Muling pumirma ng kontrata ang Kapuso Prime Time King at Box-Office King na si Dingdong Dantes sa kanyang home network, ang GMA-7.
Dumating ang lahat ng mga bosses at executives ng GMA-7 sa ginanap na live actual contract signining sa morning show na Tiktoclock at sa lahat ng social-media platforms ng Kapuso network noong May 9, 2024.
Halos tatlong dekada na si Dingdong na Kapuso, nabibilang pa ba niya kung ilang beses na siyang pumirma ng network contract?
"Wag mo kong pabilangin, hindi ko na maalala kung ilan,” natawang sabi niya.
“Pero ito sa tingin ko ang pinaka-memorable. Ito ang hindi ko makakalimutan.
Tinawag na Dingdong Kapuso Day Global ang buong araw ng May 9.

Ayon pa rin kay Dingdong, “Although, yung iba naman, mahalaga pa rin naman. Siguro it’s a stage sa buhay ko na medyo malaki ang impact nito. Siyempre, may pamilya na ko.
"Dati, noong ine-explore ko ang career ko, mag-isa pa lang ako. Pero ngayon, sa bawat desisyon na gawin ko, sa bawat projects na tanggapin ko, e, nakakabit ang aking pamilya.
"Now, it becomes more meaningful because I’m not just here for myself.
"Parang birthday ko, grabe yung pakiramdam ko kanina, para kong kaarawan. Napakasaya ng celebration, because, ganito ko siya sine-celebrate sa utak ko dahil ganito siya kahalaga sa akin.
"And masaya ako na tumugma kung paano ko siya sine-celebrate rito sa ibinigay sa akin ng GMA. Very grateful ako."
DINGDONG DANTES AFFIRMS LOYATY TO GMA-7
Sa halos tatlong dekada na contract star si Dingdong ng GMA-7, sumasagi pa rin ba sa isipan niya na wag munang pumirma ng kontrata o sumubok naman sa ibang network?
“Hindi, hindi na umabot sa mga ganoon, hindi na dumating na kailangang pag-isipan ang mga ganong bagay. Siguro mga technicalities dahil kontrata, kailangan mong gawin.
"Pero in principle, malinaw sa akin na ito ang tahanan ko at kung may lugar pa ko dito sa inyo, I’m happy to still perform and share my talents.”
Yung loyalty ay medyo rare sa mundo ng showbiz, pero nakatulong ito para sa longevity niya bilang aktor.
Aniya, "Noon pa, isa sa mahahalagang values na itinuro sa akin ng aking mga magulang, the values and principles of integrity, nandoon ang resilience at disiplina, at nandoon yung loyalty. Hindi mawawala ang loyalty.
"Alam ko iyon, dahil nakikita ko sa mga magulang ko iyon at kung ano ang ginagawa nila, siyempre, na-i-inspire kami, at ganoon din ang ginagawa namin sa aming tahanan.
"Ganoon din kasi ang ipinakita sa akin dito sa GMA magmula nang mag-umpisa ako. So para sa akin, yun din ang ibibigay ko sa kanila.”

DINGDONG DANTES ON HAVING A TELESERYE WITH MARIAN RIVERA
Hindi itinanggi ni Dingdong na sa desisyon niyang pumirma muli bilang Kapuso, malaking factor rin na ang kanyang misis na si Marian Rivera, na isa ring Kapuso.
“Oo, definitely, definitely,” saad niya. “Gaya nga ng sabi ko, lahat ng desisyon ko ngayon, kasama sila. At bilang tahanan namin ang GMA, tahanan ko ang GMA, malaking—well, siyempre, dito ko rin nakilala ang mapapangasawa ko. It makes it more meaningful.”
Tuluy-tuloy pa rin daw si Dingdong sa mga proyektong ginagawa niya ngayon sa GMA-7, tulad ng Family Feud at Amazing Earth.
Malapit na ring simulan ang The Voice Kids, kunsaan siya ang magsisilbing host. May teleserye din siya ngayong taon.
Sabi pa ni Dingdong, “Excited din ako sa mga collaboration with GMA Pictures. Napakaganda ng naging experience sa Firefly and looking forward ako sa mga pupuwede pa naming gawin together. “
"Sa GMA TV, sa GMA Integrated News, excited din akong makasama sa kanilang Master Class series sa Luzon, Visayas, Mindanao para ma-share ang mga kuwento ko at mga kuwento namin dito sa set.”
Sa bagong kontrata niya sa GMA, posible kayang magtambal silang muli ni Marian sa isang teleserye?
Sa pelikula kasi, nagawa na nila sa box-office hit na Rewind, ang successful pairing nila 13 years after naipalabas ang You To Me Are Everything (2010).
"Sana, sana… palagi ko ngang sinasabi noong ginagawa namin ang movie na, ‘Naku, na-miss kong katrabaho ang asawa ko. Tapos, ilang buwan pa lang pagkatapos, na-miss ko na naman siyang katrabaho.
"Although kasama ko siya sa Bonggang Villa [sitcom], katatapos lang namin.
"Although, pagdating sa isang teleserye, we’ll see. Kung maging posible, bakit hindi?”
