Bumuhos ang luha ng isang lalaki dahil nalimas ang ipong PHP345,000 sa kanyang bank account.
Himutok ni Gleen Cañete sa video na ipinost niya sa Facebook, naglahong parang bula ang pera na ilang taon daw niyang inipon.
Pang-college sana ito ng kanyang anak sa darating na school year.
WHAT HAPPENED TO GLEEN CAÑETE'S SAVINGS?
Nakipag-ugnayan si Gleen sa Banco de Oro (BDO) Unibank Inc., at sinabihan siyang successful ang withdrawal mula sa kanyang bank account.
Hayag pa ng bangko, online ang nangyaring transactions.
Ang ipinagtataka ni Gleen, passbook ang hawak niya. Wala siyang ginawang online account. Wala rin siyang ATM card.
Ibig sabihin, makakapag-withdraw lamang si Gleen kapag nag-over the counter.
Ito ang dahilan kung bakit sa video, punung-puno ng frustration si Gleen.
Hindi niya maunawaan kung paanong nasimot ang kanyang ipon gayong hindi naman siya nag-withdraw.
Di nagtagal, nagkaroon ng development ang kuwento.
Read: Lady starts saving at age 19; buys apartment at 23; has PHP12M in the bank at 25
BDO’S STATEMENT; GLEEN ERASES VIDEO
Nagbigay ng update si Gleen at naglabas ng official statement ang BDO.
Sa parehong pahayag, mahihinuha kung sino ang salarin sa pagkawala ng PHP345,000 ni Gleen.
Inilabas ng BDO ang official statement nito kahapon, June 24, 2024, Lunes.
Binanggit ng bangko na valid ang nangyaring withdrawals ng pera.
Parte ng statement: “BDO has been able to account for the withdrawals that caused stress to Mr. Cañete.
“All withdrawals done by the accountholder online were verified to be valid.”
Makahulugan ang sumunod na pahayag ng bangko tungkol sa privacy ng accounts ng mga accountholders. May pahapyaw na pag-uusapan at aayusin ni Cañete ang gusot kasama ang pamilya.
Ayon sa statement, “Mr. Cañete advised BDO that they will resolve matters within their family.
“BDO always looks after the security of its clients and encourages them to maintain privacy of their accounts.”

Binura naman ni Gleen ang ipinost niyang video.
Una muna siyang nag-post ng update at ipinaalam na kinailangan niyang i-delete ang video. Matutukoy rin sa post na ito na naliwanagan siya sa pangyayari.
Ani Gleen (published as is): “Goodmorming sorry po need ko po delated video naka usap na po namin Okey na po lahat salamat po”

Nagbigay rin siya ng update tungkol sa isyu.
Hindi niya tinumbok kung paano naglaho ang kanyang pera, pero binanggit na may kinalaman ito sa pamilya.
Parte ng post ni Gleen (published as is), “SA NGAYON HINDI KO PO MASABI SA INYO BAWAT DETALYI PERO NAKIPAG UGNAYAN NA AKO SA BANKO. PASENSIYA NAPO KAYONG LAHAT KAILANGAN KO MUNA UNAHIN ANG PAMILYA.”
Payo pa niya sa mga nagkaroon ng katulad na karanasan, makipag-ugnayan sa tamang ahensiya.
Pinasalamatan din niya ang mga taong nagpakita ng simpatya sa kanya.

