Naglabas ng saloobin si KC Concepcion tungkol sa pagiging produkto ng broken family at naghiwalay na mga magulang.
Ayon sa nag-iisang anak ng dating mag-asawang Sharon Cuneta at Gabby Concepcion, may mga pagkakataong nakakaramdam siyang "mag-isa ka sa gitna."
Hindi raw maiwasan si KC na makaramdam ng ganito lalo pa't naghiwalay ang kanyang mga magulang at may kanya-kanya na silang pamilya.
At dahil wala siyang magagawa kundi magkaroon ng blended family, pakiramdam daw ni KC ay kailangan niyang bumuo ng relasyon sa parehong pamilya ng kanyang mga magulang.
“Ako lang ang pilit talagang nakikipagkita sa lahat ng involved sa blended family ko.
“Feeling ko, parang naging responsibilidad kong maging okay sa lahat, and to make sure na may relationship ako sa lahat.
"Kasi family is very important for me. I love family,” paliwanag ni KC sa interview ni Ogie Diaz via YouTube nitong August 30, 2023.
KC ON FEELING ALONE AND MISUNDERSTANDING WITH FAMILY MEMBERS
Maraming inilabas na sentimyento si KC tungkol sa kanyang sitwasyon—bilang anak ng dalawang kilalang showbiz personalities na nagkahiwalay.
Naniniwala siyang hindi lahat ay nauunawaan ang kanyang pinagdadaanan bilang resulta ng broken marriage.
“Yung mga pamilya po na buo, yung hindi nakaranas ng hiwalayan, hindi nakaranas ng nawalay sa isa't isa, baka po mahirapan maintindihan yung mga blended family...
"O yung mga bata na katulad ko na lumaki sa kakaibang situation pagdating sa family...”
Napagtanto raw ni KC na kahit ang pamilyang hindi naman nagkawatak-watak ay may mga pinagdadaanan din. Wala raw perpektong pamilya.
Sabi niya, “And even families na buo, hindi perfect.
“Kahit sabihin mong kumpleto naman ang pamilya mo, nandiyan ang nanay [at] tatay mo, tutok naman sila…
“May ate ka pa nga, may kuya ka pa nga, bakit hindi pa rin perfect?
“So, I think yun na yung acceptance ng tao na tayong lahat—ke buo ang pamilya, ke hindi…
“Minsan may lumalabas pa nga from broken family na mas gumanda pa yung buhay dahil sa experience niya.”
Inilabas din ni KC ang hugot niya na kahit may iba nang pamilya ang kanyang ama at ina, kailangan pa rin daw tingnan ang positibo.
“Alam niyo, siyempre, may pamilya na rin ang mother side ko, may pamilya na rin ang father side ko…
“Minsan, mapi-feel mo na mag-isa ka lang sa gitna.
“And ang important is gawin mo yung best mo na tratuhin mo nang tama, unang-una, yung sarili mo…
“Na, ‘Okay, tanggap ko na ito, yung pagkukulang sa buhay ko. Pero meron ako nito.'”
Sumunod na pahayag ni KC ay ang pagsasabing hindi mo makakasundo ang lahat ng family members.
Saad niya, “Hindi lahat ng kapamilya makakasundo mo. Hindi lahat ng family magiging smooth yung relasyon.
“May time talaga na puwedeng hindi kayo okay.
“I think, at the end of the day, level of maturity din iyan on both parts, na trabahuhin mo pa yung sarili mo, para mag-mature ka pa and mas maintindihan mo yung takbo ng mundo, and yung pinagdadaanan ng mga tao…
“Para ikaw, makokontrol mo yung sarili mo. Yung ibang tao hindi mo makokontrol, pero yung sarili mo you can control yourself.
“So, kung sakali man na merong away o hindi pagkakaintindihan, it’s okay. It will be okay.
“And kung magkamali ka man, you make sure na you’re a better person, don’t look back, tuluy-tuloy lang.
“And kung sino yung meant sa iyo, babalik sa iyo.”

Kaugnay ng pahayag na ito ni KC, napaulat kamakailan ang napansin ng netizens na naka-unfollow siya sa Instagram accounts ng kanyang stepfather na si Kiko Pangilinan at half-sister ni KC na si Frankie Pangilinan, at vice versa.
Kinumpirma rin ni KC na in-unfollow nga niya sina Frankie at Kiko.
Hindi tinumbok ni KC ang kanyang dahilan kung bakit siya nag-unfollow.
Pero parte ng kanyang pahayag sa hiwalay na interview: "So, wala naman po akong gustong ikuwento pa apart from the fact na, ako, I just want peace of mind, I want to be happy. I want my family to be happy.
RELATIONSHP WITH MOM SHARON
Hindi rin lingid sa showbiz ang away-bating relationship ni KC sa kanyang inang si Sharon.
Sa katunayan, pinuna rin ng netizens ang isang recent post ng Megastar na todo-puri sa anak niyang si Frankie at binanggit pa rito ang iba pang anak na sina Miel at Miguel.
Suspetsa ng ibang kritiko, patama umano ito ni Sharon kay KC.
Hindi ito ang unang beses na may ganitong post si Sharon. At ang susunod na tanong ng netizens ay kung may di sila pagkakaunawaan ni KC.
Sa interview ni Ogie, kinumusta ang relasyon ni KC sa kanyang ina.
Sa sagot ni KC, mahihinuhang ang hindi nila pagkakaunawaan minsan ng ina ay dahil iba sila ng pinanggagalingan.
Paliwanag niya, “I think mas expressive lang si Mama. Talagang ako kasi mas conservative ako, in a way.
“Kapag meron akong nararamdaman, minsan hindi ko siya ma-express agad.”
Lumaki raw si KC na silang dalawa lang ni Sharon ang magkasama at silang dalawa lang ang magkaramay.
Kuwento ni KC, "Kunwari heartbroken siya, meron siyang relationship na di natuloy, iiyak yan sa bahay.
“Bata pa lang ako noon, sasabihin ng lola ko, ‘You be strong for your mama, ha? She’s sad. You make her happy.’
“So, lumaki ako ganon ang training ko. Pag nakikita ko ang nanay ko na umiiyak, hindi ako puwede umiyak. Kelangan ako yung strong.
“So, meron din akong love sa mommy ko na parang hindi ko lang nae-express siguro.
“Pero pareho kami ni Mama na sobra kami magmahalan. Pero aminado rin kami na magkapareho kami in so many ways, and just like she said, may times na magkaiba rin kami.”
Pero paglilinaw ni KC, “Pero okay kami. We love each other very much.”
Hindi man daw perpekto ang relasyon nilang mag-ina, ang importante ay nagmamahalan sila.
