Ano ang mitsa ng hiwalayan nina Bea Alonzo at Dominic Roque?
Ito ang malaking palaisipan sa publiko sa gitna ng mga kumpirmasyong hiwalay na sina Bea at Dominic na naibalitang ikakasal na ngayong 2024.
Read: CONFIRMED: Bea Alonzo and Dominic Roque break up; call off engagement
Ang First at Second Sources ang nagkumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na tinuldukan na nina Bea at Dominic ang higit apat na taon nilang relasyon.
Nakalap ito ng PEP.ph sa pagitan ng February 1 - February 5.
May Third Source na nakausap ang PEP.ph na alam ang tungkol sa breakup, pero nagsabing hindi sarado ang pagbabalikan ng couple kung maayos nila ang kanilang problema.
Naniniwala ang Third Source na mabuting direktang marinig kina Bea at Dominic ang anumang kumpirmasyon ng breakup dahil ang mga ito raw ang tanging nakakaalam ng kanilang buhay pag-ibig.
Read: Bea Alonzo and Dominic Roque: A Relationship Timeline
Sa pagsisiyasat ng PEP.ph, lumalabas na panay sensitibo ang mga hinihinalang isyung nakapalibot diumano sa biglaang pananamlay ng pag-iibigan ng dalawang kilalang showbiz personalities.
Tinatayang nagsimulang magkaproblema ang couple pagbalik galing sa kanilang holiday vacation sa Japan na nangyari noong December 26, 2023 hanggang first week ng January 2024.
Sinisikap pa rin ng PEP.ph alamin kung may katotohanan ang mga isyung ibinabato sa ex-couple.
ISSUE NO. 1: PRENUP AGREEMENT
Una na rito ay ang usapin ng prenuptial agreement.
Ang prenuptial agreement— o "marriage settlement" sa ilalim ng Family Code of the Philippines Section 1 Article 75—ay isang written and signed contract sa pagitan ng future spouses.
Dito nakatala ang terms and conditions sa paghawak ng kanilang individual incomes, properties, at assets: pagsasamahin ba nila ang lahat ng kanilang ari-arian? ihihiwalay ba nila ang kani-kaniyang individual assets bago ikasal? ihihiwalay ba nila ang lahat ng kanilang ari-arian before and after the wedding?
Sinasabing karaniwan itong ginagawa kung malaki ang agwat sa edad at yaman ng mga ikakasal.
Sa kaso nina Bea at Dominic, hindi kaila sa publiko na si Bea ay A-list movie and TV star at trusted celebrity endorser sa loob na ng higit dalawang dekada.
Nagabayan siya nang husto ng kanyang ina, si Mary Anne Ranollo, sa pag-manage ng kanyang kinikita kaya maraming naipundar na properties si Bea, tulad ng bahay sa Quezon City, farm sa Zambales, at apartment unit sa Spain.
Si Dominic ay may boutique digital marketing company, ang Black Peak Hypermedia, na itinatag noong 2020. Sa kanyang linkedin, nakatala siya bilang CEO at president ng kanyang negosyo.
Bilang artista, nakilala si Dominic sa ilang supporting-cast roles sa pelikula at telebisyon, at ang huling naitalang acting roles niya sa imdb.com ay noon pang 2019.
Nitong nagdaang ilang taon, mas aktibo siya bilang influencer na nagpo-post ng branded content sa kanyang social-media accounts.
Ang gap sa income at assets nina Bea at Dominic ang itinuturong dahilan ng hiwalayan.
Napag-alaman ng PEP.ph na totoong pinag-usapan nina Bea at Dominic ang pagkakaroon ng prenup agreement.
Ayon sa First Source ng PEP.ph, nagsimula ang kanilang di pagkakaunawaan dahil na rin sa prenup agreement, hanggang nagdesisyong maghiwalay ang dalawa sa huli.
Kinontra naman ito ng Second Source ng PEP.ph.
Ayon sa Second Source, si Dominic ay "willing to sign" ng prenup agreement.
Ibig sabihin, naiintindihan ni Dominic ang karapatan ni Bea na protektahan ang properties at assets na na-accumulate niya habang dalaga pa siya.
Tila hudyat din ito ng pagpapatunay ni Dominic ng kanyang malinis na intensiyon sa pagpapakasal kay Bea.
May Third Source ang PEP.ph na nagpapatunay na hindi naging isyu sa dalawa ang prenup.
Ni-reveal pa nito na bago pa magbakasyon ang dalawa sa Japan ay naayos na nila ang prenup agreement.
Hindi naman idinetalye ng Third Source kung ang ibig bang sabihin ng "naayos na ang prenup agreement " ay natapos na nilang lagdaan ito o natapos na nila ang pag-uusap tungkol dito.
ISSUE NO. 2: WEDDING EXPENSES
Isa pang lumutang na anggulo ay tungkol sa gastos sa kasal.
Sabi ng First Source ng PEP.ph, hindi nagkasundo sina Bea at Dominic sa logistics ng wedding.
Hindi malinaw kung si Bea mismo, o isang taong malapit kay Bea, ang may isyu sa hatian nina Bea at Dominic sa gastusin sa kanilang destination wedding.
Nalaman ng PEP.ph mula sa Second Source na sa Italy sa Europa ang dapat sana'y wedding venue.
Pero tikom ang bibig ng Second Source kung may naging pagtatalo sa pagitan nina Bea at Dominic tungkol sa wedding expenses.
Wala ring kumpirmasyon ang Third Source pagdating sa isyu ng wedding expenses.
Ang sabi lang ng Third Source, hindi ito kumbinsidong isyu ng pera ang mitsa ng hiwalayan.
Kung titingnan daw kasi ang dating history ng aktres, hindi naging kunsiderasyon sa aktres kailanman ang social status sa pagpili ng magiging nobyo.
Pinunto ng Third Source na sa mga nakarelasyon ni Bea sa showbiz, hindi maitatangging mas litaw ang pagka-A lister ng aktres kaysa sa mga naging nobyo nito.
Ibig sabihin ay mas may kaya si Bea kaysa sa mga nobyo niya.
Na ang ibig ding sabihin ay hindi alintana ni Bea kung mas may kaya siya kay Dominic.
Kung susuriin ang past interviews ni Bea, makikitang aware siyang may mga taong iniintriga ang disparity ng katayuan nila ni Dominic sa showbiz.
At ilang beses ding sinabi ni Bea na non-issue iyon para sa kanya.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph noong August 2021, direktang hiningan ng PEP.ph ng reaksiyon si Bea sa sinasabi ng ibang taong hindi sila bagay ni Dominic dahil si Bea ay certified A-lister at si Dominic ay hindi niya ka-level.
Noong panahon ng interview, pitong buwan na silang "official" na magkasintahan ni Dominic matapos ang 13 months ng dating stage nila.
"Hindi naman ako pumipili ng mamahalin based sa estado sa buhay or estado ng career nila," sagot ni Bea.
"Minamahal mo yung tao dahil kung anong ipinapakita niya sa yo, anong nasa loob niya, how he respects you and loves you.
"Sa akin, it doesn't matter, to be honest. It's something I don't really think about."
Consistent si Bea sa puntong ito.
Noong January 2023, tinanong uli si Bea sa isyung siya ang "bigger star" sa kanila ni Dominic.
"Hindi, never akong tumingin sa estado ng isang lalaki kahit kailan," diin ni Bea sa episode ng Fast Talk With Boy Abunda.
"I mean, meron nga diyang iba ang ganda-ganda on paper—napagdaanan ko na yan, ang cute namin in paper—pero hindi naman nagwo-work, di ba?
"Sa amin ni Dom, it was never an issue for me."
Read: Bea Alonzo says being bigger star than boyfriend Dominic Roque nonissue to them both
Noong October 2022, natanong din ng PEP.ph si Dominic tungkol sa mga kumukuwestiyon ng intensiyon niya kay Bea dala ng pagkakaiba nila ng estado sa buhay.
Sagot ni Dominic, "Wala akong pakialam kung ano ang ibato nila sa akin.
"As long as na okay ako sa kanya, okay kami sa isa't isa, wala akong dapat ikahiya, ikabahala, or ma-intimidate sa sinasabi nila."
Read: Dominic Roque to naysayers of relationship with Bea Alonzo: "Wala akong dapat ikahiya, ikabahala."
ISSUE NO. 3 BEA'S MOM DISAPPROVES OF DOMINIC
Isa pang lumutang na dahilan ng hiwalayan ay may kinalaman sa mga taong nakapaligid kay Bea.
Sabi ng First Source, tutol kay Dominic ang ina ni Bea na si Mary Ann Ranollo.
Tugma ito sa impormasyong ipinarating ng Second Source sa PEP.ph.
Ngunit kinontra ito ng Third Source.
Taliwas daw kasi ito sa nakitang niyang closeness ni Dominic sa pamilya ni Bea.
Sa pagsusuri ng PEP.ph sa dating history nina Bea at Dominic, makikitang malapit nga ang pamilya nila sa isa't isa.
As early as February 2020, naiulat ng PEP.ph ang pagdalo ni Dominic sa baby shower para sa fiancée ng kapatid ni Bea.
Napag-alaman pa noon ng PEP.ph mula sa isang source na si Dominic ang bukod-tanging showbiz personality na hindi kapamilya na imbitado sa family gathering na iyon.
Kalaunan, kinumpirma ni Bea na boto ang kanyang ina kay Dominic, base sa eksklusibong panayam ng PEP.ph kay Bea noong August 2021.
Read: Bea Alonzo-Dominic Roque love story: From friends to lovers
Ayon kay Bea, hindi lang siya kundi pati ang kanyang ina ay "niligawan" ni Dominic.
"May instances na iyan, talagang magmo-motor siya papuntang Zambales, medyo malayo. He would do that," sabi pa ni Bea tungkol sa pagbisita ni Dominic sa ina ng aktres na nakatira sa farm nila sa Zambales.
Ani Bea, ang pagsisikap ni Dominic na mapalapit sa kanyang pamilya ang isa sa mga katangiang minahal niya sa nobyo.
Noong December 2020 at December 2021 ay dumalaw din ang pamilya ni Dominic sa farm ni Bea sa Zambales.
Sa ulat ng PEP.ph noong December 2021, makikita ang litrato ng pinky swear ng ina ni Bea na si Mary at ina ni Dominic na si Lena.
Hinala ng netizens, nagkasundo na ang mga ina nina Bea at Dominic sa future wedding ng couple.
Read: Did Bea Alonzo and Dominique Roque's mothers make a pinky promise about a future wedding?
Ayon sa Third Source, patunay itong mainit ang pagtanggap ng pamilya ni Bea at pamilya ni Dominic sa kanilang relasyon.
THE CONTRADICTING INTERVIEWS
Isa pang naging senyales ng hiwalayan ay ang salungat na sagot ng dalawa tungkol sa wedding preparations.
Sa panayam kay Dominic noong January 20, 2024, nagbanggit siya ng ilang malalapit na kaibigan sa showbiz na imbitado sa kasal nila ni Bea, kabilang sina Kathryn Bernardo, Khalil Ramos, Patrick Sugui, at Marco Gumabao.
Sa panayam kay Bea noong February 1, 2024, maayos siyang nagsabi sa press na wala pa siyang maibibigay na detalye tungkol sa kasal nila ni Dominic.
Nakangiti pero paiwas na sagot ni Bea ay "parang lalaki dapat ang nagpaplano."
Binawi rin ito ni Bea at sinabing pantay naman sila ng effort ni Dominic pagdating sa pagpapatakbo ng kanilang relasyon.
Ang idiniin lang ni Bea ay "wala pa talaga" siyang masasabi sa wedding preparations dahil abala sila ni Dominic sa kani-kanilang trabaho.
Gayunman, naging hudyat ito para lalong mag-speculate ang netizens, pati na rin ang media, dahil ito ang unang pagkakataong matipid ang sagot ni Bea pagdating sa inaasahang pagpapakasal nila ni Dominic.
Noong October 2023, ikinuwento pa ni Bea sa kanyang YouTube vlog na "answered prayer" niya ang matagpuan kay Dominic ang tamang lalaking pakakasalan.
Excited pa niyang sinabing napag-uusapan na rin nila ni Dominic ang planong magka-baby at bumuo ng sariling pamilya.
Read: Bea Alonzo, Dominic Roque's most memorable trips abroad
WHAT WENT WRONG?
Nananatili pa ring malaking kuwestiyon ang biglaang paghihiwalay ng couple.
February 1, 2024 nang umingay ang isyung break na sila.
Pero noon pa lamang January 19, 2024 ay may alingasngas na sa social media tungkol sa pananamlay ng kanilang pag-iibigan.
Ito ay matapos mapansin ng avid fans ng dalawa na absent si Bea sa selebrasyon ng birthday ng ina ni Dominic noong January 16.
Noong January 18, nakipagkita naman si Bea sa close friends na sina Dimples Romana at Bea Saw na tinawag ni Bea na "my unpaid therapists."
Napukaw naman ang atensiyon ng netizens sa "sad boy" solo photo ni Dominic noong January 19 at noong February 1.
Sa dami ng espekulasyon sa February 1 post ni Dominic, sinarado nito ang comments section at di na mababasa ang mga nakasulat doon habang isinusulat ang artikulong ito.
Nangyari ang kanilang holiday trip to Japan mula December 26, 2023 hanggang sa unang linggo ng Enero 2024.
January 27, 2024 ay in-upload pa ni Bea sa kanyang YouTube Channel ang pamamasyal nila ni Dominic sa Sapporo, Otaku, at Niseko.
Base sa video, nagkabit sila ng love lock sa Mount Moiwa at saka pinatunog ang pamosong "Bell of Happiness" sa lugar—mga sikat na tourist activities na pinaniniwalaang pampasuwerte sa pag-ibig.
Makikita pa silang tinatakpan ang love lock para raw hindi makita ang petsang sinulat nila rito.
Read: Bea Alonzo, Dominic Roque seal romantic vows with symbolic love lock in Japan
Ngayon ay parehong tikom ang bibig nina Dominic at Bea tungkol sa breakup.
Ang tanging inilabas ni Dominic sa kanyang Facebook account noong February 8 ay ang simpleng pagtatanggol kay Bea sa gitna ng pambabatikos na natatanggap ng aktres sa social media.
Nanindigan si Dominic na si Bea ay isang "beautiful person inside out" at umapela itong tigilan na ang pagpakalat ng "bashing/hate/negative things."
Read: Dominic Roque breaks silence amid breakup with Bea Alonzo
Ang naiwang katanungan sa publiko: May matindi bang pinag-awayan sina Bea at Dominic nitong mga huling linggo ng Enero?
Gaano katindi ang di nila pagkakasunduan para mauwi sa pag-atras sa kanilang engagement? May pag-asa pa bang magbalikan sila?
Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
Read: Balitang break na sina Bea Alonzo at Dominic Roque, mismong sa kampo ng aktor nanggaling?
