Nagbalik-tanaw si Mariel Pamintuan, 26, sa dapat sana'y big break niya noon na isang teleserye sa ABS-CBN ngunit naudlot.
Pag-amin ng Kapuso actress, lubos siyang nasaktan noon at ninais tumigil na sa pag-aartista.
Labimpitong taon na sa showbiz si Mariel, na nagsimula bilang isang child actress.
Bagamat kasalukuyan siyang nasa bakuran ng GMA-7, nagmarka si Mariel dahil sa mga ginawa niyang proyekto sa ABS-CBN.
Halimbawa, makailang ulit siyang napasabak sa pag-arte sa maraming episodes ng dating Kapamilya drama anthology na Maalaala Mo Kaya.
Noong bata pa lamang siya, lagi siyang nakukuhang gumanap bilang young version ng mga kilalang aktres, tulad nina Jessy Mendiola, Shaina Magdayao, Kim Chiu, at Judy Ann Santos.
Pero pakiramdam daw niya noon ay hindi umaalagwa ang kanyang career at napag-iiwanan na ng mga kasabayan.
“Steady lang siyang ganyan. Tapos nakikita ko yung mga kasabayan ko nagsisiangatan na,” sabi ni Mariel sa interview niya sa YouTube channel ni Luis Manzano noong February 13, 2024.
Ang ilan sa mga kasabayan niya sa Star Magic ay sina Sofia Andres, Chie Filomeno, at Elisse Joson.
“Sabi ko, ‘Siguro hindi ito para sa akin,’” sambit pa niya.
Read: Student applying for internship allegedly body-shamed; hotel management reacts
THE BIG BREAK in abs-cbn THAT NEVER CAME TO BE
Binalikan din ni Mariel ang pagkuha sa kanya para sa isang malaking proyekto sa ABS-CBN, pero hindi natuloy.
Sabi niya, “May times na akala ko magkakaroon na ako ng break, ‘tapos naudlot kasi meron daw akong taghiyawat.”
Malaking proyekto raw ang ibinigay kay Mariel dahil nakita ang husay niya sa pag-arte.
“Pinagbasehan daw nila ang teleseryeng ginawa ko kaya nila ako isasalang sa bidang role.
“Nung pinreview nila uli, ang dami ko palang taghiyawat,” ani Mariel, na noon ay nasa puberty stage.
May panghihinayang na sabi pa niya, “So, sabi nila, hindi na muna daw. So, ang sakit.”
Nakapag-workshop na raw sila para sa proyektong iyon.
“Nalungkot talaga ako kasi ang tagal na naming nag-a-audition ni Mama.
“Syempre, ina-anticipate ni Mama yung ganong magkakaroon ako ng break.”
Mas masakit daw para kay Mariel na nakikita niyang mas nasasaktan ang ina sa mga ganoong pagkakataon.
“Parang madi-disappoint yung mama ko, dun ako parang mas nasa-sad.”
Hindi na idinetalye ni Mariel kung ano ang proyektong iyon.
Pero pakli niya, “Pero after that, nagkaroon din naman ako ng iba pang palabas, so okay naman."
Iyon nga ay makailang paglabas niya sa MMK. Ang akala raw ni Mariel ay magiging daan iyon para mabigyan na siya ng big project.
“Pero nung tumagal nagka-MMK ako, tapos akala ko tuluy-tuloy na ulit. Wala pa rin.”
Mas lalo raw siyang napanghinaan ng loob noon.
Read: Surot at NAIA? MIAA confirms receiving complaints; apologizes
Sa kasalukuyan ay Kapuso artist si Mariel at naghihintay pa rin ng kanyang big break.
Payo niya sa mga naghahangad mag-artista: “Maraming mga pagsubok na pagdadaanan, pero dapat matibay ang loob niyo.
“And kung mahal niyo talaga ang ginagawa niyo, wag kayong panghinaan ng loob.
“Tuloy lang, sige lang nang sige. Hanggang sa ma-achieve mo yung dreams mo.
“Sa akin, ang taas kong mangarap, e. Di ko pa siya sobrang napu-fulfill [pero] at least, nandito na ako, may steps na akong ginawa.”
