Noong nag-aartista pa lamang si Eric Quizon, naglipana sa movie industry ang mga guwapo at maganda na bobo sa pag-arte.
Read: Eric Quizon talks about solid friendship with Nanette Medved
“Marami pero nung time namin, I think I was very lucky na ang nakakatrabaho ko, mahuhusay,” sabi ni Eric.
“Mahuhusay lahat yung nakakatrabaho ko, pati yung mga direktor ko. Kumbaga parang at the time, we were blessed.
“Na yun nga yung tinatawag nila na parang golden years of cinema. Talagang lahat ng nakakatrabaho mo, magaling.
“Ako nga yung feeling ko na hindi magaling, e. Kasi baguhan ako. Pero ang maganda lang talaga nun is, pagka pinasok mo ang isang bagay, dapat mahalin mo ito.
“Saka dapat kung kinakailangan mong mag-improve, mag-improve ka. Kasi nung una kong nakita yung sarili ko sa screen, sabi ko, ‘My God! Ang pangit kong umarte!’”
Introducing si Eric sa pelikulang Bata Batuta (1987) na prinodyus at pinagbidahan ng ama niyang si Dolphy.
Nakadalawa pa siyang movies that year na bida rin at produ ang kanyang ama, iyong My Bugoy Goes to Congress at Mga Anak ni Facifica Falayfay.

Pagpapatuloy ni Eric, “Sabi ko talaga, ‘Pangit kong umarte!’ Tapos yung boses ko, parang sing-song…
“Sabi ko, ‘Hindi, mag-aano ako.’ E, biglang ino-offer-an na ako ng mga pelikula na drama-drama. So, sabi ko, kailangan kong mag-workshop.
“Nag-workshop ako talaga. I would spend para mag-workshop. Kasi gusto kong tama yung gawin ko. Ayokong mapahiya.
“And then eventually, yun nga, napansin na ako. Nag-i-improve na ako.”
Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eric nitong Hunyo 25, 2024, Martes, sa office ng Brightlight Productions sa Samar Avenue, Quezon City.
Read: Eric Quizon remembers dad Dolphy's huling habilin: "Ayoko ng away-away."
ERIC QUIZON ON DIRECTING "BOBONG ARTISTA"
Tatlumpo’t pitong taon na sa local showbiz si Eric. Patuloy ang pag-aartista niya, pero nagdidirek na rin siya.
Bilang direktor, paano kapag may nakakaengkuwentro siyang mga bobong artista? Bobo sa pag-arte, mapurol talaga ang kukote…
Natigilan sandali si Eric bago sumagot, “Well, kung ganun, I always make it a point that inaalam ko kung ano yung capacity nila.
“Kung ano yung capacity nila, kung ano yung mabibigay nila, then yun yon. Pipigain ko.
“Pero kung hanggang dun lang ang kaya nilang ibigay, yun lang ang puwede mong i-present.
“Hindi mo talaga puwedeng pilitin at anuhin to the point na babatuhin mo ng tissue, or papagalitan mo, mumurahin mo.
“Hindi ako naniniwala sa ganun. Sa akin, tutulungan kita if ever to reach kung ano man yung emotional na kailangan mo.
“Pero hindi kita pipilitin, or hindi kita aabusuhin. Hindi kita papagalitan. Hindi kita mumurahin para ma-achieve lang yung gusto ko.
“No. I’m not the type of director.”
Si Eric ang kasalukuyang head ng StarKada star center ng NET25.
Read: Eric Quizon, susundan ang yapak nina Kuya Germs at Mr. M?
DOES ERIC QUIZON HAVE REGRETS?
Pangarap noon ni Eric na maging psychiatrist. May regrets ba siya na hindi niya iyon itinuloy, at sa halip ay nag-showbiz siya?
Napakunot-noo nang bahagya si Eric, “Ganun din, parang sa pamilya ko at saka sa mga katrabaho ko, ang ending ko, parang ganun din. Para akong guidance counselor.
“Kapag may hinihingan ng mga solusyon sa mga ano, whatever, parang ako yung hinihingan nila ng advice. Parang ganun.
“So, parang ganun na rin siya. Yes, may konting ano, but I love where I am right now, at kung saan ako nakarating, at kung saan ako dinala ng Diyos.
“Masaya ako sa pag-aartista. Pero siyempre, iniisip ko pa rin, ‘Papaano kaya kung naging psychiatrist talaga ako? Papaano kung naging doktor ako? Ako kaya yun?’
“Yun lang yon, na hindi ko naramdaman yon.”
Read: Eric Quizon prefers directing to acting?
IS ERIC WILLING TO DIRECT A VIVAMAX MOVIE?
Nag-butt exposure si Eric sa pelikulang Langit Sa Piling Mo (1997) na pinagbidahan nila ni G Tongi. Si Eric mismo ang director ng movie, at co-producer, kaya hindi siya na-exploit o na-conscious sa paghuhubad niya roon.

“Puwet lang naman yon,” pakli ni Eric.
“Saka ang camera, ang layo. Saka ginawa ko yun sa States… Ang layo. Nine lang kami sa crew nung nagsyuting kami sa States.
“Ako, wala naman ako sa ganun. But I don’t think I’ll be able to do yung mga…”
Vivamax?!
“Hindi ko na siguro kaya yon.”
E, kung siya ang magdidirek ng Vivamax movie?
“Puwede naman siguro. Puwede naman pag ako ang magdidirek, wala namang problema,” sambit ni Eric.
“Pero gusto ko, yung magandang istorya. Ayoko yung ganun-ganun lang.
“Sinabihan ako ni Boss Vic saka ni Vincent [del Rosario]. Sabi nila, ‘Ano, Eric, kailan ka magdidirek?’
“Sabi ko, ‘Sige, magpe-present ako.’ Gusto ko lang mag-present ng maganda. Gusto ko lang, maganda ang i-present ko.”
Read: Eric Quizon heats up Balesin with shower photo featuring chiseled abs
7TH EDDYS DIRECTOR
Si Eric ang magdidirek ng 7th The EDDYS awards ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Gaganapin ito sa Hulyo 7, Linggo ng 7:00 pm sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City.
Iho-host ito nina Janine Gutierrez, Gabbi Garcia at Jake Ejercito.
Ang delayed telecast ay sa Hulyo 14, Linggo ng 10:00 pm sa ALLTV.
Pagpupugayan dito ang namayapang nobelista at direktor na si Carlo J. Caparas, ganundin ang Movie Icons na sina Eva Darren, Gina Alajar, Nova Villa, Lito Lapid, at Leo Martinez.

Pararangalan bilang Box Office Heroes sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Piolo Pascual, Kathryn Bernardo, Alden Richards, at Julia Montes.
Ang bagong disenyo ng tropeyo ay likha ni Leandro Baldemor.
Pahayag ni Direk Eric na direktor din ng EDDYS last year, “I’m looking forward to the new awards, like the Box Office Awards.
“At saka siyempre kung sino yung mga bibigyan natin ng Icon Awards. Siyempre, alam naman natin, pag sinabi mong Icon ang isang artista, ibig sabihin nun e malaki ang naging kontribusyon niya sa industriya.
“And of course, meron tayong special numbers.”
Ang Brightlight Productions ang line producer ng 7th The EDDYS awards night.
Sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts at ALLTV, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng The 7th EDDYS ang Globe Telecom bilang major sponsor.
Katuwang din ng grupo ngayong taon ang Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Camille Villar, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, at ang Echo Jam.
Read: 7th EDDYS: Vilma, Maricel, Marian, Kathryn for Best Actress
