Nananatiling single si Samantha Lopez matapos ang divorce niya sa kanyang ex-husband na si Warren Edwards.
Taong 2016 naghiwalay sina Samantha at Warren, at kalaunan ay na-finalize na rin ang kanilang divorce.
Read: Samantha Lopez on life after divorce: "Walang katumbas na presyo ang kalayaan ko ngayon."
Mula noon ay tila masayang namuhay si Samantha na walang katuwang sa buhay.
Pero aniya, “Oo, pero masaya naman.”
Pangarap din kaya niyang makahanap ng bagong pag-ibig?
Sagot ni Samantha, “You know, kung may darating, may Godly spouse, then, yeah, why not? Pero okay na rin, masaya naman, busy.”
Walong taon na siyang single pero diin niya, “Yeah, okay naman siya so far.”
Kung wala man siyang love life, abala naman si Samantha sa kabi-kabilang TV shows.
Pagbabahagi niya, “I’m doing two shows right now, one is Love. Die. Repeat with Jennylyn Mercado and Xian Lim sa GMA yan, prime time.
“Another one, Good Will. We’re on Season 3 now, sa Net 25, produced by Korina Sanchez, of course."
Kaya "blessed" pa rin siyang matatawag.
Nakangiting sabi ni Samantha, “Yes, sa awa ng Diyos, oo. Sa awa ng Diyos. I guess when you give back.”
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Samantha sa 3rd SamLo Cup, isang golf tournament na inorganisa niya para sa Kids for Jesus Foundation, na ginanap sa Wack Wack Golf and Country Club kahapon, October 17, 2023.

ANNUAL BIRTHDAY CHARITY
Bukod sa TV shows, itinutuon ni Samantha ang bakanteng oras niya sa pag-oorganisa ng isang fundraising event tuwing kanyang kaarawan.
Ngayong araw, October 18, ang kanyang 54th birthday.
Paano ba nagsimula ang Samantha Lopez Cup?
Lahad niya, “Well, it started as Fit at Fifty SamLo noong 50th birthday ko.
“48th birthday ko pa lang nag-iisip na ako na, ‘I have to give back, I have to do something sa 50th ko.’ Kasi kalahati ng buhay natin, I mean 50th ko, golden birthday.
“So okay, give back, kaya ako nagpa-charity golf tournament for my 50th last four years ago, 2019.
“And then pandemic happened. So, natigil.
"And then nung bumalik na, nung na-lift na yung mga restrictions, maraming mga nagtatanong na friend ko, ‘Bakit hindi mo gawin ulit yung SamLo Cup?’
“Kasi wala naman kaming planong magkaroon ng second, third, every year, so parang nag-request yung mga friends.
“Marami talaga kaming natulungan kasi all proceeds nga napupunta dun sa foundation ng best friend ko na Kids for Jesus Foundation. So, itinuloy namin last year.
“Tapos yung mga sponsors na yung mga lumalapit, same this year. This would be my annual birthday charity golf tournament. Magiging tradisyon na siya.
"And it’s not more than just a golf tournament, it’s more also of promoting health and wellness, of course giving back, natutulungan namin yung Kids for Jesus Foundation.
"We feed kids whole year long, hindi lang one time, all year long.”
