Saksi si Eric Quizon sa love story nina Chris Po at Nanette Medved.
Yumabong iyon matapos ang 1994 Manila Film Festival Scam, kung saan tumigil sa pag-aartista ang sexy actress.
Read: Manila Film Festival 1994: The Scandal that Rocked Showbiz
“Basta ang alam ko lang talaga, yung pagmamahalan ni Nanette at saka ni Chris, genuine yun,” patotoo ni Eric, na isa sa pinakamalapit na kaibigan ni Nanette sa showbiz.
Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eric nitong Hunyo 4, 2024, Martes ng hapon, sa tanggapan ng Brighlight Productions sa Samar Avenue, Quezon City.
Pagpapatuloy ni Eric, “Na ang nangyari dun is more of, like, ‘us against the world.’ So, ganun yun.
“Ang nangyari, pumunta sila ng States, nag-aral silang dalawa. Pagkatapos nun, nagpakasal sila sa South Africa. I was there.
“And then nag-stay na sila sa Hong Kong dahil nagkaroon ng trabaho si Chris sa Hong Kong.
“So, yun ang istorya nila talaga because it’s a genuine love story. But the circus around it, yung mga nangyayari, hearsay and all that, marami na lang hearsay.
“Marami na lang nagdagdag ng mga kung anu-ano but all I can say is that it was a genuine love na parang ‘us against the world.’”
Read: Nanette Medved, may posibilidad kayang bumalik sa showbiz?
View this post on Instagram
NANETTE AND CHRIS: US AGAINST THE WORLD
Masayang-masaya si Eric para kina Chris at Nanette na ipinaglaban ang kanilang pag-ibig, at nalampasan ang maraming pagsubok.
Napangiti si Eric, “Ang sarap kasing magkaroon ng kaibigan na alam mong totoong nagmamahalan, di ba?
“Yun nga ang sinasabi ko, parang alam mong genuine yung love nila sa isa’t isa, and they’re really good friends.
“Bukod sa mabuti silang magkaibigan… kasi naging magkaibigan muna sila bago naging sila. So, yun yon.”
Mabuting kaibigan din si Nanette kay Eric. Handa noon si Nanette na mang-away ng mga tao para sa kanya.
“Oo naman. Kasi ganun din ako sa kanya. Kumbaga parang… close na kami ni Nanette dahil matagal na kaming magkasama sa mga pelikula,” pagbabalik-tanaw ni Eric.
“Pero naging magkaibigan talaga kami, kasi nung time na she was really down and out, I was there for her.”
Parang kay Snooky Serna nang magsyuting sila ng pelikulang Inagaw Mo Ang Lahat Sa Akin (1995) sa Pagudpud, Ilocos Norte.
Napatango si Eric, “Oo, parang ganun yun. Kumbaga nung time na down and out si Nanette, she was really sad, we were there for her. Nandudun ako para sa kanya.”
Read: Eric Quizon reacts to Snooky Serna calling him her "savior"
BEING THERE FOR EACH OTHER
Nandoon din ba si Nanette noong down si Eric at may mabigat na dinaramdam?
“Yes! Yes!”
Paano siya tumulong? Paano siya sinuportahan ni Nanette?
“Kasama ko siya. Sinasamahan niya ako. As in andudun siya. Siya at saka si Chris,” tugon ni Eric.
“Kasi nung time na yun na na-depress siya, wala si Chris nung time na yun, e. So kami, nakakasama ni Nanette.
“Ako saka yung ibang mga kaibigan namin. Pero talagang nandudun ako para sa kanya.
“And since alam niya na andudun ako para sa kanya, ganun din siya para sa akin.
“That’s why even up to now, hanggang sa naging ninong ako ng anak niya… kumbaga hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami.
“Kumbaga, hindi mawawala yun. Even if you don’t see each other on a regular basis, pero meron kaming group chat na anytime nag-uusap kami.
“So may mga ganun.”
THE MANILA FILM FESTIVAL 1994 SCAM
Sina Ruffa Gutierrez at Nanette ang presenters para sa best actor ng 1994 Manila Film Festival noong Hunyo 22, 1994.
Sabay nilang ini-announce na ang winner ay si Gabby Concepcion para sa Loretta, gayung ang totoong winner ay si Edu Manzano para sa Zacarias.
Sina Gabby at Nanette ay parehong alaga noon ni Manay Lolit Solis, na casting director o talent coordinator para sa nasabing awards ceremony.
Minabuti ni Nanette na mag-aral makalipas sumabog ang 1994 MFF Scam.
Read: Manila Film Festival Scam 1994: Mga katanungang hanggang ngayon ay wala pang kasagutan

Tinanggihan na ni Nanette ang pelikulang Sa Ngalan ng Pag-ibig (1995), kaya ang role doon na mistress ay napunta kay Alma Concepcion.
Tumamlay ang local movie industry matapos ang 1994 MFF Scam. Napakahina ng MMFF 1994.
Naapektuhan din ba noon si Eric? “Lahat naman tayo, naapektuhan doon sa nangyari na yun,” pagmamatwid ni Eric.
“Of course, nung time na nangyari yun, remember si Nanette, nagpaalam siya kay Nay Lolit [Solis], di ba?
“Sinabi niya talaga kay Nay Lolit, ‘Nay Lolit, I hope you understand but I have to tell the truth.’ Di ba, yun ang sinabi niya kay Nay Lolit? Kaya naano siya.
“Ang sa akin kasi, kumbaga nung time na yun, lahat tayo apektado. Parang siguro, parang ang nangyari kasi, parang… yung mga tao, parang, ‘Ano ba yan?! Ganyan ba talaga kayong mga tao sa showbiz?!’
“Parang naging ganun, e. Parang lumiit yung tingin, parang lumiit yung mundo ng showbiz nung time na yun.”
LIFE AFTER MFF 1994 SCAM
Nagtuluy-tuloy pa rin ang career ni Eric matapos ang 1994 MFF Scam.
Read: UNTOLD STORIES: Details Lolit Solis has never revealed about Manila Film Fest Scam
Napabuntong-hininga si Eric, “Oo naman. Kasi, yes, maaring lumiit yung mundo natin or maaaring we’ve been scrutinized by people and all, but tayong lahat, tuloy pa rin ang mga trabaho natin.
“Tuloy pa rin siya. Kasi, trabaho natin yun, e. Wala naman tayong choice, di ba? Na dapat gawin lang natin talaga yung mga trabaho natin.”
Siyanga pala, si Eric ang magdidirek ng 7th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) na nakatakda sa Hulyo 7, Linggo, sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.
Ang delayed telecast ay sa Hulyo 14 sa ALLTV.
Pararangalan doon bilang Box Office Heroes sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ng Rewind, Piolo Pascual ng Mallari, Alden Richards at Julia Montes ng Five Breakups And A Romance, at Kathryn Bernardo ng A Very Good Girl.
May posthumous award para sa writer-director na si Carlo J. Caparas. Pagpupugayan bilang Icons sina Eva Darren, Leo Martinez, Gina Alajar, Nova Villa, at Lito Lapid.
Sa Hunyo 14, Biyernes, nakatakdang ihayag ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang mga nominado sa 7th edition ng The EDDYS.
Read: Eva Darren at Carlo J. Caparas, pararangalan sa 7th EDDYS
