako para makuha ko yung mga bagay na gusto ko talagang makuha, yung path na gusto ko talaga puntahan.
"And nakikinig talaga sila sa akin and pinagbigyan nila ako, and ngayon tingnan niyo naman yung mga kasama ko."
Nakausap ng entertainment press, kasama ang PEP. ph (Philippine Entertainment Portal), si Rhen sa press conference ng Kung Hindi Lang Tayo Sumuko sa Viva Cafe sa Cubao, Quezon City, nung Martes, August 1, 2023.
No more daring roles?
Parehong commendable at risky ang ginawa ni Rhen na pamimili ng proyekto.
Kahanga-hanga sa dahilang alam niya at nanindigan siya sa klase ng proyektong gusto niyang gawin.
Sa kabilang banda ay may posibilidad na maghintay siya nang matagal at matengga habang naghihintay ng trabaho sa dami ng talents sa ilalim ng pangangalaga ng Viva.
Bulalas ni Rhen, "Tanggap ko naman po yung realidad na ang dami po namin.
"Sobrang dami po namin, ang daming mga sikat. Siguro nandun ako sa part na kailangan ko lang mas patunayan yung sarili ko.
"Ganun naman po talaga, e, kahit yung mga artista dati na nilu-look up ko, pinagdaanan din nila kung nasaan ako ngayon. Part talaga siya ng process."
Nagbunga naman ang paghihintay ni Rhen at ngayon ay nabiyayaan siya ng proyektong swak sa kanyang panlasa.
Pero tuluyan na nga ba niyang tinalikuran ang pagpapa-sexy sa harap ng kamera?
"Sana kung gagawa man ulit ako ng mga daring films, mas sisiguraduhin ko lang talaga na tama and kung ano yung mga dahilan, iku-consider ko para i-accept ko yung certain project na yun," sagot ni Rhen.
Ilan lamang sa daring films kung saan napanood si Rhen ay Adan, Paraluman, at Secrets of a Nympho.
Read: Secrets of a Nympho, huling daring project na ni Rhen Escaño?
Nilinaw ni Rhen na walang masama sa pagpapa-sexy lalo na't parte ito ng trabaho bilang artista.
Paliwanag ni Rhen, "Kung sabihin po natin na talagang pang-ano yan, yung mga proyekto pang-film festival, pang-heavy acting, character piece talaga siya, why not po, di ba?
"Pero para sa akin po, lalo na ngayon, ayoko po sayangin yung mga nakukuha kong opportunities na papunta po doon [wholesome image]."