Pumanaw na ang veteran multi-awarded actor na si Ronaldo Valdez nitong Linggo ng hapon, Disyembre 17, 2023.
Siya ay 77.
Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagpanaw ng beteranong aktor.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ng kanyang naulilang pamilya na kinabibilangan ng kanyang misis na si Maria Fe Gibbs, at mga anak na sina Janno at Melissa Gibbs.
Importante ring igalang ang pagluluksa ng pamilya Gibbs kaya nararapat lamang na huminto ang publiko sa paglalabas ng mga haka-haka tungkol sa sanhi ng kanyang pagkamatay.
Mula nang kumalat ang balita tungkol sa pagpanaw ni Ronaldo, bumuhos ang pakikiramay sa Instagram account niya mula sa mga taong humahanga sa kanya at hindi makapaniwala na wala na siya.
“Lolo Sir” ang nakasanayang tawag kay Ronaldo ng bagong henerasyon dahil sa karakter na ginampanan niya sa 2 Good 2 Be True, ang romantic-comedy series ng Kapamilya Channel na pinangunahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Napanood ito mula Mayo 16, 2022 hanggang Nobyembre 11, 2022.
Read: 5 things to look forward to in KathNiel’s 2 Good 2 Be True
Huling napanood si Ronaldo sa Ikaw at Ako, ang pelikulang pinagbidahan nila nina Rhian Ramos, Paolo Contis, at Boots Anson Rodrigo at ipinalabas sa mga sinehan nito lamang Disyembre 6, 2023.
Hindi nagkaroon ng pagkakataong ang entertainment press na makapanayam si Ronaldo sa press conference ng Ikaw at Ako, na ginanap sa Viva Café noong Nobyembre 29, 2023, dalawang araw matapos ang kanyang ika-77 kaarawan noong Nobyembre 27, dahil hindi siya dumalo.
Nagsimula ang acting career ni Ronaldo noong mid-60s, hanggang sa makilala siya bilang versatile actor na kayang gampanan ang halos lahat ng klase ng roles — bida, kontrabida, at maging gay roles.
Ilan pa sa mga huling proyekto niya ay ang pelikulang Seven Sundays (2017), at teleseryeng Ang Probinsyano.