May espesyal na ugnayan ba ang aktres na si Yassi Pressman at si Ilocos Norte Representative at presidential son Sandro Marcos?
Ito ang tanong ng netizens na nakapanood sa kumakalat na video sa TikTok, kung saan makikitang magkasama sina Yassi at Sandro sa isang event.
Sa naturang video, makikita ang pakikipagkulitan ng panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Yassi.
Kapansin-pansin din ang ang pagiging sweet at close nila sa isa't isa, at may pagkakataon pang napapaakbay at napapasandal si Yassi kay Sandro.
Bagamat may nagsasabing magkaibigan lang ang dalawa, may ilan ding naghihinalang magkarelasyon sila.
Ang Toronto-based businessman na si Jon Semira ang huling napabalitang boyfriend ni Yassi, matapos itong isapubliko ng aktres noong July 21, 2022.
Ngunit noong August 8, 2023, naging palaisipan sa mga tagahanga ni Yassi ang mga cryptic social media post niya na nagpapahiwatig sa hiwalayan nila ni Jon.
Read: Yassi Pressman at Jon Semira, hiwalay na?
Ang Eat Bulaga! co-host na si Alexa Miro naman ang huling na-link kay Sandro.
Read: Alexa Miro, nababatikos dahil sa Singapore trip nila ni Sandro Marcos
YASSI AND LUIGI
Maliban kay Sandro ay may isa pang politikong nali-link ngayon kay Yassi — si Camarines Sur Governor Luigi Villafuerte.
Dahil ito sa paghalik sa pisngi ni Villafuerte kay Yassi sa isang event.
Ayon sa Facebook post ng isang netizen, nangyari ang paghalik ng gobernador kay Yassi nang mag-host ang aktres sa 74th Foundation Day ng Bombon, Camarines Sur, noong August 13.
Mababasa sa caption ng uploader, "Gov. Luigi Villafuerte together with the apple of his eye Ms. Yassi Pressman @Bombon, Cam. Sur Celebrating 74th Foundation of Bombon."
Matatandaang nagpakita ng pagsuporta ang aktres sa kandidatura ni Villafuerte noong 2022 elections.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Yassi patungkol sa pagkakaugnay niya kina Sandro at Luigi, maging ang kumpirmasyon kung hiwalay na nga ba sila ni Jon.
