Nag-post si Alden Richards para pasalamatan ang isang honest driver na inihatid ang naiwang cellphone ng kanyang pinsan.
Naging pasahero kasi ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver ang pinsan ni Alden, at naiwan nito ang cellphone sa kotse.
Nakipag-ugnayan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa driver para mailahad nito ang pangyayari, at para na rin makumusta ang karanasan nito nang makaharap ang Kapuso prime-time star.
"Ako nga pala si Alexis Verdejolo Ohno, 36, tubong-Bacolod at nakipagsapalaran sa Maynila," sabi ni Alex sa PEP.ph via call noong November 8, 2023.
Ilang buwan pa lamang nagtatrabaho bilang TNVS driver si Alex.
Nagsimula raw ang lahat nang i-book siya ng babaeng pinsan ni Alden noong Tuesday ng umaga, November 7.
Mula sa Rockwell, Makati, nagpahatid ang pinsan papunta sa isang gym na nasa loob ng isang mall sa Pasig City.
Mula roon, may inihatid na pasahero si Alex papuntang Caloocan.
Dakong alas-dos ng hapon, may pasaherong nakuha si Alex papuntang Bulacan.
“And then, may na-receive akong text na, ‘Kuya, may naiwan akong gamit diyan,’ ganun yung na-receive kong text,” kuwento ng driver.
Tinawagan ni Alex ang unknown number at nakausap niya ang pinsan ni Alden. Siyempre, walang kamalay-malay si Alex na may kaugnayan kay Alden ang naging pasahero.
Nakita ni Alex ang nawawalang cellphone sa backseat.
"Nakita ko dito sa may upuan. Nakasiksik.”
Ipinaalam ni Alex sa kausap na natagpuan na niya ang hinahanap nito.
Read: Woman who misses flight runs onto tarmac to stop plane about to take off
MEETING, TALKING TO ALDEN
Maya-maya ay nakatanggap si Alex ng message mula sa unknown number na ginamit ng babae para tawagan siya.
“Tapos may nakasulat na, ‘Please call or text me.’
“And then, yun, tinawagan ko, nakausap ko,” sabi ni Alex. Pero hindi na babae ang sumagot kundi isang lalaki.
"...sabi niya sa akin kung puwede ko daw dalhin [sa kanya yung cellphone].
“Sabi ko, ‘Sir, sige, okay po, puwede po. Kaso lang, nasa Bulacan pa po ako ngayon, sabi ko.’
“Sabi niya, 'Sige, Sir, okay lang po, wait ka namin, wait kita, kasi buong araw naman ako dito sa Podium.’”
Hindi niya sukat akalain na si Alden Richards pala ang kausap ng driver.
“Nung una, nung pagtawag ko sa kanya, di naman sinabi na si Alden Richards siya, e. Nung sinabi ko na na, ’Sige, Sir, dalhin ko diyan ngayon,’ tapos nagpakilala.”
Hindi raw makapaniwala si Alex. “Sabi ko, ‘O, talaga, idol? Ikaw ba ito?’”
Bandang alas kuwatro ng hapon, bumiyahe mula Bulacan pabalik ng Maynila si Alex para ihatid ang cellphone.
“Tapos yun na, nagkita kami doon sa Podium, sa may cinema sa taas. Inabot ko na sa kanya yung cellphone.”
Idinetalye rin ni Alex ang pagtatagpo nila ni Alden, pati na rin first impression niya.
“Nung pagdating doon, si Sir Alden napaka-humble, tapos napakabait talaga. Parang down to earth. Yumuko pa siya, nagpasalamat.
"Nang pag-shake hands, tapos nag-request ako na, ‘Kung puwede, Sir, selfie naman sa akin.’”
Hirit ni Alex, “Doon pa lang, panalo na ako.”
Read: Reyna ng Malaysia, nais “ampunin” ang batang may werewolf syndrome
Aniya sa karanasang nakadaupang-palad ang isang tanyag na artista, "Grateful, Sir.
"Actually, na-stun ako nung nakita ko siya. Di ko alam yung magiging reaction ko kasi na-stun ako, na-starstruck ako nung paglabas ng cinema. Parang di ako makapagsalita."
Nagpakuha rin si Alden ng picture nila ni Alex sa kanyang cellphone. Ito ang picture na ipinost ni Alden sa social media, kung saan nagpasalamat siya kay Alex.
Pero paglilinaw ng driver, kahit hindi si Alden ang nakausap ay ihahatid pa rin niya ang cellphone.
“Kasi kailangan, baka kailangan ng tao. Kaya naisip ko talaga na ihatid talaga sa kanila, kasi baka kailangan talaga nila, e."
Malaking bonus na na-meet niya si Alden, na inabutan pa siya ng gift. Sino ba naman ang tatanggi sa grasya?
Ito raw ang first time na may nakaiwan ng gamit sa sasakyan ni Alex.
Panghuling reminder ni Alex, “Sa mga kapwa driver, pag may mga naiwang gamit si passenger, importante man iyan o hindi, siguro kailangan natin silang kontakin.
“Kung hindi naman nila mapansin na may nawalang gamit sa kanila, tayo na siguro gumawa ng effort para ma-contact natin si customer.
"Kasi, total, sa record nila, pag basta mag-book sila, may record naman sila sa atin.
“Pag may naiwan, ibalik natin kasi di natin na alam, baka importante sa kanila yun. Kailangan nila sa trabaho man o sa araw-araw nilang pamumuhay.”
