TRIGGER WARNING: SUICIDE
Labis ang pasasalamat ng aktor na si Jelson Bay sa lahat ng mga kaibigang nagparating ng tulong sa kanya sa panahong kinailangan niya ito.
Noong 2019, dumating ang pinakamalaking challenge sa buhay ni Jelson nang ma-stroke ito sa kalagitnaan ng pag-angat ng kanyang karera sa showbiz.
Matapos ang halos apat na taon, kinumusta ng TV5 host at broadcast journalist na si Julius Babao si Jelson paara sa vlog nito sa YouTube na lumabas noong September 21, 2023.
Sa kasalukuyan, patuloy itong nagre-recover upang manumbalik ang kanyang kalusugan, lakas, at kadaliang kumilos, para na rin makabalik na siya sa trabaho.
Aniya, "Economically, I'm trying to meet both ends every month. But, I'm always looking to the brighter side, nagpapasalamat na buhay.
"Kasi sabi nga ng doktor ko, 'Alam mo, pwede mong natulog ka na lang. Yung iba, tulog na lang. Wala na.' Yun lang yung nakapitan ko."
Mahigit isang dekada na nang pasukin ni Jelson ang showbiz. Ilan sa mga pelikulang kinabilangan nito ay ang Love You to the Stars And Back (2017), Ang Pangarap kong Hold Up (2018), at Finding Agnes (2019).
Pag dating naman se telebisyon, naging bahagi si Jelson sa cast ng ABS-CBN prime time series FPJ's Ang Probinsyano noong 2017 at Kapuso drama series na Dangwa noong 2015, at marami pang iba.
Aminado si Jelson na nami-miss na niya ang kanyang dating trabaho bilang isang aktor.
Ngunit mas pinipili niyang ipagpapasalamat ang mga simpleng bagay na kanyang nararanasan ngayon.
Aniya, "Nami-miss ko yung trabaho. Mas nalulungkot ako pag nakikita ko yung... Yung mga lumang pelikula ko dati.
"'Ang lakas ko pa diyan! Oh, I can move my hands there,' sabi ko.
"'Tapos yun nga... Yung mga hindi mo na-appreciate, na-appreciate mo ngayon.
"Yung pagbili ng pandesal, napakalaking kayamanan pala.
"Yung sabi ko nga dati, bago ako ma-stroke, sabi ko, 'makarating ako ng Italy, Japan,' sabi ko.
"Ngayon, ang dream ko, gusto ko lang makapunta ng CR... nang walang nag-aakay... yung ikaw lang pupunta ng CR. Di ba, napakalaking blessing noon?"
Patuloy nito, "Kasi dati, gusto kong bumili ng caravan... gusto kong bumili ng bahay sa Forbes, yung mga ganun.
"Pero ngayon, God will show you na, 'No, Jelson, normal ka, mayaman ka na.'
"Kaya, ayun yung nakita ko ano [realization]... Grabe yung workshop naman yung sa taas. 'Ang sakit,' sabi ko. 'Masakit na po siya,' sabi ko.
"Sabi ko, three years na, baka puwede yung kahit lakad lang pagbili ng pandesal, pahingi ako na ma-allow."
IGNORING THE WARNING SIGNS
Sa pagpapatuloy ng vlog, ikinuwento ni Jelson ang kanyang pinagdaanan sa kanyang stroke matapos nitong gawin ang Finding Agnes, ang una niyang lead role kung saan nakasama niya si Sue Ramirez.
Ipinalabas sa Netflix noong November 30, 2019, ang Finding Agnes. Kinunan sa Morocco ang karamihan sa mga eksena ni Jelson at Sue para sa pelikulang ito.
Sa kabila ng magandang karanasan sa Morocco, ang pinaka-memorable na bahagi para kay Jelson ay ang huling araw ng kanilang shooting.
Hindi dahil tapos na ang proyekto, kundi dito pa lang nagsimula ang mas malalaking pagsubok sa kanyang buhay.
Ayon kay Jelson, naramdaman niyang may kakaiba sa kanyang katawan sa pagbabalik nila sa Pilipinas upang tapusin ang pelikula.
Pinayo sa kanya ng produksyon at maging ng kanyang manager na si Rot Racela na magpahinga muna, subalit siya mismo ang nagpumilit na tapusin ang trabaho.
Kuwento nito, "Yun the last day, I think stroke is coming that time. Sakit na, e.
"Alam nila yun... Sabi nga ng mga ano [production], 'Sir Jels, kung gusto niyo itigil-tigil natin.'
Patuloy ni Jelson, "And nasa isip ko that time... in fairness with my manager, pinaii-stop ako...
"Sabi ni Mommy—shout out, Mommy Rot Racela—Sabi niya, 'Jelson, magpahinga ka,' kasi naospital na ako nung October, e.
"'Magpahinga ka, Jelson, kasi nakita ng doktor na may ano ka sa katawan, baka saan ka dalahin yan."
Nang panahong iyon, isinantabi ni Jelson ang kanyang mga nararamdaman at patuloy pa rin siyang nagtrabaho bilang pagpapakita ng pasasalamat sa mga nagtiwala sa kanya na gampanan ang lead role.
Kuwento ni Jelson, "Mabigat na yung leg ko at saka pag lumilingon, masakit na. Naluluha ako sa sakit. Hindi na ako kumportable.
"At saka ano... one line pa lang ano, e... Yung morning, parang one line pa lang na ano. Mabilis ko na [makalimutan]... hindi ko siya makuha.
"Sabi ko, 'Something's wrong with my system.'
"Pero ang pinanindigan ko noon, parang naiisip ko... kasi naisip ko, 'This guy invested a lot to this... Sino taong magbibigay [ng project] sa taong hindi mukhang leading man?'
"Kaya nga minsan inasar ko sarili ko sa salamin, 'Sobrang PR mo yan, ayan muntik ka na mamatay, 'Son.'"
Sa mga sumunod pang araw, nadama ni Jelson na unti-unti nang bumibigay ang kanyang katawan.
Noong October 18, 2019, isinugod na siya sa ospital dahil sa pneumonia na pinaniniwalaang maaaring nagdulot ng kanyang stroke.
"I think that led to stroke, e. Kasi kulang yung oxygen na pina-pump sa brain mo. 'Tapos high blood. 'Tapos enjoy ka sa work mo, 'Okey lang.'"
Isa sa mga pinagsisisihan ni Jelson ay ang pagkukulang niya sa pagsunod sa kanyang maintenance medicine para sa kanyang high blood at ang pagbalewala niya sa mga nararamdaman sa kanyang katawan.
"Alam mo ang pagkakamali ng may high blood? Na sasabihin mo sa sarili mo, if you feel something, 'Ipapahinga ko lang to.' Yun.
"Hindi mo alam, nandun ka na sa gauge na, kumbaga sa kotse, titirik na."
THE DAY HIS STROKE HAPPENED
Bukod sa Finding Agnes, naging busy rin si Jelson nang panahon na iyon dahil bahagi rin siya ng 2019 Metro Manila Film Festival entry na Mission Unstapabol: The Don Identity na pinagbidahan naman nina Vic Sotto at Maine Mendoza.
Base sa kuwento ni Jelson, nagpatuloy lang siya sa kanyang trabaho matapos niyang gumaling sa pneumonia hanggang sa ma-stroke na siya noong December 6, 2019.
Simula pa lang nang araw na iyon, ramdam na ni Jelson ang pagbigat ng kanyang katawan.
Bahagi niya, "One morning, it's a beautiful morning, December 6, yung P.A. ko kasama ko pa... Sabi ko, 'I feel heavy, my legs...' ano... Something na... pagkakita ko ng hagdan, parang heavy siya.
"May inorder ako na chicken flakes kay Boss. Dadalhin ko sana sa nanay ko sa Batangas."
Ang Boss na tinutukoy ni Jelson ay si Pinky na kanyang maybahay.
"E, alam ko, mabigat, e," patuloy ni Jelson. "Sabi ko... E, sa Buendia siya nagtatrabaho. Sabi ko sa P.A. ko, 'Sonny, tulungan mo naman si Boss Pinky...' kasi mabigat yun, puro bote."
Hindi na rin nagawa ni Jelson ang iba pa niyang gagawin nang araw na iyon at tuluyan na ngang bumigay ang kanyang katawan.
Nagpapasalamat na lang si Jelson dahil alerto ang kanyang P.A. na kanyang pinagbilinan kung sakaling may mangyari sa kanya.
"Naligo pa ako, 'tapos paglabas ko, weird, foggy na yung utak ko. Humiga ako sa kuwarto. I think mga, around mga eight minutes ako nakatulog na nap.
"Pagbangon ko... ang weird, di na ako makabangon. Pagbangon ko, di ako makabangon. Sabi ko, 'Something's wrong.'
"Yun pala hindi ko na ito nagagagalaw," tukoy ni Jelson sa kanyang kamay.
"Pasok ko dun sa kuwarto ng P.A. ko, 'Sonny, may nararamdaman ako sa katawan, pag kumalampag yung kuwarto, dalhin mo 'ko sa ospital.
"'Ito yung mga pangalan, lahat ng letter A kontakin mo, sabihin mo na may nangyari sa akin.' Sharp naman yung P.A. ko, nagawa niya lahat.
"Pagkalampag yung kuwarto, nakita niya raw ako. Sabi niya, 'Hindi ko naman intindihan yung sinasabi mo saka yung laway mo, lumalabas na.'"
Nagpapasalamat din si Jelson sa mga kapitbahay na sumaklolo at nagdala sa kanya sa ospital.
"Buti na lang, God bless me, may nagba-basketball na mga lalaki na rito.
"[Pinag]tatawagan niya, patulungan niya ako. Binuhat ako parang baboy, sinakay ako sa sasakyan ko.
"Ang natatandaan ko, bago ako mag-shutdown, yung nagdadala sa akin sa ospital, si Bert, 'Sir, huwag kayong matulog, malapit na tayo....' 'Sir, huwag kayong matulog, malapit na tayo.'
"Kasi traffic, e. Sabi ko, 'Bilisan niyo, malapit na rin ako.'"
Pagdating sa ospital, agad na tinutukan si Jelson ng mga doktor. Kalaunan, sa tulong ng isinagawang MRI (magnetic resonance imaging), natuklasan na na-stroke nga siya.
Ngunit hindi pa agad siya naniwala at nag-utos pa sa kanyang P.A. na iuwi siya at itutulog na lang ang nararamdaman.
Hanggang sa sinabihan na sila ng doktor na bawal siyang umuwi at kailangan na siyang operahan.
"Sabi nga ng doktor ko, e, 'Yung utak mo, lumobo na, umuumpog na siya sa brain mo. Kung hindi pa naagapan, wala ka na.
"'At may kasabay ka, mas older lang siya, 70 na siya. Hindi siya naka-survive. Ikaw, okey kasi bata pa yung katawan mo. You're 40-something.
"'Kaya pasensiya ka na, dito ka na binutas. Minadali ko na.' Butas ito, e," turo ni Jelson sa kanyang ulo.
Patuloy na kuwento raw ng doktor niya, "'Ang laman ng tubig ng ulo mo, ito ganito. Kita mo yung pineapple na can? Ganon.'"
Ngunit ayon kay Jelson, hindi rin agad nagawa ang operasyon dahil kinailangan muna niyang mag-downpayment ng PHP50,000 bago ito simulan.
Nagawan naman ito ng paraan ng kanyang manager.
Nagising na lang si Jelson ng Kapaskuhan, December 25, 2019, na may tahi na ang kanang bahagi ng kanyang ulo.
Ang kapatid niyang si Joel Bay rin ang nagbahagi sa kanya ng mga nangyari mula nang ma-stroke siya.
"Pagtingin ko sa mirror, may ribbon ako. Yung hindi mo matanggap na ganun kalayo yung narating nung... pagti-take for granted mo na maintenance."
GRATEFUL FOR VIC SOTTO AND MR. T
Ipinarating din ni Jelson ang kanyang pasasalamat kay Vic Sotto na siyang isa sa mga unang nagpaabot ng financial support para sa kanyang operasyon.
Matatandaang ilang beses na ring nakatrabaho ni Jelson si Vic.
Nagsimulang maging magkatrabaho sila noong 2016, para sa Kapuso sitcom na Hay, Bahay! at sa pelikulang Enteng Kabisote 10 and the Abangers.
Nasundan pa ito ng ilan pang proyekto, kabilang ang mga pelikulang Meant To Beh (2017), Jack Em Popoy: The Puliscredibles (2018), at ang Kapuso comedy show na Daddy's Gurl.
Kuwento ni Jelson, "[Yung] pera ko wala pa, trenta mil, e. Sabi ko, kung wala talaga si Pareng Vic, wala."
"Talagang ano... kasi yung operation ko, PHP250 [thousand] na, a."
Nagbahagi rin si Jelson ng mensahe para sa E.A.T. host.
"Boss, if I have a direct contact to you e sasakit ang ulo mo, Boss.
"Salamat, Pareng Vic. Alam ko naman, ikaw ang pinakataya nung maoperahan ako.
"Kaya ang goal ko ngayon, hindi lang gumaling, e. Huwag din ma-stroke kasi napakayabang naman sasabihin ko na pag nagkapera ako, mabayaran kita. Hindi na. Hindi na talaga. Kaya, yun na lang, salamat.
"Kasi kung wala ka, sabi nga ng nanay ko, 'Lupa ka na, utoy. Lupa na.' Patawad, kasi four years na, e. Magpo-four na sa December. Salamat, Boss.
"Hindi ako makakontak kasi wala naman akong way. At saka, respeto rin sa... Ako pananaw ko, lahat ng tao may giyera sa buhay. So, I'll give it to you, Boss.
"I miss you, lalo na yung mga pang-okray mo, 'tsaka yung mga... may style yun, e. Nang-aano na yung nasiko sa ulo, 'Ay, sorry, natama.'
Nagpasalamat din si Jelson kay Tony Tuviera, a.k.a. Mr. T, na isa rin sa mga naunang nagbigay ng tulong dito, nung panahon na hindi pa siya nai-istroke.
Pag-alala ni Jelson, "Last day ng [shooting ng] Unstoppable, hinawakan ako dito [balikat]. Sabi niya, 'Jelson, kinausap ko na yung ano mo, yung manager, magpa-executive check-up ka...'
"Sabi niya, 'Binigay ko yung ano... okay na, magpa-check-up ka, ayusin mo yung kalusugan mo...'
"Hindi ko makakalimutan talaga, hinawakan ako dito. Ngayon naman, nagparamdam ako through his P.A. Siguro, baka may giyera din sa life niya.
"Kaya, hinihintay ko na lang [yung reply]... Kaya, yun, hindi ko makakalimutan yun."
MORE CHALLENGES
Bukod sa naging gastusin para sa operasyon, malaking halaga rin ang nagastos para sa recovery period at therapy upang maibalik ang kalusugan ni Jelson.
Dito nga ay naramdaman na ni Jelson kung sino ang kanyang mga tunay na kaibigan.
"Mas mahal yung recovery kasi may therapy, yung gamot. Yung one year, fresh pa, madami pa tumutulong, e. 'Uy, si Jelson na-stroke.'
"At saka pag may dumadalaw, talagang, 'Son, pasensya ka na, ha, [ito lang]...'
"Ngayon, pag second year, medyo na, dahan-dahan yan, umay na, e. Lalo ngayon, pangatlong taon na.
"Pag nga nangangamusta ako, e... nag-'good morning' ako sa isang kaibigan, 'good morning,' ha...
"Alam mo, sagot sa akin? 'Kay aga-aga, e!'
"Parang ang dating sa akin, 'Naku...'
"At saka siguro, feeling ko, kultura ng Pilipino.... Pag tumulong sila, 'Scary na, ha, kasi obligasyon mo na 'to. Kaya, huwag simulan.'
"Kaya pag nangungumusta 'ko, may smiley agad para, 'No, hindi ako mangungutang, ha...'
Noong nakaraang taon din nakaramdam ng depresyon si Jelson dahil sa mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.
Inamin ni Jelson na sumagi rin sa kanyang isip na tapusin na ang kanyang buhay.
Ang bagay na ito ay kanyang naiisip sa tuwing maiiwan siyang mag-isa sa kanilang tahanan sa kalaliman ng gabi.
Nagtatrabaho kasi ang kanyang maybahay sa gabi bilang isang call center agent.
"Pinaplano ko, sabi ko, 'Paano kayang pinakamadaling kitilin yung life?' Sabi ko.
"You feel alone sa bahay. Talagang kausap mo, yung Creator mo lang... Ay, yun ang pinakamagandang part ng stroke, lagi mong kausap yung sa Taas, express ka lang, express.
"Sabi ko, 'Binuhay mo ako pero ganito? Wala akong kaliwang paa? Ano to?'
"Kaya pinaplano ko... baka ma-shock ang aking maybahay... Hindi ko lang mai-post...
"Sabi ko, 'What's worse than stroke? You cannot even hang yourself.'
"Hindi kaya, e... So, paano mo ibubuhol? 'Tsaka yung hagdan, mababa... Di ba? Sabi ko, Ano to?'
"Sabi ko, yung way lang is to cut my ...'" naka-mute ang bahaging ito ng video interview ni Jelson, sabay pasintabi ng komedyante, "Nay, relaks lang. Ano lang yun, sumanggi lang, pero... Nakaraan na yun."
LIFE-CHANGING MOMENT
Nalampasan din ni Jelson ang pagsubok na ito sa tulong ng kanyang pastor na si Ariel Lastrado.
Kuwento ni Jelson, inimbitahan siya nito na maging bahagi ng kanilang Christmas party nung nakaraang taon.
Bilang isang Born Again Christian, aminado si Jelson na nahiya siyang dumalo at humarap sa iba pang miyembro ng kanilang church dahil hindi pa sila kasal ni Pinky.
Ngunit mas pinaigting ng mga kasamahan ni Jelson sa kanilang simbahan ang pag-unawa sa kanilang situwasyon, lalo na't si Pinky ang katuwang nito sa kanyang pagpapagaling.
"May pastor called me... Sabi niya, 'Son, attend ka ng ano, ng Christmas party natin.'
"Ako naman, nahihiya akong um-attend, Julius. Kasi siyempre, Born Again, may standard, e.
"Hindi pa dapat nagsasama ang hindi pa kasal, nang wala pang [blessing], e. Sabi ko, 'Nahihiya ako, Ariel, um-attend."
Para kay Jelson, ito ang isang pagkakataon sa buhay na talagang nagbago ang lahat.
"Nakita mo yung mga old friends mo, na, nakita mo yung mga kasama mo, nag-present ng, at parang, alienate ka na rin, na parang, hindi na normal yung buhay ko, kasi iihi ka, para kang astronaut.
"'Tapos, pagbalik ko, yun, naramdaman ko na, ay, parang nagpaalala rin yung, yung ating Ama sa Langit na, 'Mas marami pang malaking problema, so, hindi lang... huwag masyadong OA.'
"Pag-uwi ko ng bahay, and I look at my hand, wala akong... wala akong dextrose, may pagkain sa bahay, I still have roof on my head, I'm still blessed.
"Sabi ko, 'Mayaman pa rin naman.'
"At the end of the day, magpapasalamat ka doon sa Creator, [kay] God, 'Salamat, ha. Pasensiya na kung minsan... I'm grateful talaga, kasi bonus na 'to, e."
Ibinahagi rin ni Jelson ang isang lesson na kanyang natutunan sa kanyang pastor.
"Sabi nung quote, sabi niya, 'Don't give up, you're already suffering, you're already hurt, get the reward from it.'
"Sabi ko, 'Oo nga, 'no?' Sabi niya, naghihirap na ako. Hindi... Ituloy na yung laban, kasi yung prize nasa dulo, e.
"Sabi nga nung isang... isang preaching ni Ariel, 'You'll never get the prize in the middle of the game, lagi na sa dulo yung prize.'"
READ MORE:
- '80s model-actor Lito Gruet, mala-teleserye ang life story tungkol sa pagsikat, pagkalugmok, at pagbangon
- Arnold Clavio, Connie Sison, Karen Davila, fellow broadcasters pay tribute to late Mike Enriquez
- 'TV Patrol' anchors mourn passing of '24 Oras' anchor Mike Enriquez
- Korina Sanchez proud of colleagues who trained from the “number one network”
Para sa mga nangangailangan ng kausap at tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lamang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.
