“Proud ako sa 'yo, kasi mainstream na tayo… charot,” ang umpisang bulalas ni Alessandra de Rossi sa direktor na si Zig Dulay na kasama ni Alessandra sa mediacon ng Firefly nitong Martes, December 19 sa Wildflour Café + Bakery sa Quezon City.
Read: Alessandra de Rossi, top choice ni Direk Zig Dulay sa kanyang mga pelikula
Entry sa idinadaos na ngayong 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Firefly na pinagbibidahan ni Alex (palayaw ni Alessandra) at ng batang aktor na si Euwann Mikaell.
“I mean proud ako na nakagawa ng isang napakagandang kuwento na mag-iiwan talaga ng maraming marka, maraming tanong.
“Ang description ko nga is the greatest love of all ang pagmamahal ng isang ina at ang pagmamahal ng isang anak sa kanyang ina.
“Maganda yung istorya namin, script pa lang maganda na siya sa totoo lang, 'tapos nung na-shoot ganun pa rin, 'tapos nung napanood ko, maganda pa rin.
“So I guess, kami na ’to, charot!” bulalas ni Alessandra at pabirong patungkol sa pinakamimithing parangal sa MMFF—ang Best Picture award.
Makakalaban ng Firefly para sa parangal na ito ang siyam na iba pang kasali sa festival—Rewind, When I Met You In Tokyo, Family of Two (A Mother and Son Story), Penduko, Mallari, GomBurZa, Kampon, Becky & Badette, at Broken Hearts Trip.
did not prepare for the role
Tinanong si Alessandra kung paano siya naghanda para sa role niya sa Firefly na si Elay.
“Hindi ako ma-prepare na tao, na pag nasa set, pag nasa shoot iyon na yun, kasi gusto mo yung naturally ma-process mo sana yung character mo, di ba?”
Natatawang rebelasyon pa ni Alex, “Yung pinakamabigat na eksena, nilagay nila sa day 1, di ba, Zig Dulay?” muling pagbanggit ni Alex sa kanilang direktor.
“Sabi ko, ‘First day talaga ito?’
“Hindi ko pa napo-process yung pagiging nanay ni Euwenn or yung buong character ko, sabi niya, ‘Kaya mo yan!’
“May ano pa, e... May backdrop na sunset, so kailangan timing-an mo siya, ganun. So wala na akong kailangang i-prepare,” natawawang pakli pa ng aktres.
Mula sa GMA Pictures at GMA Public Affairs at sa panulat ni Angeli Atienza, nasa cast din ng Firefly sina Cherry Pie Picache, Yayo Aguila, Max Collins, Kokoy de Santos, Epy Quizon, ang tandem nina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix, at si Dingdong Dantes.
Ano ang dahilan sa pagtanggap ni Alex ng Firefly?
“Maganda yung kuwento,” lahad ng aktres, “'Tsaka ano talaga siya, kuwentong nanay.
"So kapag nakakabasa ka ng ganitong script na alam mong bihira lang, kasi siyempre sanay tayo kung hindi romance, comedy... Itong ganitong klaseng genre medyo kaunti na lang yung gumagawa.
“Hindi ko na maalala yung last.
“So parang pag nakakabasa ka ng script na ganito, gusto mong sumali sa project kahit ano yung role mo, di ba?
“So thankfully, yung pinakamagandang role, nasa akin. Pasensiya ka na,” sabay tumatawang baling ni Alex sa katabi niyang si Euwenn.
type of acting
“Award-winning… charot,” ang pabiro namang sagot ni Alex sa tanong kung anong klaseng acting ang ipinakita niya sa Firefly bilang si Elay kumpara sa ibang papel na nagawa na niya.
“Hindi, iba kasi, sa farm siya nagtatrabaho, labandera. So ito naman sa akin storyteller, magaling mag-drawing, so iba rin siyang klaseng self-esteem, 'ika nga. Parang mas mabulaklak din siya dahil mas marami siyang sinasabi.”
