Kinagiliwan ng netizens ang Halloween pictorial ng actor-director na si David Chua at Miss Globe 2021 Maureen Montagne.
Ginaya kasi nila ang Hollywood icons na sina Megan Fox at Machine Gun Kelly sa kanilang mga kasuotan.

Mukhang close na close na rin ang dalawa.
Sa pamamagitan ng Viber messaging, inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si David ukol sa cozy pictures nila ni Maureen.
Ayon dito, magkakilala na talaga sila ni Maureen.
Aniya, “Hindi ho yun yung first time na nagkita kami ni Maureen. Hindi yun yung first time na nag-look test kami, tapos picture na kaagad.
“Siguro, lumabas na kami niyan, kasama ang ilang kaibigan. Mga tatlo o apat na beses na bago nagkaroon ng pictorial.
“Natural lang naman yan, kung ano yung normal na pagiging maginoo sa tingin ko, pinakita ko lang yan sa kanya and yun po ang lumabas sa litrato.”
Kaligaw-ligaw ba ang beauty queen? Sa tingin ba niya girlfriend material ito?
Kuwento niya, “Gusto ko lang po iklaro, ako po mismo sa aking opinion, di po ako naniniwala sa salitang ligaw. Para po sa akin, mas naniniwala ako sa salitang sinusuyo.
“Para ho sa akin dapat ang mga babae ho ay sinusuyo. Kasi ho, para sa akin, ang panliligaw ay para siyang best foot forward ng lalaki, pinapakita mo kung anong klaseng maginoo ka, kung anong klaseng ambag mo na ikakagusto niya.
“Para sa akin ho, hindi ho naangkop sa aking personalidad, kaya ang gusto ko maging magkaibigan muna kami, hindi ko muna pinapakita na gusto ko yung isang magandang binibini.
“Tsaka, para makita niya ano ang aking totoong ugali, vice versa rin, makita ko ang kanyang totoong ugali.
“Saka ho ako magtatapat kung alam ko ho kung kami na ay merong mutual understanding pero yung ligaw ho medyo hindi po ako naayon dun.
“Iba lang siguro ang style ko. Pero ang tanong kong kaligaw-ligaw? Ang sagot ko ay sino ba namang hindi manliligaw kay Maureen. Kung girlfriend material?
“Ang basis ko ng girlfriend material ay kung mamahalin niya ang Tondo at siya ay nadala ko na sa Tondo at kami ay kumain na dun at naikot ko na siya sa Chinatown. Kung mahal ho niya ang lungsod ng Maynila, e, mahal ko na rin siya.”
Para saan ba ang nasabing pictorial? Ito ba ay para ba sa isang paparating na proyekto?
Umuo naman si David dito ngunit hindi pa daw niya masabi kong anong channel.
Sabi niya, “Yung channel di ko pa po masabi. Yung genre nito, may pagka-action- comedy.
“Siyempre may mga kanta. Mga bagong kanta na hindi pa nailalabas, kasama ang Rise High na banda, mga next year po ito mag-start ng production.”
THANKFUL TO SUPPORTERS
Malaki naman ang pasasalamat ni David na going stronger ang mga palabas niya sa Net25, kabilang na ang Rated Korina at Good Will.
Lahad niya, “Siyempre, nagpapasalamat tayo na maganda po ang ratings natin, ng Rated Korina, hindi lang ho Rated Korina kundi pati Korina Interviews sa Net 25, nagna-number 1 ho.
“Hindi po ako ang direktor ng Korina Interviews pero ako po ang second unit director, meaning po, pag absent si Direk, ako ang sumasalo.
“Nakakatuwa na nag number 1 ang Korina Interviews sa Net 25, na most viewed, recently lang sa segment ni Diether Ocampo.
“Pati ho ang Good Will, nasa 3rd Season na kami. Nagpapasalamat po ako sa mga sumusubaybaay kasi po ang Good Will ay nakasama po sa Top 10 Most Viewed online sa Net25.
"Kaya nakaka-inspire lalo ho na husayan pa ng creative, ng production, ng mga kasama nating artista, staff, crew para po yung pagod na nailabas namin, parang birth pains, after nun nawala lahat ng pagod mo sa mga ganun klaseng review.”
Bilang isang reservist naman ng Philippine Air Force, handa naman si David sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo ng military lalo na sa re-supply mission sa mga sundalo sa West Philippine Sea.
Read: David Chua graduates as Philippine Air Force reservist; receives Strongman’s Award
Kuwento niya, “Naglabas lang ho ng statement na kailangan ho kaming maging ready anytime, na yun naman po ang aming sinumpaan.
“After graduation, kapag may tawag po kami, always ready. At ako naman po, isang tawag lang ng AFP, PAF, Philippine Air Force, e, ako po ay ready anytime.
“Gagawin ko ho yan hindi lang ho papogi ko o pa-impress sa mga tao pero dahil po sinumpaan ko yan na misyon ko sa buhay at sa mahal kong inang Pilipinas at yan ay kailangan kong gawin. Anytime ho na tawagin kami sa Ayungin shoal, reading-ready po ako.”
Tuluy-tuloy naman daw ang medical mission nila bilang reservist.
May sarili din siyang charity project sa kanyang lugar sa Tondo.
Dagdag niya, “Meron kaming project ni Senator Loren Legarda along with DOLE, na kabuhayan.
“Meron tayong 350 recipients na family na bibigyan natin ng kabuhayan galing kay Senator Loren legarda this year lang ho yan bago matapos ang taon.
“Nagpapasalamat naman po ako sa lahat ng tumutulong sa atin na sumusuporta sa lungsod ng Maynila.
“Marami na ho tayong mga kaibigan na tumutulong o nagbigay ng suporta, ng konting pampasaya naman ho sa ating mga ka-distrito sa Maynila, lalo na sa Tondo.”
