Nagsampa ng reklamong syndicated estafa sa Makati City Prosecutor’s Office ngayong Lunes, October 2, 2023, ang magkasintaang sina Mikee Quintos at Paul Salas, at pitong iba pa, matapos silang matangayan ng halos walong milyong piso (PHP8M) ng isang cryptocurrency group.
Inireklamo nila ang apat na indibidwal na incorporators umano ng Cronus Holdings Corporation.
Base sa ulat ng GMA News Online, sinabi ni Mikee na malaking halaga ang natangay sa kanila. Hinikayat daw sila ng respondents na ipasok ang mga pera nila sa crypto trading.
Lahad ni Mikee, “I think that’s their modus din na aalagaan ka muna nila, papaniwalain ka nila na okay yung transactions with them, until when you give a sufficient amount na or big amount na, more or less PHP8 million yung nakuha nila sa amin, e, itinakbo na nila.”
Ayon naman sa abogado nilang si Atty. Lance Tan, nasa early 20s pa raw ang respondents.
Sabi nito, “This is syndicated estafa so this is life imprisonment. So, sayang din naman. This is no bail.
"Like I said, sayang din naman, kawawa din naman sila, mga bata pa sila.”
Bukas naman daw ang kampo nila para makipag-usap sa respondents. Ang ilan pa nga raw sa mga ito ay nag-aaral pa sa kolehiyo.
Dagdag ng abogado, “Initially, we just want to let the school know. And then we’ll let the school act on it kung papaano yung appropriate na sanctions or actions that they’re going to take.”
Ayon naman kay Mikee, may dalawang deals na inalok sa kanila.
“The first was compounding monthly [of] 5 percent kung magkano yung ipapasok mo. Depende sa iyo yun. May ledgers pa and everything.
“Tapos doon sa short term, yun nga yung deal na kinuwento ni Paul na two weeks lang yung holding time, babalik na.
“E, dumating na yung two weeks, delay, delay, delay. We gave them a chance na mag-revert sa amin pero wala talaga.”
Payo naman ni Paul na huwag basta-basta magtiwala sa mga nag-aalok ng investments.
Aniya, “Ito’y pagbibigay warning lang na huwag masyadong magtiwala agad kasi pinaghihirapan natin yung pera na ito.
"So, bigay awareness lang din na let’s sleep on it, di ba, pag-isipan ang investments, huwag masyadong luwagan.”
