Pakiramdam ng aktres na si Matet de Leon ay nakaranas siya ng diskriminasyon bilang person with disability (PWD).
Itinuturing na PWD si Matet dahil na-diagnose siyang may bipolar disorder.
Ayon sa National Institutes of Mental Health, ang bipolar disorder (dating kilala bilang manic-depressive illness) ay isang "mental illness that causes unusual shifts in a person's mood, energy, activity levels, and concentration. These shifts can make it difficult to carry out day-to-day tasks."
Alinsunod sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10524 o An Act Expanding the Positions Reserved for Persons With Disability, kabilang sa mga itinuturing na PWD ay "those who have long term physical, mental, intellectual or sensory impairments which in interaction with various barriers may hinder their full and effective participation in society in equal basis with others."
Sa kanyang Instagram account may ilang araw na ang nakalilipas, ibinahagi ni Matet ang karanasan niya habang nakapila sa priority lane para sa PWDs sa isang supermarket.
Pinagtitinginan daw siya ng ilang mga customer ng nasabing supermarket.
Isang "babaeng yayamanin" daw ang kumalabit sa kanya at pinalipat siya ng lane.
Hiyang-hiya raw si Matet sa nangyari.
Lahad niya, “I have bipolar disorder. I’m a pwd. Hindi halata? Kaya pala pinag titinginan ako kanina sa isang supermarket.
“Kinalabit pa ako ng isang babaeng yayamanin at pinapalipat ng lane. Hiyang hiya ako. Pati sa sarili ko.. Pumila kasi ako sa pwd lane..
“Wala akong kasunod na senior o may visible disability kaya nag decide ako na doon na pumila. Kung saan ako dapat.”
Hinaing pa ni Matet, mahirap ang kalagayan ng mga PWD na hindi nakikita sa labas na kaanyuan ang kapansanan katulad niyang may mental health issue.
Nasanay raw kasi ang karamihan na pag sinasabing PWD ay nasa labas na kaanyuan ito makikita.
Himutok niya, “Ang hirap ng kalagayan naming may mental health issues na hindi nakikita ng iba..
“Sanay sila na ang may mental illness, nagtutulo ng laway o nagsasalita mag isa.
“Sana sa lahat ng makakabasa nito, mag ingat.”
Pakiusap ni Matet, maging sensitibo sa damdamin o nararamdaman ng iba.
Hindi raw niya pinangarap na dumating ang araw na kailangang isabit ng mga PWD na kagaya niya ang kanilang identification cards sa leeg upang ipaalam sa mundo na mayroon silang kapansanan.
Aniya, “Guys, hindi madali ang malagay sa sitwasyon namin. Sana huwag nang pabigatin pa ng iba..
“Sana huwag nang paabutin pa sa kailangan na naming isabit sa leeg namin mga id namin.. Kaloka.
“At sa mga kagaya ko, na kaya naman magtiis ng sandali, paunahin ang matatanda at yung talagang makikita ninyong hirap nang pumila. Yun lang.”
View this post on Instagram
