Mula sa pagiging child star, naging bold and daring si Gina Alajar sa mga pelikulang Diborsyada (1979), Brutal (1980), Salome (1981), Playgirl (1981), Wild (1981), High School Scandal (1981), Caught in the Act (1981), Kontrobersyal (1981), among others.

Gina Alajar in Salome
“Wala nang nakakaalam niyan!” natatawang sambit ng multi-awarded actress nang makatsikahan ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong Disyembre 22, 2023, sa Sine Pop bago ang sneak preview ng pelikulang Pieta.
“Kayo na lang ang nakakaalam niyan. Kayo na lang. Pero yung mga bata, hindi nga nila mapaniwalaan na, ‘You did that?!’ Ha! Ha! Ha!”
At the time ba, offensive bang matawag na sexy actress?
Napakunot-noo nang bahagya ang veteran actress-director, “At that time? Hindi naman… hindi naman. Kasi, hindi naman sexy star ang tawag noon — bold star… bold, daring.”
Ano ang feeling niya noong na-brand siyang bold star?
Natigilan sandali si Gina, “Well… because you know, yun ang acceptance na eto yung pinasok mo, hindi ba?
“So, yun ang branding. But come to think of it… come to think of it, siguro it bothered a bit.
“Kasi, parang meron yata akong… parang sa mga interviews, meron akong sinasagot na, ‘Yeah, bold, daring.’ Ibig sabihin, umalis lang ako dun sa sweet roles na ganyan.
“Na naging daring lang yung mga roles na ibinibigay sa akin. Yon, palagay ko.
“So, siguro it did bother me at some time, oo, bold star. Pero wala… ngayon, OK na.
“Ikinukuwento ko na yan, na bold star ako noong araw. Walang naniniwala sa akin. Ayaw maniwala!”
Read: Gina Alajar remembers confronting a director: "You did this to me when I was young."
BOLD MOVIES OF AN ACTRESS
Lubhang maalindog si Gina sa Salome (1981) na idinirek ni Laurice Guillen. Leading men niya rito sina Dennis Roldan at Johnny Delgado.
Sa court scene ay sinigawan si Salome, “Salot ang babaeng yan! Salot!”
Sa Kontrobersyal (1981) na idinirek ng National Artist na si Lino Brocka, may betamax scandal ang karakter niyang si Karina Daluz.

Gina Alajar in Kontrobersyal
Lahad ni Direk Gina, “There was one time, yung grupo ko sa television, mga cameramen ko, mga bagets yan, e. Noon, ha. Bagets pa rin naman sila ngayon.
“But they didn’t see na these films, ganyan. Tapos bigla silang may mababasa. May makikitang picture.
“Sasabihin nila, ‘Nay, totoo po ba ito?’ Sabi ko, ‘Oo naman, anak. Bakit?’ Hindi sila makapaniwala.
“So there’s one time na alam ko na kokonti lang isu-shoot naming eksena, so nagdala ako ng DVD.
“Pagkatapos, sabi ko, ‘Halika, panoorin niyo to, ha?’ ganito, ganyan. Salome. Tapos lahat sila, nakaganon.
“Actually, ayaw nilang panoorin. Kasi parang nahihiya sila para sa akin!”
Iyong bold movies ni Gina ay bahagi ng paghubog sa kanya bilang isa sa pinakamahuhusay na aktres ng pelikulang Pilipino.
“Yes, totoo. Lahat yun, nadaanan ko and nakatulong iyon… sa pagkakaintindi ko siguro, di ba, sa ginagalawan natin na pinilakang tabing,” pagmamatuwid ni Gina.
MORAL: A FILM AHEAD OF ITS TIME
Sabi ng multi-awarded scriptwriter-director na si Jose Javier Reyes, nagulat ang mga estudyante niya sa De La Salle Universe nang mapanood ang Moral (1982).
Ang nasabing pelikula ay pinagbidahan nina Gina Alajar, Lorna Tolentino, Anna Marin, at Sandy Andolong, sa direksiyon ng National Artist na si Marilou Diaz-Abaya.

(From left) Gina Alajar, Anna Marin, Lorna Tolentino, and Sandy Andolong in Moral
“Advance ang Moral naman talaga sa lahat ng genre, 'no? Tama, yung genre. So advance siya,” saad ni Gina.
“Nandun ang lesbianism, nandun ang LGBTQ. Lahat, nandun na siya. Nandun na lahat, kung ano ang naging issue. Nandun na.”
Nakaka-miss ang mga ganoong klase ng pelikula. Kagaya rin ng City After Dark aka Manila By Night na idinirek ni National Artist Ishmael Bernal.
Tampok sa Manila By Night sina Charito Solis, Gina Alajar, Lorna Tolentino, Alma Moreno, Rio Locsin, Cherie Gil, Orestes Ojeda, William Martinez, Bernardo Bernardo, at Johnny Wilson.

Bakit kaya nawala ang mga ganung klaseng pelikula?
“Well, kasi, unang-una siguro, kasi nagawa na. Nagawa na, di ba? Nagawa na ni Bernal lahat,” pahayag ni Gina.
“E, yung mga filmmakers, ayaw na siguro nilang gawin. Gusto nila, iba naman. Pero I think ang pagkakaiba lang is at that time, making movies was really making movies, you know.
“We shoot… yun ang tinatawag na 30 shooting days in 45 calendar days. So, hindi minamadali.
“Hindi minamadali kuhanan yung mga eksena, alam mo yun? Now, we try to achieve the same quality, yung ganyan, but we shoot it only in six days, seven days, eight days.
“How can you compare? How can you compare? Manila By Night, yung kay Ishmael Bernal, ilang gabi iyon para i-shooting lang yung mga parts nina Alma, nina Rio Locsin, nina Lorna.
“Di ba, gabi yun? Puro gabi yun. Ang haba kaya ng shooting ng Manila By Night, ganun.
“So, papaano maa-achieve yung quality noon kung isu-shoot mo lang ang isang pelikula… how can you shoot Manila By Night in seven days now?
“It will become a telesine. Ganun lang yun, na nakikita na natin sa TV. Ang nag-iba lang dun, they’re using film cameras. Ang gaganda lang ng cameras na ginagamit.
“Kaya it’s film. But yung scope, yung laki… yung demand sa acting, yung demand sa magandang-magandang location… yung mga ganun, nawawala lahat yun.
“Yun ang pagkakaiba.”
