Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 100 ang mga kasong syndicated estafa at large scale illegal recruitment laban sa dating broadcaster na si Jay Sonza.
Sa order na inilabas ni Presiding Judge Editha G. Mina-Aguba ngayong Huwebes, August 17, 2023, inutusan nito ang warden ng jail facility, kung saan nakapiit si Sonza, na maaari nang pakawalan ang dating broadcaster.
Hindi sumipot sa hearing kaninang umaga ang nagrereklamo laban sa dating broadcaster kaya hindi raw mapatutunayang guilty si Sonza sa kinahaharap nitong mga kaso.
Bahagi ng utos ng huwes, “The Jail Warden, Quarantine Facility and/ or the Male Dorm, Quezon City Jail is hereby ordered to RELEASE accused from detention UNLESS held for some lawful other cause/s.
"SO ORDERED."

Ito ay inulat na rin ng reporter ng ABS-CBN News na si Zyann Ambrosio.
Nakasaad sa una nitong mensahe sa X, "Kasong syndicated and large scale illegal recruitment ng dating broadcaster na si Jay Sonza, ibinasura ng QC RTC Branch 100."
Ayon pa sa ulat ni Ambrosio, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mananatili muna sa Quezon City Jail-Ligtas-COVID Facility si Sonza dahil sa kinahaharap naman nitong kasong libel.
Sumambulat ang balitang inaresto ng mga alagad ng National Buereau of Investigation si Sonza noong August 15, 2023.
Pero July 18 pa pala siya nahuli ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 matapos siyang ma-interview ng Bureau of Immigration dahil palipad sana ito papuntang Hong Kong.
Nakipag-cooperate naman daw si Jay sa pulisya.
