Sa isang pambihirang pagkakataon, pinaunlakan ni Iñigo Pascual ang mga kapwa Pilipino sa Tampa, Florida, USA, nitong nakaraang Sabado, Abril 6, 2024.
“It’s good to be back here in Florida. I consider it one of my second homes here [in the US],” pagbati niya sa mga naghihintay sa kanya.
“It’s good to see some familiar faces and some new faces as well. Ang daming mga Pinoy at Pinay. I can also see some non-Filipinos here which is very nice.”
Tampok na bisita ang 26-anyos na aktor sa PhilFest na ginanap sa Philippine Cultural Foundation Inc. grounds. Ito ang ika-28 taon kung saan nagtitipun-tipon ang mga Pilipino sa Florida.
Matinding hiyawan ang sumalubong nang lumabas siya sa entablado sa kantang “Killing Me Softly” ng The Fugees.

“I wasn’t planning to be going down,” banggit niya matapos ng unang kanta niya kung saan hindi niya napigilan na lumapit at pagbigyan ang requests na selfies ng mga tagahangang Pilipino na sabik na makita siya.
“I want to be singing with you guys. I love the energy.”
Kasunod naman niyang hinarana ang mga kapwa Pilipino awit ang “Ako’y sa Iyo, Ika’y Akin" ng '90s Pinoy band na IAXE. Lalong kinilig ang mga kababaihan nang ilan sa kanila ay hinawakan pa ni Iñigo ang mga kamay at nakipagtitigan sa kanila.

Ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” ang kanyang ikatlong kanta na kinagiliwan naman nang husto ng mga Pinoy na lumaki sa Rey Valera classic song na ito.
“I have one last song. What song should I sing?” tanong niya sa audience.

“Dahil Sa ‘Yo,” sigaw naman nila pabalik.
“Huh?! “Para Sa ‘Yo” yung naririnig ko. Kay Manny Pacquiao yun,” biro niya pa.
“Now I want everyone here… If you guys know the dance, the song is called “Dahil Sa 'Yo.”

Dinumog naman ng fans ang entablado upang sabayan ang kanyang pagkanta at hindi na napigilan ng security escorts niya na pagbawalan silang lumapit sa aktor.

Naka-base si Iñigo sa California, kung saan siya lumaki bago naisipang pumasok sa showbiz sa Pilipinas at sundan ang yapak ng kanyang ama na si Piolo Pascual.
Kamakailan lang ay napasama si Iñigo sa Monarch, isang TV series na ipinalabas sa FOX channel dito sa Estados Unidos, kung saan nakasama niya rin ang aktres na si Susan Sarandon.

Nagkaroon pa ng photo-op ang mga TFC (The Filipino Channel) subscribers kasama ang aktor pagkatapos ng kanyang palabas.
Ipinagdiriwang ng TFC and kanilang ika-30 anibersaryo na siyang responsable sa pagdala sa aktor sa pagtitipon na ito.


“It’s always so much fun going to Filipino events like this and seeing that we can all come together. At kahit na malayo tayo sa Pinas, we can always bring it here. Thank you so much.