Usap-usapan ngayon sa local at international pageant industry ang tungkol sa leaked video ng meeting ng dalawang owners ng Miss Universe Organization (MUO).
Diumano, ang laman ng video ay pagpo-promote ng social inclusion para sa lahat ng kababaihan.
Pero ang totoong motibo: Kumita ng pera ang MUO.
Sa leaked video, makikita na nasa pulong si Anne Jakkaphong Jakrajutatip, a.k.a. Anne JKN, na binili ang MUO noong 2022.
Nasa video rin si Raul Rocha Cantu, isang Mexican businessman, na recently ay in-announce na nagmamay-ari na rin ng 50 percent ng MUO.
Nakatalikod sa video si Raul pero may mga pagkakataong makikita ang kanyang mukha.
Bukod kina Anne JKN at Raul, may pito pang tao sa conference room.
Nasa wikang Ingles ang kanilang pag-uusap, subalit dahil may kalayuan ang hidden camera ay may mga pagkakataong hindi dinig ang mga pahayag.
In-upload ang video na ito na nilapatan pa ng subtitles ng mga pahayag. Kalat na kalat ito sa social media platforms, at ni-reshare ng iba't ibang pageant vloggers here and abroad.
controversial statements in video
Bagamat may ibang pahayag na hindi maunawaan, marami sa mga sinabi ng mga tao sa meeting ay malinaw.
Isa na rito ang rebelasyon ni Anne ng kanyang “communication strategy.”
Sabi ng Thai media businesswoman, ang desisyon niyang alisin ang age limit sa Miss Universe at payagan ang sinumang kababaihan na sumali ay parte ng kanyang communication strategy.
Read: Miss Universe scraps age restrictions; women of all ages can now join the prestigious pageant
Pagpapakita raw ito ng social inclusion at female empowerment para mas marami ang maka-relate, which is ultimately good for the business.
Pero ang kontrobersiyal na pahayag ni Anne, “They can compete but they cannot win.”
Nagpahayag ng pagsang-ayon ang ilang kausap ni Anne sa kanyang pahayag.
May mga pahayag si Anne at ang iba pa sa meeting na iminumungkahi ang pagpapasok ng mga kandidata, pero hindi mananalo, o kaya ay alam na kung sino ang panalo.
Ang klarong sinabi ng isang lalaki sa pulong, “We also want to have girls that like fashion, even though we know they can compete but they cannot win.”
Dagdag niya, nais nilang isali ang lahat ng kababaihang iba-iba ang “color, sizes, whatever” para i-commercialize. Ibig sabihin, para sa negosyo.
Biglang nag-skip ang video at maririnig si Anne na nagsasalita tungkol sa planong reality show.
Magpapasok daw sila ng 32-33 “real size beauty” at “very big size.”
Sang-ayon ang mga kausap ni Anne na pag-uusapan ang programa at makaka-relate ang maraming viewers.
Pero kahit marami raw ang sumali, “You already know who’s the winner…” sundot ni Anne.
Mapupulot din sa usapan nila na kapag tagumpay ang plano nilang i-promote ang social inclusion para sa kahit sinumang kababaihan, tatangkilikin din kapag naglabas sila ng mga produkto.
Mahihinuhang maraming expansion plans si Anne para sa MUO.
Muling binanggit ni Anne ang tungkol sa gusto niyang reality show na ang goal ay ipakita ang “female empowerment.”
Bukod sa puwede raw sumali ang mga kababaihan ano man ang timbang, at open din para sa may edad na 40-50, ipapakita nila na hindi lang physical beauty ang importante, kundi ang panloob na kabutihan, tulad ng charisma.
Maririnig na sabi ni Anne, “If you have connection, charisma that leads to product sales…It’s all connected. All connected for money.”
mexican tv show, netizens react
Ang leaked video na ito ay naitampok at pinag-usapan pa sa isang Mexican TV show.
Ironically, ang upcoming Miss Universe 2024 ay gaganapin sa Mexico sa darating na November.
Kung ita-translate naman ang chargens na ginamit sa Mexican TV show, matutukoy na kontrobersiyal ito.
Narito ang ilan sa translated chargen:
“Miss Universe: Mocks inclusion?”
“Miss Universe: We accept them but they are not going to win”
May live interview rin ng isang lalaki na witness umano sa “fraud” sa Miss Universe.
Bumuhos ang komento mula sa netizens na kinukuwestiyon ngayon ang kredibilidad at integridad ng maituturing na most prestigious beauty pageant.
Narito ang ilan:



PAULA SHUGART VERSUS ANNE JKN
Ang leaked video na ito ang latest controversy na kinasangkutan ng Miss Universe.
Recently ay nagbigay ng pahayag si Anne JKN kaugnay ng umano’y corruption ng nakaraang leadership ng Miss Universe.
Partikular na binanggit ni Anne JKN ang pagtanggap ng “under the table money.”
Ang pahayag niyang ito ay nag-udyok kay Paula Shugart, former MUO president, na maglabas ng statement.
Kinondena niya ang akusasyon ni Anne JKN na corrupt umano ang nakaraang administration ng organization.
Sinabi rin ni Paula na nagpaplano siyang magsampa ng reklamo laban sa Thai businesswoman, na aniya ay patung-patong na ang hinaharap na kaso.
Nag-ripple effect ang banggaang ito nina Anne at Paula, dahilan para mag-post ang former Miss Universe winners na kinampihan si Paula.
November 2023 nang mag-resign si Paula bilang MUO president, na hinawakan niya for 12 years.
Samantala, patuloy ang pagkalat ng leaked video na ito ni Anne.
At press time, hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.
Sa oras na magbigay si Anne ng kanyang sagot kaugnay ng kontrobersiyal na video ay kaagad itong ilalathala ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
