Malaman ang mga binitawang pahayag ni AJ Raval sa aniya'y tunay na third party sa hiwalayan ng mag-asawang Aljur Abrenica at Kylie Padilla.
Sa kanyang Facebook Live noong August 15, 2023, kaswal na nagkuwento si AJ habang mag-isang naglalakad-lakad sa Canada.
Hindi pa rin daw kasi siya tinatantanan ng bashers na binabansagan siyang "homewrecker," habang ang babaeng naging mitsa umano ng breakup ng mag-asawa ay "play safe."
"Ayoko mag-namedrop, pero kilala ko kung sino yung totoong babaeng involved sa panloloko nilang dalawa sa relationship nila," bungad na pahiwatig ni AJ.
Patuloy niya, "Kung may naganap mang lokohohan sa relasyon nilang dawa noon, hindi ako yung babaeng involved.
"Hanapin niyo na lang kung sino yun. Pero ako, kilala ko kung sino siya."
Natatawang nakipagkulitan si AJ sa mga sumubaybay ng kanyang livestream na nabitin sa kanyang mala-blind item na paglalarawan sa other woman ni Aljur habang nagsasama pa ito at si Kylie noon.
"Sabihin ko na ba kung sino? Wag na. Kawawa din. Alam ko may baby na din yung girl. May family...
"Ayoko sabihin kawawa naman," sabi ng Vivamax star.
Maya-maya pa ay prangkang ibinahagi ni AJ ang saloobin sa tuwing nadidiin siya na siya ang dahilan ng hiwalayan nina Aljur at Kylie.
"Pero alam niyo, sa totoo lang, siyempre tao lang ako, may mababasa ako.
"Kating-kati na yung dila ko i-namedrop kung sino yun. Pero okay lang din. Lumilipas naman, ilang minutes, ta's nakakalimutan ko rin."
Kuwento pa ni AJ, noong kasagsagan ng isyu noong 2021 ay lumabas na sa balita ang pangalan ng babaeng tunay na third party.
"Nung di pa kami ni AJ [Aljur], Nerisa time pa lang yun, friends pa lang kami, may nakita akong article.
"Lumabas talaga yung totoong girl, may article. Di pinansin yung article kasi yung girl di naman siya ganun kakilala.
"Kaya nung ako na, single na si Aljur, ako na yung pinuntirya ng mga tao."
AJ din ang palayaw ni Aljur kaya ilang beses nilinaw ni AJ na si Aljur ang tinutukoy niya kapag binabanggit niya ang "AJ" dahil baka malito raw ang netizens.
Ang Nerisa ay ang pelikula sa Vivamax kung saan unang nagkakilala at nagkatrabaho sina Aljur at AJ.
Nabanggit pa ni AJ kung paano nagmaang-maangan ang babaeng sangkot sa hiwalayan nina Aljur at Kylie.
"Alam niyo kung saan ako naapektuhan that time? Bakit ako ang nagsa-suffer sa kasalanang hindi ko naman ginawa?
"While yung gumawa nung kasalanan na yun, happy-happy lang, play safe. You know what I mean?
"Sobrang pumutok yung issue namin ni AJ [Aljur]... Nakikita ko IG niya [unnamed woman] talagang todo-pose siya sa boyfriend niya, play safe siya. Oh my god!" balik-tanaw ni AJ.
Sabay paalala niya sa sarili, "Anyway, good vibes lang tayo. Kuwentuhan lang to. Kaswal na kuwentuhan. Hindi ako na-stress."
Read: Aljur Abrenica: a look back at his rumored and real romances
NOT CINDY MIRANDA
May netizen na nagtanong kay AJ kung si "Nerisa" raw ba ang third party sa relasyon nina Aljur at Kylie.
Ang tinukoy na "Nerisa" ay ang beauty queen na si Cindy Miranda, na bida sa pelikula at gumanap na misis ni Aljur sa istorya.
Ang partner ni AJ sa pelikula ay si Sean de Guzman.
Agad na nilinaw ni AJ na hindi si Cindy ang tinutukoy niyang third party.
"Ay, si Nerisa? Hindi po si Nerisa yun. Hindi siya yun.
"Yung shoot namin yung Nerisa, hiwalay na sila [Aljur at Kylie] nun. So, months ago na yung nakalipas nung nangyari yung issue nilang dalawa.
"Mabait yun, si Ate Cindy, sobrang bait nung tao na yun," diin ni AJ.
May netizens na pilit pang pinaaamin si AJ kung sino ang third party sa hiwalayang Aljur at Kylie.
"Sabagay, kung di ko rin naman sasabihin kung sino siya, hindi talaga ako titigilan ng mga tao.
"Siguro pag napikon ako, sasabihin ko bigla.
"Kasi may ganun ako, e. Bigla ako nagpa-panic attack. Ta's di ko na alam kung ano sinasabi ko, ta's dire-diretso pananalita ko, men."
Pero sa huli ay hindi pa rin pinangalanan ni AJ kung sino ang tinutukoy niyang other woman.
Aniya: "Hulaan niyo na lang kung sino talaga yun. Wag niyo na ako kulitin kung sino."
Read: Aljur Abrenica, AJ Raval spend time together in Canada
TIMELINE OF AJ AND ALJUR'S ROMANCE
Idinetalye pa ni AJ sa kanyang livestream ang timeline of events ng pagkakakilanlan nila ni Aljur.
July 30, 2021 nang ipalabas sa Vivamax ang pelikulang Nerisa.
Ayon kay AJ, nang i-shoot ang pelikula ay hiwalay na sina Aljur at Kylie kaya imposible raw na siya ang maging mitsa ng pagkasira ng marriage ng dalawa.
"Nangyari issue nila na naglokohan, months ago pa bago sila naghiwalay," diin ni AJ.
Ikinuwento rin ni AJ na naging magkaibigan sila ni Aljur simula nang magkatrabaho sila sa Nerisa.
Noong una ay "kuya" pa raw ang tawag niya sa aktor na 11 years ang tanda sa kanya.
Kalaunan ay nanligaw si Aljur sa kanya.
Pero hindi raw niya agad sinagot si Aljur.
"Last year lang naman naging kami ni AJ [Aljur], e," pag-amin ni AJ.
July 2022 daw ang petsa nang maging magkasintahan sila.
Ayon kay AJ, handa na siyang ilantad ang relasyon nila ni Aljur dahil wala raw siyang dapat ikatakot.
"Malakas [ang] loob ko na mag-post ng picture naming dalawa kasi alam ko wala kami talagang nilokong ibang tao."
April 2021 nang maghiwalay sina Aljur at Kylie, base sa timeline na inihayag noon ni Kylie.
Read: Kylie Padilla asks fans to stop tagging her in Aljur Abrenica-AJ Raval posts
