Ikinatuwa ng aktres na si Maria Isabel Lopez ang imbitasyon sa kanya para sa 60th Binibining Pilipinas grand coronation night na ginanap sa Smart Araneta Coliseum noong Linggo, July 7, 2024.
Pero sa kasamaang-palad ay hindi sya nakadalo.
Imbitado sa diamond jubliee ng Binibining Pilipinas ang past winners ng beauty pageant na naging kinatawan ng bansa sa international beauty pageants.
Kabilang sa imbitado si Maria Isabel na kinoronahang Bb. Pilipinas-Universe noong 1982. Siya ang representative ng Pilipinas sa Miss Universe 1982 na ginanap sa Lima, Peru.
Mula sa pagiging beauty queen, tumawid si Maria Isabel sa showbiz at naging kontrobersiyal pa noon dahil sa paggawa ng daring movies.
Isa ito sa mga naging mitsa para sa loob ng maraming taon ay tila tinalikuran siya ng Binibining Pilipinas Charities, Inc. (BPCI) at hindi inimbitahan sa mga sumunod na grand coronation.
Read: Maria Isabel Lopez, 60, marries for the second time
MARIA ISABEL ON WHY SHE DID NOT ATTEND DESPITE INVITATION
Kaya malaking sorpresa para kay Maria Isabel nang matanggap ang imbitasyon para sa 60th Binibining Pilipinas matapos umano siyang i-“ghost” ng BPCI sa loob ng maraming taon.
Pero dahil kasalukuyan siyang nasa Amerika, hindi nakadalo ang beauty queen-actress sa malaking pagtitipon ng past Binibining Pilipinas winners.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Maria Isabel ng throwback photo nang manalo siya sa Binibining Pilipinas 1982.
Caption niya, “Celebrating the 60th year of @bbpilipinasofficial I was crowned Bb. Pilipinas Universe in 1982 and it feels great to be invited by Liliana [Soriano of BPCI] to grace this year’s pageant. Unfortunately I’m in the US but I will be there in spirit.”
Si Maria Isabel ay nakabase ngayon sa U.S. May recent post siya kung saan ipinaalam niyang isa na siyang U.S. citizen matapos ang paninirahan doon ng limang taon.
Sa comments section, sinagot ni Maria Isabel ang mensahe ng ilang netizens kasama na rito ang matagal niyang hidwaan sa BPCI.
Komento ng isang netizen, inabangan niya ang aktres kung dadalo ito, “Given na may past issue kau dati with the org.”
Bahagi ng sagot ni Maria Isabel, “Those were the days. They invited me after many years of ghosting.”

Komento ng isa pa, may katuwiran daw noon si Maria Isabel sa kanyang argumento sa kasagsagan ng alitan niya sa BPCI.
Pero inamin ng aktres na may mga pagkakamali rin siya at natuto siya sa mga ito.
Parte ng sagot niya, “I also learned from a lot of mistakes, but in life theres always second chances.”

May isa ring mahabang komento ng netizen na lubos na sinang-ayunan ni Maria Isabel.
Sinabi ng netizen na hindi niya sinasang-ayunan ang “pang-aaglahi at pandadaot” kay Maria Isabel.
Sabi pa nito, dapat ay laging naiimbitihan si Maria Isabel sa lahat ng events ng BPCI, tulad ng iba pang kandidata.
Katuwiran ng netizen (published as is): “noone – ABSOLUTELY NOONE – can erase the FACT that Maria Isabel Lopez won Binibining Pilipinas 1982 to represent the Philippines to the Miss Universe competition that year.
“Every saint has a past and every sinner has a future; Yan ang lagi nyong tandaan. Itigil ang panghuhusga kay Mabel!”
Sagot ng aktres, “Your words are so powerful. Maraming salamat sa encouragement. You just made may day”

MARIA ISABEL’S PAST GRUDGE WITH BPCI
Sa isang artikulo na lumabas sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong 2011, ibinahagi ni Maria Isabel ang naging sigalot nila ni Madam Stella Araneta, ang BPCI head.
Tinawag ni Maria Isabel ang BPCI head noon na “matapobre” at “elitista.”
Read: Former Bb. Pilipinas-Universe Maria Isabel Lopez attacks BPCI head
Kuwento ni Maria Isabel, noong nanalo siya ay gusto siyang mag-resign ng BPCI dahil hindi mayaman ang kanyang background. Pero hindi naman siya balak i-dethrone.
Ani Maria Isabel sa PEP.ph interview: "Hindi nila ako binigyan ng gano'ng option [dethrone]. Ang binigay lang nila sa akin ay resign. E, kasi nga, nagkaroon ng scandal dahil sexy model ako ng Gerald Peter. Hindi ako binigyan ng option na ma-dethrone.
"Tinawag nila ako for a closed-door meeting, and then, with Phillip na spokesperson of Stella Marquez-Araneta, pinagre-resign ako. I will appear like a hero in front of the public, gano'n ang mga sales talk nila... Hindi ako nag-resign, presscon ang katapat!
"So, nagpa-presscon kami, nagkaroon ng ingay. That paved the way for a successful showbiz career. Hindi ko nakuha ang korona, pero I went to the [Miss Universe] pageant, and then I relinquished my crown, kinoronahan ko si Cita Capuyon.
"Hindi nila nabawi [ang crown]. They tried to talk to me to resign. I still went to the Miss Universe pageant [na ginanap sa Peru], hindi nila nabawi, and relinquished my crown the year after.”
Mula noon ay nagkaroon na ng friction si Maria Isabel sa BPCI.
Pagkalipas ng isang dekada, dumalo noon si Maria Isabel sa isang BPCI event. Nilapitan siya ng security at pinapalabas siya.
Ibinahagi ito ni Maria Isabel sa recent interview ng ABS-CBN News.
Sabi ng aktres, “In an incident decades ago, she [Stella] refused to give me tickets. Gloria Diaz gave me and when she found out I was there, inutusan nya ang security na paalisin ako sa upuan ko. But I stood my ground and was able to watch the pageant.
“Tinarayan pa ako ng late Bb. Myrna Borromeo. 'Ikaw naman kasi - you have to wait to be invited!' Since then, I never attended the coronation nights.”
Pero malaki pa rin daw ang pasasalamat ni Marial Isabel dahil kung hindi sa BPCI ay hindi siya mabibigyan ng oportunidad tulad ng showbiz.
Sinabi rin ni Isabel na sa pakikipag-usap niya sa isang BPCI officer ay sinabihan siyang kalimutan na nila ang nakaraan.
