Isa si Marlou Colina sa mga Pilipino na naninirahan sa Amerika na maituturing na nagtagumpay dahil sa sipag, tiyaga, at sa kanyang taglay na kakayahan.
Si Marlou ang founder ng MC Aesthetics International.
Isa siyang nurse, makeup artist, licensed aesthetic specialist, at business partner ni Ai-Ai delas Alas sa MC Skin Care sa San Francisco, California.
Read: Ai-Ai delas Alas, nag-resign sa elderly facility sa U.S.

Makulay ang kuwento ng buhay ni MC na tubong Cebu.
Nag-migrate siya sa Amerika noong 2001.
marlou COLINA: FOUR YEARS WORKING FOR WEINSTEIN COMPANY
Apat na taon siyang nagtrabaho sa The Weinstein Company, na pag-aari ng kontrobersiyal na American former film producer at convicted sex offender na si Harvey Weinstein.
Si Weinstein ang pinakapangunahing dahilan kaya naging aktibo ang #MeToo, ang social movement at awareneness campaign laban sa rape culture, sexual abuse at sexual harassment.
Read: Hollywood producer Harvey Weinstein sentenced to 23 years in prison for sexual assault, rape
Lahad ni Marlou sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): “Nag-migrate po ako sa U.S. noong 2001 dahil hindi na maganda ang takbo ng business namin sa Cebu.
“Sumunod ako sa mga magulang ko sa U.S. nang mag-graduate ako.
“Nag-start akong makeup artist sa Cebu noong 15 years old ako at mahilig ako sa mga beauty pageant.
“At the age of 16, naging professional makeup artist ako. At noong 19 years old ako, meron na akong sariling beauty salon sa Cebu.
“Nung twenty-one years old ako, sumunod na ako sa parents ko sa Amerika.
"Dito na ako nag-aral ng Nursing pero Psychology graduate na ako sa Pilipinas. Nursing scholar ako sa isang government funded program sa U.S.”
THE RISE OF MARLOU COLINA
Kasunod nito ay ibinahagi ni Marlou kung paano siya nagsimulang maging makeup artist sa Amerika.
Ang Filipino-American concert producer sa Amerika na si Vic Perez daw ang naka-discover sa kanya sa mga fashion show at concert.
Saad ni Marlou: "Siya talaga ang tumulong sa akin kaya nakilala ako sa Filipino community.
“Noong 2003, lumipat ako sa San Francisco. Kinuha ako ni immigration lawyer Michael Gurfinkel for Citizen Pinoy, ang show niya sa The Filipino Channel [TFC], at nagustuhan ng TFC ang trabaho ko.
“Lahat ng TFC artists, ako ang make-up artist. Si Lani Misalucha ang unang Filipino celebrity na na-makeup-an ko.
“Then si Charice Pempengco sa unang guesting niya sa show ni Ellen Degeneres, at si Sarah Geronimo sa unang concert nito sa U.S. noong 2003. Papasikat pa lang siya noon.
“Na-meet ko naman si David Foster dahil kay Millie Gurfinkel, ang asawa ni Atty. Gurfinkel.
“Inililibre ko noon ang trabaho ko as makeup artist sa short films sa Hollywood.
“Ang hindi lang madali, I kept applying sa mga agency sa U.S., pero walang nangyayari.
“Naglalakad lang ako noon at sumasakay sa bus. May time pang nag-apply ako sa Beverly Hills, sinabihan ako na wala akong license sa cosmetology.
“Pero okay lang sa akin, walang problema.
"Hanggang dumating ang point na ipinakilala ako ni Atty. Gurfinkel kay Angelee Ascueta, ang Filipino-American na manager ng The Peninsula Beverly Hills," pagtukoy niya sa isang luxury hotel sa Beverly Hills, California.”
ON MEETING HARVEY WEINSTEIN AND HOLLYWOOD STARS
Ang pagtatagpo nila ni Angelee ang nagpabago sa takbo ng buhay ni Marlou.
Ang Filipino-American manager ng The Peninsula Beverly Hills ang naging instrumento para makilala ni Marlou si Harvey Weinstein, ang pinakamapangyarihang movie producer noon sa Amerika at may kakayahang ipasara ang buong hotel para sa kanyang mga red-carpet event.

Patuloy na kuwento ni Marlou: “Nagustuhan siguro ni Angelee ang work ethics ko dahil siya ang nagrekomenda sa akin nang maghanap si Harvey Weinstein ng makeup artist para sa labing-isang assistant niyang babae na kailangang ayusan para sa Screen Actors Guild Awards noong 2012.
“Nagpunta ako, may nakasabay ako sa elevator, make-up artist din siya, babae, American.
“Sabi ko, 'Do you also do makeup?'
“Sabi niya,'I’m working for the Weinstein company. I am doing her daughter’s makeup. Her daughter Lily.’
“Siyempre Pilipino tayo, tahimik lang. Nagme-makeup.
"Natapos ko na lagyan ng makeup yung labing-isa sa loob ng apat na oras nang mag-ring ang phone, si Harvey Weinstein, tumatawag.
“Sabi niya, ‘You need to send your make-up artist here in the room. Lily is crying. She didn’t like the makeup.’
“Takbo ako sa room, si Harvey ang nagbukas ng room at sinabihan ako na ayusin ang makeup ng anak niya.
“E, yung bata nagtatago sa bathtub. Sixteen years old siya noon. Sabi niya, ‘No, Dad! I am not going! I am not going!’
“Sabi ni Harvey sa akin, 'Okay, never mind. Next time, we will call you.'
“Ang next event sa Oscars," pagpapatuloy ni Marlou, "nagkataon si Alexis Monsanto, yung Filipino-American designer, naghahanap siya ng make-up artist para sa red carpet.
"Kasi merong Fox News na iko-cover siya at ang isang make-up artist. Yung mga who’s who, yung mga expected look. So, kinuha niya ako.
"May inayusan ako sa umaga, itong si Weinstein kinuha naman ako sa hapon.
“Imagine, mga Pinoy kami ni Alexis, walang pumapansin sa amin. Pero nung nalaman na ako ang make-up artist para sa Weinstein, nagpuntahan sa akin ang lahat ng reporters.
“Nung hapon, ako ang nag-makeup kay Lily at nagustuhan niya ako.
“Dinala niya ako sa kuwarto ni Lorraine Schwartz, ang American high jewellery designer. Dun kumukuha ang mga artista ng jewelries nila para sa Oscar Awards.
“Pagpasok namin, sinabi ni Lily kay Lorraine na, 'Kailangan ayusan ka ni Marlou.'
“Dun ko nakita at nakilala sina Kylie Minogue, Selena Gomez na girlfriend daw ni Justin Bieber, na mga hindi ko kilala dahil mas pinapanood ko noon ang mga artista ng ABS-CBN sa TFC.
“Siguro kung sina Kim Chiu o KC Concepcion yon, matutuwa ako. Pero yung Hollywood stars, hindi ko mga kilala.”

"PRIME YEARS" IN HOLLYWOOD
Naging pabor kay Marlou na hindi nito kilala ang mga nabanggit na popular entertainers dahil hindi siya na-starstruck kaya maayos niya na nagawa ang kanyang trabaho.
Ani Marlou: “Nakatulong sa akin na hindi ko sila kilala dahil nakapag-focus ako sa pagme-makeup. Even si Harvey, hindi ko naman alam na sikat na producer siya sa Amerika.
“Wala akong kakaba-kaba. Mas nangangapa ako kay KC Concepcion kapag inaayusan ko siya.
“So siguro nagustuhan nila ang work ethics ko. Nagtuluy-tuloy na. Every year, ako na ang nag-aayos kay Lily.
“She likes me. She will only have me do her glam during the Academy Awards.
“One time, I was at the Montage hotel for their exclusive party. Hindi kami pinapasok ng kasama ko, but when Lily found out I was outside, she let us in.
“And to our surprise, there’s a VIP table reserved for us.
“Kapag sila ang tumatawag sa akin, kinakansel ko ang lahat ng appointments ko."
Iyon daw ang itinuturing ni Marlou na "prime years" ng kanyang Hollywood career.
Saad niya, "It was the prime years of my Hollywood career kaya nalungkot ako when the whole scandal about Harvey happened.
“Hindi ko alam na ganoon si Harvey. Matapang talaga siyang tao pero hindi ko alam na ganoon siya.
"Nawala na yung involvement niya sa Oscars, so I had to move on.”

Nahatulan si Harvey Weinstein ng labing-anim na taong pagkabilanggo dahil sa tatlong counts ng panggagahasa at nakakulong siya mula pa noong Mayo 25, 2018.
Sina Ashley Judd, Rosanna Arquette, at Rose McGowan ang tatlo sa mga American actress na inakusahan si Harvey ng pang-aabuso.
Mula nang mabulgar ang masasamang gawain ni Harvey, nawalan na si Marlou ng komunikasyon kay Lily.
Pinutol naman ni Lily ang lahat ng kaugnayan kay Harvey dahil naniniwala siyang totoo ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanyang ama.
Mula nang masangkot si Harvey sa eskandalo, bihira nang lumabas ng bahay si Lily. May inuutusan na lamang ito kapag may mga gusto siyang ipabili dahil ayaw niyang magpakita sa publiko.
Read: Ex-Hollywood producer Harvey Weinstein hospitalized after sexual assault, rape convictions
MARLOU COLINA SETS UP HIS OWN BUSINESS
Nang umalis si Marlou sa The Weinstein Company, nagtayo si Marlou ng sariling negosyo na malapit sa kanyang puso—ang medical spa.
Nagamit niya ang kaalaman sa nursing, makeup, at hilig sa pagpapaganda ng ibang mga tao.
“Ang medspa business ang naisip ko dahil nurse ako at kulang ang creativity ko kapag makeup and hair lang ang gagawin ko.
“Nag-formulate ako ng mga sariling gamot para sa skin care. Iba kasi ang skin ng Asian.
"So, naghanap talaga ako ng mga pampakinis, pampaputi, like skin care system, facial wash, toners, pampatanggal ng melasma at shampoo.
“Sa tulong ng Diyos at sa suporta ng mga tao, successful ang MC Aesthetics na isang proudly Filipino company sa Amerika.”
Sa kabila ng pagkakaroon ng sariling kompanya, hinding-hindi nalilimutan ni Marlou ang malaking tulong ni Angelee Ascueta kaya tinitiyak niyang idaos sa Peninsula Beverly Hills ang kanyang mga espesyal na proyekto.
Ayon kay Marlou: “Naging ambassador ako ng Peninsula Beverly Hills as in-house makeup artist nila ako. I’ve done princesses dahil pa rin sa kanila.
“Naging part ako ng infomercial nila sa hotel kaya kapag may big events ako, I always want it held sa Peninsula dahil naniniwala sila sa akin,”
Iniaalay ni Marlou sa Diyos ang lahat ng kanyang mga tagumpay.
“May time talaga na nagsunud-sunod na nagbukas sa akin ang Oscar Awards, Golden Globe Awards, at SAG Awards.
“Lahat ng yan hindi ko talaga inakala na mangyayari sa akin.
“Na-prove ko sa sarili ko na magagawa ng isang Pilipino na mag-excel sa Hollywood as long as tapat at professional ka sa trabaho. Siyempe, importante ang dasal sa trabaho.
“Wala ka talagang magagawa sa iyong kakayahan until ang Panginoong Diyos ang maglalagay sa yo sa lugar kasi there were times in my life na ginawa ko ang lahat, nag-apply ako sa mga kompanya sa U.S. pero walang nangyari sa akin.
“Until such time, yung time ni Lord na sinabi Niya na This is your time.’
“Nagbalik-loob ako sa Diyos noong 2012 at simula noon, ni-restore niya ang lahat sa akin. Lumakas yung benta ng mga product namin.
“At ito ang dahilan ng advocacy ko na tumulong sa pagpapatayo ng mga simbahan sa iba’t-ibang bansa at lugar bilang pasasalamat sa Diyos,” lahad ni Marlou.
Mayroon nang 22 simbahan na natulungang maipatayo si Marlou, at isa sa mga plano nila ni Ai-Ai delas Alas na tumulong para matapos na ang konstruksyon sa Kristong Hari Parish Church sa Commonwealth Avenue, Quezon City.