Inilarawan ni Joross Gamboa, 38, ang sarili bilang mabuting asawa kay Katz Saga sa loob ng halos siyam na taon nilang pagsasama.
Nang tanungin si Joross kung may takot siya sa asawa, ang sagot niya'y hindi siya takot, siya'y may respeto.
Kumpiyansa rin si Joross sa pagsabing siya ay mabuting ama sa kanilang mga anak na sina Jayce Kyler at John Kody.
Ito ang ilan sa mga napag-usapan ng aktor at ng host na si Boy Abunda sa guest appearance ni Joross sa Fast Talk With Boy Abunda noong Lunes, September 11, 2023.
Ayon kay Joross, masaya ang kanyang buhay-pamilya dahil nakaangkla raw ang lahat sa pananampalataya niya sa Diyos.
"Ang nadiskubre ko sa buhay natin," sabi niya, "once na malaman mo na ang buhay mo, buhay natin, hindi para sa atin kundi para kay God, you will be selfless.
"And once you're selfless, you start giving. Hindi na para sa 'yo lahat yung ginagawa mo."
Nakangiting pahayag pa ni Joross, "Masarap pala yung pakiramdam na ganun."
Aminado si Joross na hindi siya perpekto at may mga pagkakamali sa kanyang buhay.
Pero natuto raw siyang umamin ng pagkakamali at nakapagdesisyong magbago.
Diin ni Joross: "Actually, lahat naman ng courage hindi galing sa akin, galing yan kay God. Dito sa mundong ito, we will have troubles in life.
"Nung pumasok si God si picture, naiba yung kung paano mo haharapin yung situation."
Nang tanungin ni Boy kung ano ang mitsa para mas lumalim ang pananampalataya ni Joross sa Diyos, ipinaliwanag ng aktor na nagmarka sa kanya ang isang heart-to-heart talk nila ng kapwa-artistang si Toni Gonzaga.
Balik-tanaw ni Joross: "Meron lang talagang time na parang empty ka kahit anong gawin mo. Yung worldly things, hindi makukuntento yung puso mo.
"Ang nagbanggit sa akin nito, si Toni Gonzaga. Share ko lang na sabi niya sa akin, 'What completes your heart?’
"Siyempre, iba-iba kami ng sagot—may family, health. Sabi niya, 'Walang maling sagot. Pero ang masasabi ko lang, the only one that can complete your heart is the one who created it.'
"So, yun ang tumatak sa akin."
Dito raw nagsimulang matuklasan ni Joross ang kahalagahan ng true joy na hindi matitinag kahit ano pa ang pinagdaraanan ng isang tao.
"Buong buhay, tayong mga tao, we always strive for happiness. Naging happiness ang hinahabol natin, but happiness are based on happiness.
“Masaya ka, healthy ka ngayon, masaya ka [na] buhay ang nanay mo, may tatay ka.
"Pero paano kapag may sakit ka na? Namatay na yung kamag-anak mo?
“Ang kailangan natin, hindi happiness, joy.
"Joy is from within. Yung joy ay nakukuha natin sa Panginoon, which is hindi kayang baguhin ng circumstances and situations.
"So, kahit may pinagdadaanan ka, you still have that joy."
Read: Joross Gamboa, open mag-guest sa Eat Bulaga!, It's Showtime, at sa TVJ noontime show
ON LEAKED PRIVATE VIDEO
Isa pang isyung natalakay sa live interview ni Boy kay Joross ay ang private video ng aktor na kumalat sa Internet noong January 2016.
Nasa ibang bansa si Joross, kasama ang kanyang girlfriend noon at asawa na ngayong si Katz, nang pagpistahan ng netizens ang pribadong video niyang lumitaw sa Internet.
Walang nagawa si Joross kundi ang ipagdasal na lamang nila ni Katz ang eskandalo na kusa namang nanahimik dahil maayos na naresolba ng aktor ang sitwasyon.
“It takes a lot of courage and bravery to own up things,” papuri ni Boy kay Joross.
Sagot ni Joross, "Dati kasi, nilalabanan ko yung temptasyon, pero hindi pala dapat ganoon. Dapat tinatakbuhan palayo.
“Huwag ka nang pumunta sa situation kasi parang downhill lang yan. Nandito pa lang, tigilan mo na.
"Dahil kapag nandito na sa gitna, pababa, mahirap nang pigilin."
Nang tanungin ni Boy kung paano hinarap ni Joross ang isyu, sinabi ni Joross na wala siyang nagawa kundi ipagdasal nilang mag-asawa na malampasan niya ang eskandalo.
Ang maiksing tanungan at sagot na ito ay umere sa live telecast ng Fast Talk With Boy Abunda.
Pero habang isinusulat ang artikulong ito, burado na ang bahaging iyon ng panayam kay Joross na mapapanood sa YouTube channel ng GMA Network.
Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na pagkatapos ng live telecast ng programa ay humingi ng paumanhin ang host na si Boy kay Joross.
Nakaramdam daw ng pagsisisi si Boy na naungkat pa nito ang isang isyu sa buhay ni Joross na matagal nang tapos at pinagsisihan.
Kasunod nito, nagdesisyon ang pamunuan ng Fast Talk With Boy Abunda na burahin ang maiksing portion tungkol sa leaked video sa YouTube channel ng GMA Network.
Nahingan din ng PEP.ph ng pahayag ang manager ni Joross na si Noel Ferrer tungkol sa pag-uusap nina Boy at Joross.
"Ok naman, nag-apologize si Tito Boy kay Joross for certain things na di na dapat napag-usapan.
"And the network was quick to act on it din naman. Maraming salamat!
"Joross went to the guesting to promote The Missing Husband, and tama lang na sa scam ma-focus ang usapan," lahad ni Ferrer.
Matatandaang inako na rin ni Joross ang mga aral na natutunan kaugnay ng leaked video nang una pa siyang nakapanayam ng PEP.ph tungkol sa isyu noong April 2016—o tatlong buwan makalipas ang eskandalo sa Internet.
Read: Joross Gamboa, sumailalim sa surgery; nagpasalamat sa pag-aasikaso ng kanyang misis
ON BEING SCAMMED IN REAL LIFE
Si Joross ay gumaganap na scammer sa The Missing Husband, ang bagong afternoon drama series ng GMA-7.
Sa tunay na buhay ay nakaranas na siyang ma-scam sa sinalihang crypto investment noong panahon ng pandemya.
"Kapag too good to be true, kailangan may guidance ka. Kunwari, sa partner mo.
"Sa akin kasi, yung asawa ko, sinabi niya huwag kong gawin. Pero tinray lang namin, for the sake of gusto nating kumita," pag-amin ng aktor.
Natuto na raw si Joross na mas maging maingat kung saan ilalaan ang kanilang investments.
Read: Joross Gamboa proudly shows family beach home in Quezon
