Sina Heaven Peralejo, Noel Trinidad, John Arcilla, Mylene Dizon, at Mikhail Red ang mga pangunahing nagwagi sa 39th Luna Awards.
Ginanap ang awards night sa Rizal Ballroom ng Quezon City Sports Club, Quezon City, ngayong Sabado ng gabi, Agosto 26, 2023.
Read: Cindy Miranda, kapwa nominado sina Cristine Reyes, Heaven Peralejo sa 39th Luna Awards
Itinanghal na Best Actress si Heaven para sa karakter na ginampanan niya sa Nanahimik ang Gabi.
Inialay ni Heaven ang acting award nito sa kanyang ina na tumatayo rin bilang business manager niya.
Nanalo si Noel bilang Best Actor para sa pagganap niya sa Family Matters.
Tulad ng acceptance speech niya sa 71st FAMAS, ilang linggo na ang nakararaan, inihandog ng beteranong aktor sa kanyang asawa ang nakamit na parangal.
Read: FAMAS best actress goes to Nadine Lustre; best actor to Noel Trinidad
Best Supporting Actor si John Arcilla para sa Reroute ng Viva Films, pero ang kapatid niya ang tumanggap ng kanyang acting trophy dahil nasa ibang bansa ang aktor.
Best Supporting Actress si Mylene Dizon para sa Family Matters.
Best Director naman si Mikhail Red para sa Deleter, na hindi nominado sa Best Picture category ng 39th Luna Awards.
Ang Family Matters ang pinarangalan bilang pinakamahusay na pelikula ng 2022.
Bago pa inumpisahan ang pamamahagi ng mga parangal, may mga nag-post na sa social media na sina Heaven, Mylene, at Noel ang mga magwawagi sa 39th Luna Awards dahil naging basehan ang pagdalo ng mga nominado ng kanilang tiyak na tagumpay.
Hindi nagkamali ang mga naglabas ng "fearless forecast" dahil ang tatlo ang kabilang sa mga nag-uwi ng karangalan.
Special awardees sina Leo Martinez (Fernando Poe Jr. Lifetime Achievement Award), Senator Imee Marcos (8th Golden Reel Awardee), multi-awarded cinematographer Conrado Baltazar (posthumous awardee ng Lamberto Avellana Memorial Award), at National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee (Manuel de Leon Achievement Award).
Ginunita sa In Memoriam segment ng 39th Luna Awards ang ilan sa mga personalidad na pumanaw.
Kabilang dito sina Robert Arevalo, Angie Ferro, Patrick Guzman, Angela Perez, Romano Vasquez, Caloy Alde, Jovit Baldivino, Danny Javier, Lourdes Medel, Toto Natividad, at ang character actress na si Naty Santiago na madalas na gumaganap na martir na ina sa mga pelikula.
Pumanaw si Naty sa edad na 90.
Nakaburol ang kanyang mga labi sa St. Peter Memorial Chapels sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakatakda siyang ilibing sa Loyola Memorial Park, Marikina City, sa Martes, August 29, 2023.
