Nagkuwento si Gelli de Belen ukol sa kanyang reaksiyon kaugnay ng mga aktor na nakarelasyon ng nakatatandang kapatid na si Janice de Belen.
Ibinahagi rin ni Gelli ang tungkol sa pag-hire niya ng private investigator para pakitaan ng ebidensiya si Janice tungkol sa “red flag” ng ex-husband nito.
Inamin din nina Gelli at Janice na ang isyung ito ang sumubok sa kanilang relasyon bilang magkapatid.
Sa YouTube interview ni Karen Davila nitong January 18, 2024, napag-usapan ang isyu nang tanungin si Gelli kung sino sa mga dating nakarelasyon ni Janice ang hindi siya boto.
Diretsang sagot ni Gelli, “Actually, isa lang naman talaga ang nakitaan ko ng red flag.”
Wala pa raw siya sa huwisyo noon sa mga naunang nakarelasyon ni Janice.
Ani Gelli, “I was very young. I was just, like, ‘Oh, my God, si Gabby Concepcion nasa bahay namin.’ ‘Ay, si Aga Muhlach, tatay ng pamangkin ko.’”
Ang "pamangkin" na tinutukoy ni Gelli ay ang anak nina Janice at Aga na si Luigi Muhlach.
Malinaw naman na ang tinutukoy ni Gelli na nakitaan niya ng "red flag" ay ang ex-husband ni Janice na si John Estrada.
Pagpapatuloy ni Gelli, “Nung naging si John, meron na akong huwisyo.”
Marami raw nakakarating kay Gelli noon patungkol kay John dahil “it’s a small industry.”
Alam sa showbiz na ang matinding pinag-awayan noon nina Janice at John ay ang pagkakaroon ng third party.
Ani Gelli, “I would hear things, I would find out and stuff.”
Bilang kapatid, nagsusumbong daw siya kay Janice.
“And I would tell her [Janice], ‘Look, this is what’s going on. Baka gusto mong pagtuunan ng pansin.’”
Inamin ni Janice na nao-offend siya noon sa mga isinusumbong ni Gelli.
Sundot ni Janice, “So, feeling ko kontrabida lang siya [Gelli]. Hindi ko siya pinapansin. Nagagalit ako sa kanya after. Silent war kami.”
Pakli ni Gelli, noong mga panahong iyon ay hindi siya handang pakinggan ni Janice.
Hindi raw si Gelli mismo ang nakakakita sa mga sumbong ukol kay John, pero maraming nakakarating sa kanya.
Sabi ni Gelli, “Yung common friends and the people in the industry, thankfully parang nakikita mo talaga that they’re concerned. And they’re real, and they're true because they call me…
“They would call me and tell me, ‘This is what I saw.’”
Nagpasubali si Gelli sa kanyang kuwento, “Ayoko namang siraan na si John. Parang tapos na yan. Okay na.
“We’re just talking about ito yung pinadaanan namin," pagsalo ni Janice.
Read: Janice de Belen reiterates refusal to work with ex-husband John Estrada
GATHERING PROOFS FOR JANICE
Inusisa ang magkapatid kung iyon ba ang “hardest part” sa relasyon nilang magkapatid.
Sumang-ayon si Janice.
Dumating daw sila sa puntong gusto nang tumigil ni Gelli sa pagsusumbong kay Janice tungkol sa noon ay mister nito.
Saad ni Gelli, “I remember one of the times towards the end na talaga ito na yon.
"Kasi nakailang beses akong nagsabi sa kanya na hindi naman talaga umubra. So, hinayaan ko na lang. ‘Ayaw mo, e. Wala akong magagawa.’"
Dugtong niya, “One of the last times I told her ,very definitive.”
Ang sagot daw sa kanya ni Janice, “I want proof.”
Dugtong ni Gelli, “Proof ba kamo? Naghanap talaga ako ng proof.”

Higit pa raw sa larawan ang ebidensiyang ipinakita ni Gelli sa kapatid.
“I was very aggressive with this. Umabot ako sa punto na nagpa-private investigator ako. Umabot ako sa ganong punto.”
Nangatuwiran si Gelli kung bakit ganoon na lamang ang kanyang pangungulit sa “red flag” ng asawa noon ni Janice.
“Kasi, for me, if I had gone through the same thing, sino pa bang dadamay sa akin kundi kapatid ko?” aniya.
Bagamat may mga kaibigan, sabi pa ni Gelli, “your family would really look out for you, e. Yung, would go the extra mile for you.”
Pagtukoy ni Gelli ukol sa “red flag” ng dating mister ni Janice, “Everybody knew, but nobody is talking. Nobody was telling us.”
At ibinigay raw ni Gelli ang lahat ng “proof” na kailangan ni Janice.
APPRECIATION FOR GELLI
Nang makita na raw mismo ni Janice ang ebidensiya, hindi siya agad gumawa ng hakbang.
“Hindi ko alam kung anong gagawin ko, e. It took a while.
"Kung totoo, anong gagawin ko? Where do we go from here. Yun ang mahirap.
“But then, when things came together, when I made my final decision, siya ang una kong sinabihan,” pagtukoy ni Janice kay Gelli.
Yun daw ang panahong nagdesisyon si Janice na ipa-annul ang kasal nila ni John.
Ipinagtanggol ni Janice si Gelli kung bakit ayaw tumigil noon ng kapatid sa paghahanap ng mga ebidensiyang kailangan ni Janice ukol sa dating asawa.
Ani Janice, “Letting me know all these things had nothing to do with her wanting us to separate. I think she just wanted me to see things.
“And base my behavior or how I do things, my choices, on what I already know.”
Pagbabalik-tanaw ni Janice sa ginawang iyon ni Gelli, “Looking back at it, I appreciate it.
“Siyempre noon, hindi [naa-appreciate]. Tipikal akong nai-in love na tanga. Bulag, pipi, bingi. Yun ako.
“But then, she [Gelli] had to be my eyes, my mouth, and my ears at that time.”
Naghiwalay sina Janice at John noong 2001, matapos silang ikasal noong 1992, o siyam na taong pagsasama.
Nagkaroon sila ng apat na anak, ang mga aktres na sina Inah at Kaila, at sina Moira at Yuan.
Si John ay kasal ngayon sa Brazilian beauty queen na si Priscilla Meirelles.
